Nagkapalit... Nagkatagpong Mga Puso (Part 19)
Nobela ni SEL BARLAM
(Ika-19 na labas)
“ALAM mo bang gusto kong sumigaw nang sumigaw sa sobrang tuwa pero iniisip kong baka bigla namang magbago ang isip mo sa pagtanggap sa pag-ibig ko?” wika ni Evan na umaapaw ang kaligayahan sa puso mula sa pagkasorpresa sa naging mabilis na pagtugon ni Betty sa kanyang damdamin. Saksi pa rin ang romantikong pagkakatunghay ng bilog na buwan, mula sa pagkakaupo nila ng dalaga sa gilid ng swimming pool ng okupado nilang private resort.
“Ang gusto ko ay yakapin mo ako nang mahigpit na mahigpit!” hamon naman dito ni Betty na kaysigla ng tinig nang sabihin iyon.
“Mahal na mahal na mahal kita, Betty. Hindi mo alam kung gaano ako kasaya…” niyapos ni Evan nang mahigpit na mahigpit ang dalaga, halos ayaw nang pakawalan mula sa pagkakakulong sa mga bisig.
“Mahal na mahal na mahal din kita, Evan. Ipinadama mo sa akin ang iyong integridad, ang iyong katapatan, ang mga katangian na nagpatunay na sinuman ay maaaring sumandal sa iyo.” Lalo namang nagpakasiksik si Betty sa dibdib ng binata.
“At ikaw ang perpektong babae na para sa akin ay working-woman; masikap, determinado at ginagamit ang isip at puso para sa kapakanan ng lahat.” Kinuha ng binata ang mukha ng dalaga, tinitigan nang buong pagsuyo sa mga mata.
“Ang pakikipagrelasyon ay isang full-pledged partnership,” ani Betty nang bahagyang tingalain mula sa pagkakadantay sa dibdib si Evan.
“Pero para sa ikatatagal at ikatatatag ng isang relasyon, kailangan itong buuin, higit pa sa nararamdaman kapag magkahawak ang mga kamay, hindi ba?”
Real love is more than a physical feeling.
At iyon ang gusto rin nilang patunayan.
Ngumiti nang matamis si Betty bilang pagsang-ayon kay Evan.
Muli, masuyong iginiya ng binata ang mukha ng dalaga patungo sa dibdib.
**
IKINATUWA ng mga tauhan ng kumpanya nang ianunsyo nina Evan at Betty ang binuo nilang general partnership na higit pang nagpalawak sa perimeters of luck ng kanilang mga negosyo at serbisyo.
Nadagdagan ang kanilang mga kostumer, dumagsa ang kanilang mga purchase order at tumaas ang demand ng kanilang mga produkto sa export, lalo na ang mga novelty item.
“Ngayon, alam ko na kung ano ang specifying factor kung bakit ang suwerte-suwerte ko!” may ningning sa mga mata ni Evan nang ibulong iyon kay Betty habang magkatuwang sila sa pagku-quality control ng mga customized mug na inilalagay sa kahon at ide-deliver nila nang araw na iyon.
“Mayroon kang list of principles for good luck, di ba?” sakay naman ng dalaga sa nararamdamang paglalambing lang ng kasintahan.
“Of course, hindi lang ang mga iyon,” pakli ni Evan.
“O, sige... you are blessed!”
“Bukod pa riyan.”
“Hindi naman tiyak na a matter of chance lang…”
“Sirit na?”
“Sirit na nga!”
“Iyon ay dahil mayroon akong ikaw,” mabagal ngunit buong apeksyon ang pagkakasabi ni Evan niyon.
Napuno ng kaligayahan ang puso ni Betty. Nakangiting lumapit sa katipan at pinisil ito nang maliit sa ilong.
“Ako man, dahil alam kong ako ang first and last love mo,” anang dalaga pagkaraan.
Hindi pa sana roon magtatapos ang paglalambingan ng magkasintahan pero pinutol na iyon ng mga yabag na patungo sa kanilang kinaroroonan. Nang kapwa sila lumingon, nakita nila ang papalapit sa kanilang si Sonya, sakay ng isang wheelchair na tulak-tulak ng isang lalaki.
Biglang binalot ng pangamba ang magkasintahan.
SUBAYBAYAN!