Nagkapalit... Nagkatagpong Mga Puso (Part 17)
Nobela ni SEL BARLAM
(Ika-17 labas)
“NGAYONG inilipat na si Sonya sa recovery room, nakahinga na rin ako nang maluwag,” ani Evan nang ganap silang makasakay ni Betty sa kotse, pagkaraang bisitahin nila si Sonya sa tinutukoy nitong hospital unit na may mga special equipment at personnel para sa pangangalaga sa mga pasyente. Ito ay matapos ang mga serye ng pagsusuri ng espesyalistang doktor na may hawak sa kaso ng kababata ng binata.
“Iyan din ang ipinagpapasalamat ko, Evan…” tugon ng dalagang tila noon lang din na-relieve sa mga tensyong pinagdaanan ng binata, na hindi man sinasadya ay kinasangkutan na rin niya.
“Pinatnubayan tayo ng pagkakataon…” anang binata saka ini-start ang sasakyan.
“At dininig ang ating mga dalangin,” nakangiting sabi niya, na sinang-ayunan naman ng pagtango ng binata habang binabaybay na nila ang main road mula sa pinanggalingang pagamutan.
“Ang dami ko nang utang sa ‘yo, ‘no?” ani Evan habang tumatakbo ang sasakyan pagkaraang ibahin ang punto ng kanilang konbersasyon mula kay Sonya patungo sa ginawa niyang mga pagmamalasakit sa kumpanya ng lalaki.
“Sus, hayan ka na naman!” kontra agad niya.
“Nitong huli kasi, naiisip ko, bakit kaya tayo pinagtagpo ng tadhana?”
“Noong malakas ang ulan at ang laki ng baha pero tinakbuhan mo lang ako matapos mo akong mabunggo at mangalaglag lahat ang mga gamit ko sa putikan?”
“Tandang-tanda mo pa rin?” ang lakas ng tawa ni Evan pagkatapos.
“Araw-araw kaya kitang isinumpa pagkaraan ng pangyayaring iyon!”
“Pero ako, binigyan ko ng seryosong dahilan.” Mula sa rearview mirror ng kotse ay nakita niya ang kislap mula sa mga mata ng binata.
“By chance na umulan ng bulalakaw at nagkabungguan naman tayo, iyon ba?”
“’Yung kung paano tayo inanod ng mga pangyayari at pinagtagpo tayo sa isang lugar samantalang nakaharap sa iba’t ibang problema noong araw na iyon.”
Sabi pa ni Evan, paano kung lumampas sa buhay nito ang oportunidad na iyon na makaengkuwentro siya?
Napangiti na lang si Betty.
**
ANG pagbuti ng kalagayan ni Sonya at ng sanggol na nasa sinapupunan nito ang nagbalik kina Evan at Betty sa normal na takbo ng kanilang mga gawain—mula sa kanilang mga purchase order, mga delivery, naantalang mga serbisyo at maging sa iniisip ng binata na pagtungo sa isang private resort para makapag-unwind mula sa mga tensyong nagdaan.
“Aba, gusto ko ‘yang ideyang ‘yan! Tiyak na matutuwa ang mga tao!” nagagalak na wika ni Betty sa suhestyon ni Evan.”
“At tiyak, mauuna pang magplano ng kani-kanilang mga dadalhin ang mga ‘yan!” sabay tawa nang malakas ng binata pagkaraan.
“Ibabalita ko na ba sa kanila?”
“Oo, para makapagprepara na rin sila.”
Mula sa pagtingin-tingin sa Internet ay ang private resort nasa pusod ng isang tahimik na subdibisyon sa ibabang gulod ng Mt. Makiling ang napili nila. Mayroon itong isang malaking bahay na may apat na malalaking silid-tulugan at malawak na two-part attic na eksaktung-eksakto sa malaking bilang nila. Ang berde at puting panlabas na kulay nito ay nagbibigay ng magaan sa pakiramdam at kahali-halinang atmospera.
Isa pang taglay ng malaking bahay ng resort ay ang pagiging well-ventilated nito dahil na rin sa magandang lokasyon nito mula sa bundok. Idagdag pa ang malalawak na swimming pool na kadadamahan ng mainit-init at maginhawang tubig habang naglalangoy rito.
“Perfect!” masayang bulalas ni Evan nang masamyo ang sumalubong na malamig at malayang hangin pagtapak na pagtapak pa lamang nila sa lokasyon ng private resort pagkaraang bumaba sa sinakyan nilang van ni Betty.
“Tuwang-tuwa ang mga tao, puwede raw silang mag-videoke habang nagba-barbecue at ang luwag daw ng kitchen at dining area,” pagpapangalawa niya sa binata.
“Pero alam mo ba kung ano pa ‘yung nakita kong perpekto rito sa lugar?” nakahihili ang mga ngiting namutawi mula sa mga labi ni Evan nang sabihin iyon.
“Ano pa kaya, sige nga?” hamon naman niya sa mabait na businessman.
“Nakikita mo ‘yung pinakamalawak na pool na ‘yon?”
“Yes, oo…” tumingin si Betty sa direksyong itinuturo ng binata.
“Mamayang gabi, diyan mo makikita ang magnificent view ng langit!”
At nabasa ni Betty mula sa kislap ng mga mata ni Evan ang tila pagiging isang English romantic poet nang mga sandaling iyon.
SUBAYBAYAN!