Nagkapalit... Nagkatagpong Mga Puso (Part 16)
Nobela ni SEL BARLAM
(Ika-16 na labas)
MATATAGALAN pa si Sonya at ang batang nasa sinapupunan nito sa ospital. Kailangan pang madetermina ang maayos na kalagayan ng mga ito sa pamamagitan pa rin ng ultrasound at full OB examination. Isa pang sinusuri ay ang posibleng pagkakahalo ng dugo ng magiging mag-ina sanhi ng car accident.
“Pero kahit nagbibigay ng good report ang expectant mother, kailangan pa rin niyang maobserbahan sa halimbawa’y subsequent vaginal bleeding, leaking fluid, contractions o iba pang abdominal pain, gayundin ang pag-decline ng baby’s movement,” nang sumunod na pagkikitang iyon sa ospital ay mahabang paliwanag kay Evan ng medical professional na nangangalaga sa kababata.
“Wala nang iba pang nakikitang kumplikasyon sa kondisyon ng magiging mag-ina, Doc?” tanong ng binata sa kausap na espesyalista.
“Wala na, maliban lang sa katotohanang ang ganitong aksidente sa nagdadalantao ay stressful, frightening at higit sa lahat, magastos!” nakangiting biro ng manggagamot, na ang tinutukoy ay ang malaki-laki na rin nilang nagagastos sa pagkakaospital doon ni Sonya.
Bago umalis ng ospital si Evan ay kinausap niya ang ina ng kababatang nagbabantay rito.
“Huwag na kayong masyadong mag-alala kay Sonya. Nasa pangangalaga siya at ang kanyang sanggol ng doktor, alam nila kung ano ang makabubuti. Kayo, kailangan n’yo ring manaka-naka ay makapagpahinga para makaipon din kayo ng lakas sa mga sandaling kayo ay napupuyat sa pagbabantay,” sabi ng binata sa matandang babae.
“Oo, Evan…” tanging naitugon ng ina ni Sonya na bakas na ang hapo sa anyo mula sa pinagdadaanan ng anak.
“Heto po pala ang pera, tiyak na may mga pagkakagastusan pa kayo rito habang kayo’y naririto,” wika ng mabait na binata matapos ilagay sa mga palad ng matandang babae ang mga perang papel.
“Masyado na kaming nagiging pabigat sa iyo, Evan…” napaluha sa pasasalamat ang matanda.
“Kababata at kaibigan ko po si Sonya, kayo ay itinuring ko na ring magulang.”
Lalong napaluha ang ina ni Sonya sa mga tinuran ni Evan.
“Pupunta po muna ako sa compound, may natanggap akong tawag mula kay Betty sa ilang problema namin sa delivery.”
Muling tumango ng pasasalamat ang matandang babae.
**
“MARAMI ang returned products natin?” Nakaiilang hakbang pa lang papasok sa pagawaan ng kanyang mga customized mug ay tanong agad ni Evan kay Betty na inabutan niyang isa-isang inilalabas mula sa isang malaking kahon ang isinauling mga produkto, na una pa man ay naitawag na sa kanya ng dalaga samantalang inaasikaso ang pagkakaospital ni Sonya.
“Mga ilang kahon lang naman, Evan,” sagot ni Betty.
“Ano ba ang naging problema?” Sa pagkakataong iyon ay isa-isa nang tinitingnan ni Evan ang mga defective products.
“Kumalat ang pintura ng mga disenyo, marahil ay basa pa ang mga ito nang maiplastik at maikahon.”
“Masyado yatang namadali dahil sa deadline.”
“Oo pero madali lang namang remedyuhan ang mga ito. Kaunting pagpipintura lang ulit, kayang-kaya nang diskartehan ng mga tao.”
“Sige, basta kung ano ang magagawa pang paraan sa mga ito,” pagkawika niyon ay tinungo na ni Evan ang opisinang pinaglalagian niya sa mga pagkakataong mino-monitor niya ang pagpoproseso ng dinedekorasyunang mga mug.
Ilang sandali pa lang siya nakauupo sa kanyang office chair nang sumunod naman pala sa kanya si Betty.
“I think may isa pa tayong problema, Evan…” bungad sa kanya ng dalaga samantalang kipkip ang ilang papel na nakaipit sa office folder nito.
“Problemang ano, Betty?” buong kuryosidad na tanong ng binata.
“May dumating na naman tayong purchase orders at hindi lang marami, kundi bulto,” kaswal ngunit nakangiting sabi ni Betty.
“Pero kaya pa ba natin? nakayapos ang insekyuirdad sa tinig ni Evan nang tumugon.
“Oo naman!” salag agad ni Betty sa nakitang negatibong facial expression ng binatang entrepreneur.
“Ang gulo pa rin kasi ng isip ko, alam mo ang ibig kong tukuyin, Betty…” ani Evan sa pagitan ng isang malalim na buntung-hininga, na ang ibig sabihin ay ang nangyari kay Sonya.
“Tutulungan kita.”
“May sarili ka ring purchase orders…”
“Gusto kong ibalik ang lahat nang naitulong mo sa akin noong panahong nangangailangan ako, Evan. Binigyan mo ako ng puwang dito sa compound, pinahiram ng mga tauhan, at higit sa lahat ay ang isang milyong pisong kahit na sinong santo ay magdadalawang-isip pang ibigay sa kapwa.”
“Pero hindi mo naman kailangang…”
Depensa ni Betty, ‘two heads are better than one. At sabay silang mag-iisip para sa ikasusulong pa ng kumpanya.
Humanga si Evan sa magandang disposisyon ng dalaga.
SUBAYBAYAN!