Nagkapalit... Nagkatagpong Mga Puso (Part 15)
Nobela ni SEL BARLAM
(Ika-15 labas)
DAMA ni Betty ang mabigat na sitwasyong dinadala ni Evan. Batid din niyang hindi ganoon kadali para sa binata ang pagdedesisyon, lalo pa at may isang munting buhay na nadadamay dahil lamang sa pansariling interes ng mga nasasangkot.
Malungkot na pinagmasdan ng dalaga ang binatang kanina pa nakaupo sa isang silyang nasa isang bahagi ng pagawaan ng kanyang mga bag na katsa.
Ang lalim na ng mga mga mata ni Evan, humpak na ang mga pisngi, bahagya na ring nalaglag ang dati’y matipunong pangangatawan.
Hindi naman niya malaman kung paano iaangat ang bagsak na damdamin ng binata. Nasa sitwasyon siya na hindi rin alam kung ano ang sasabihin, mainam pa ang huwag na lang magsalita, hayaan na lang ang naguguluhang binata na ilabas ang mga saloobin nito. Sa ganoong paraan ay tila mas nakatulong pa siyang mapakalma ang lalaki mula sa mga emotional baggage nito.
Akmang lalapitan niya si Evan para yayaing kumain ng tanghalian nang kapwa mapadako ang tingin nila ng binata sa may pintuang bahagi ng pagawaan na kinaroroonan ng isang matandang babaing luhaan, puno ng pakiusap at pagsusumamo ang anyo. Ang ina ni Sonya, na panay ang lamukos sa nanginginig na mga palad.
Dumilim ang anyo ni Evan nang makita ang matandang babae.
“E-Evan, si Sonya…” napuputol ng mga paghikbi ang mga sasabihin ng matandang babae.
Ngunit blangko ang anyo ni Evan. Hindi kinakitaan ng interes sa anupamang maaaring marinig.
“Nasa ospital siya at nanganganib!” Sa pagkakataong iyo’y lalong nahilam sa luha ang mga mata ng matanda.
Pinid pa rin ang bibig ng binata.
“Nasa panganib din, maging ang batang nasa kanyang sinapupunan…” sabi sa garalgal pa ring tinig ng bisitang babae.
Sa narinig, hindi na napigil ni Evan ang pagtitimpi, “Wala na ba kayong gagamitin kundi ang sanggol na dinadala ni Sonya?” saka gumuhit sa mukha ng binata ang labis na poot.
“Fifty-fifty ang tsansa nilang mabuhay…”
“Bakit ako ang ginugulo ninyo?”
“Dahil ikaw ang kailangan ni Sonya, Evan…”
“Hindi ako ang ama ng ipinagbubuntis ng inyong anak.”
“Alam ko. Alam naming lahat…”
Napatigil si Evan sa narinig. Napatingin kay Betty na tila nahawan din ang malaking batong nakadagan sa dibdib.
**
KRITIKAL pa rin ang kalagayan ni Sonya. Sa gayong kalagayan ng kababata kung kaya kumuha si Evan ng isang trained medical professional upang matiyak ang pinakaposibleng panggagamot, follow-up care at pangkalahatang resulta ng mga pagsusuri sa babae sa kasalukuyan nitong pregnancy state bunga ng car accident at sa sanggol na nasa sinapupunan nito.
“Nakatingin tayo sa posible ring mga kumplikasyon na maaaring makaapekto sa magiging mag-ina, before, during or after the birth. Kasama na rin sa oobserbahang subtle risks ang stress at emotional duress mula sa aksidente,” paliwanag kina Evan at Betty ng maternal-fetal specialist na tumitingin sa kalagayan ni Sonya.
“Pero ano po ang kasalukuyan niyang kondisyon ngayon?” puno pa rin ng pag-aalaalang tanong ng binata sa espesyalista.
“Well, hindi naman nangangahulugang being at high risk, automatically ay magkakaroon na ang magiging mag-ina ng mga problema, kailangan lang na maging hopeful tayo sa aspect na iyon,” ngumiti pa ang doktor nang sabihin iyon saka tinapik sa balikat si Evan bilang pagpapaalam para bisitahin ang isang pasyenteng hinahawakan din sa ospital na iyon.
Nakahinga nang maluwag ang binata sa huling mga tinuran ng doktor ng kababata.
“Oo nga pala, lumitaw na sa police station ang may-ari ng kotseng nakaaksidente kay Sonya. Willing naman daw itong tumulong sa mga gastusin, natakot lang na masaktan ng mga taong tumulong kung kaya nagpalipas muna ng mga araw bago nagpakita,” ani Betty kay Evan nang sila na lamang ng binata ang magkausap sa isang bahagi ng pasilyo ng pagamutan.
“Good. Malaking tulong din iyan maging sa gastusin ng mga magulang ni Sonya sa pagpaparoo’t parito sa ospital,” medyo gumaan ang loob ng binata sa narinig.
“Patanghali na, gusto mo munang kumain? May Japanese restaurant sa tapat ng main gate, naroroon ang mga paborito mo,” masiglang yaya ni Betty kay Evan nang magpaalam sandali sa ina ni Sonya na nagbabantay rito.
“Sige, nagugutom na nga rin ako.”
Iniorder ni Betty si Evan ng crab tempura roll, dashi at cucumber and wakame seaweed sunomono samantalang ang sa kanya nama’y ang paborito niyang tamagoyaki at steamed rice.
“Betty, salamat, ha?” biglang sabi ni Evan sa pagitan ng kanilang panananghalian sa naturang Japanese resto.
“Salamat na naman saan?” napangiting balik-tanong ng dalaga.
“Basta,” pero kalakip ng maikling katagang iyon ay ang hindi masabing damdamin na tanging sa mga mata lang ni Evan makikita nang mga sandaling iyon.
SUBAYBAYAN!