Nagkapalit... Nagkatagpong Mga Puso (Part 18)
Nobela ni SEL BARLAM
(Ika-18 labas)
“NATITIGAN mo na ba ang buwan?” Ang tila ekstra-ordinaryong pagkakatunghay sa kanila ng bilog na bilog na buwan mula sa langit, sa pagkakapuwesto nila sa isang swimming pool-patio-table set sa gilid ng private resort ang nagbigay-ideya kay Evan upang romantikong itanong iyon kay Betty kinagabihan ng unang araw nila sa arkiladong lokasyon.
“Oo, madalas. Sa kalagitnaan ng gabi kapag ang langit ay maaliwalas at ang buwan ay nasa kabilugan tulad ngayon…” nakangiting tugon naman ng dalaga matapos tikman ang fruit shake na nasa kanyang juice glass.
“At hindi mo maide-deny, it feels magical and intense and amazing,” pagpapatuloy pa ng binata.
“Ang buwan daw kasi ay ang powerful force of nature…”
“Sentro ng maraming mito at mga alamat sa lahat nang iba’t ibang kultura gamit ang iba’t ibang anyo ng simbolismo.”
“Tulad ng pagbabago, simbuyo ng damdamin…”
“At pag-ibig?”
Natawa nang mahina si Evan sa hindi inaasahang pagkambiyo ni Betty sa salitang iyon.
“Bakit?” nangingislap ang mga matang tanong ng dalaga sa nakitang aktuwasyon ng binata.
“Nasorpresa lang kasi ako,” mabilis na depensa ni Evan na nagsimula nang pamulahan ng mga pisngi sa hindi pa man ay tila pagkakabisto ng damdamin.
“Pero totoo ‘yon. Ang buwan ay isang loyal companion—hindi umaalis, laging naroroong nakatunghay, sa araw-araw ay may iba’t ibang bersiyon ng kanyang sarili.”
“Parang ikaw, sa akin,” makahulugang sambit ni Evan.
Napahinto si Betty. Tila may nakapa sa mga tinuran ng binata.
“Nagtatapat ka na ba sa akin?” diretsang tanong ng dalaga sa kaharap.
“Ang sa akin lang, gusto kong ikonsidera mo…”
Hindi umimik si Betty. Ngunit sumilay ang ngiting may hatid ng pag-asa mula sa maninipis at mapupula nitong mga labi.
**
MULA sa mga fairytales at happy endings sa kanyang kamusmusan, aminado si Betty na tulad din ng maraming babae ay umaasam na makatagpo ang kanyang perpektong Prince Charming na ngayo’y isinusuhestiyon ng mga convincing evidence ng mabuting pagkatao ni Evan—at wala siyang ibang dapat gawin kundi sundan ang landasin ng mabait na binata.
Si Evan ang kanyang very important guy. Hindi lang kathang-diwa ng kanyang imahinasyon, kundi ang mga katangian ay halos katulad ng mga bidang lalaki mula sa lahat ng romance stories na kanyang nabasa—ang ideya, bayani ng bawat kuwento ng pag-ibig na ang minimithing wakas ay ang mga katagang ‘happily ever after.’
Higit sa lahat, si Evan ang kanyang keeper. Ang nakikita niyang magiging commitment nito sa family life at ang sensitibong bahagi ay nangangahulugan ng pagiging naroroon nito sa lahat nang sandali para sa mga minamahal.
“Hey, ayaw mo bang maglangoy? Ang sarap sa tubig!” Ang pag-aanyayang iyon kay Betty ni Evan ang umagaw sa dalaga sa paglalakbay ng isip sa magagandang bagay patungkol sa binatang negosyante, na kinadadamahan niya ng excitement ang nababasa ritong paghahatid ng damdamin.
Imbes na sumagot ay mabilis na nag-dive si Betty sa tubig. Iyon lang at tila mga bata na silang nagkarera sa paglangoy ni Evan. Naroong maunahan niya ang binata at naroong maunahan naman siya nito.
“Alam mo bang ang recreational activities gaya nito ay nakapagpapaunlad ng relationship connections?” sabi sa kanya ni Evan na nang mapagod sa kalalangoy ay umakyat muna sa gilid ng swimming pool at umupo roon.
“Yeah. It builds positive relationships!” nakangiting aniya naman sa binata nang sumunod dito sa pag-upo sa tabi nito.
“’Yung feeling na being cared for!” pagpapatuloy ni Evan sa kanilang healthy conversation.
“Nakase-secure…”
“At nakade-develop ng new range of relationship skills.”
Nang masuyong gagapin ni Evan ang kanyang mga palad, hindi na siya tumutol pa.
Iyon ang unang pagkakataong seryosong nag-usap ang kanilang mga puso.
SUBAYBAYAN!