Nagkapalit... Nagkatagpong Mga Puso (Part 2)
Nobela ni SEL BARLAM
(Ika-2 labas)
IKINABIGLA ni Betty at ng iba pang mga kasamahan sa Friendly Living ang walang kaabug-abog na pagkakabenta sa kumpanya.
Napilitan daw itong ipagbili ng may-ari dahil ang kinatatayuan ng establisimiyento ay nasasakop ng itatayong isang five-star hotel na bahagi raw ng pag-unlad na target ng komunidad.
Bukod sa ilang insentibong makukuha sa kumpanya sa panahon ng kanilang pamamasukan, wala nang marami pang elaborasyong ibinigay sa kanila ang nagsarang kumpanya.
Pero hindi iyon ganoon kadaling tanggapin. Lalo pa’t sa Friendly Living nagsimula ang kanyang magagandang karanasan sa kanyang career. Bawat aktibidad ay ginawa niyang posible, bawat kapasidad ay buong pagsisikap niyang inialay sa trabaho.
Akala niya, iyon na. Pero hindi pa pala. Lalo pa’t bibilang na lang ng mga buwan at araw, tiyak na wala na siyang trabaho.
“Ang sama-sama talaga ng loob ko, Lory…” as usual ay sa mabait na kaibigan na naman niya nailabas ang kanyang sama ng loob sa hindi inaasahan at nakatakdang pagkawala ng ikinabubuhay nang tipanin ito sa paborito nilang fast food restaurant.
“Siyempre ang may-ari, mas pinili na ang malaking perang mapagbebentahan ng kanyang asset kaysa nga naman ipupuhunan pa niya at kakargo pa siya ng mga tao,” pagpapaliwanag sa kanya ni Lory na may tono rin ng pagmamalasakit.
“Kung alam ko lang, hindi ko na sana ibinigay ang lahat nang galing ko sa kumpanya!” himutok pa rin niya.
“Sus, huwag mong pagsisihan ‘yun,’no?” pinandilatan siya ng mga mata ng kaibigan bilang moral support, bago ininom ang lemon juice na katambal ng inorder nilang meal.
“Parang tinatamad na tuloy ako sa lahat nang bagay…”
“Ano ka ba? Kapag may nagsarang pinto, may iba namang pintong magbubukas.”
“Hus, wala naman akong sasabihin na hindi mo bibigyan ng mga pampalubag-loob!”
“Masyado ka kasing negative!”
“At papaano pa rin ako magiging positive thinker sa lahat nang nangyari sa akin?”
“Basta!”
“Ang ayaw pang maalis sa utak ko, ang ‘bad luck magnet’ na lalaking nakabungguan ko before!” aniya nang dikawasa’y muling maalaala ang nakaiiritang pangyayari na para sa kanya ay naging ugat ng kanyang mga kamalasan.
“Hay, naku... mag-move on ka na kasi sa lalaking iyon, okey?”
“Hindi, ah! Hahantingin ko siya! Pagbabayarin ko siya sa sangkaterbang kamalasang dumapo sa akin magmula nang makabungguan ko siya!”
Dahil naniniwala siya, nagkapalit sila ng kapalaran ng lalaking hanggang sa panaginip ay hindi siya tinatantanan ng pagiging accident prone nito.
**
GINISING si Betty nang malalakas at sunud-sunod na mga pagkatok na nagmumula sa main door ng kanyang apartment. Napabangon ang dalaga sa pagkakahiga sa kama. Nang tingnan niya ang alarm clock na nasa side table sa kanyang ulunan, ika-10:00 na ng umaga ang oras na itinuturo ng mga kamay ng orasan.
Tanghali na pala pero hindi na niya namalayan.
Katulad din ng matuling paglipas ng mga buwan, na hindi na rin niya namalayang paubos na pala ang maliit na halagang nakuha niyang insentibo sa Friendly Living at ngayo’y nagbabadyang mawalan din siya ng tirahan dahil nakatayo sa harapan niya ang matandang babaing may-ari ng apartment at sinasabihan siyang delayed na siya nang halos isang linggo sa takdang araw ng pagbabayad ng kanyang renta.
“K-kayo po pala, Mrs. Fortunato. Magandang umaga po!” Hindi malaman ni Betty kung paano pakikiharapan ang kanyang masungit na landlady na siyang maylikha ng mga pagkatok kani-kanina lang.
“Mas maganda ang umaga kung babayaran mo na ngayon ang dapat ay bayad mo sa upa nitong nakaraang buwan. Aba, sumampa na ang panibagong buwan, ah!” sarkastikang sabi sa kanya ng matandang babae na panay-panay ang paypay sa sarili.
“Paano po ba ito, wala pa po kasi akong ibang trabaho kaya manghihingi pa po sana ako ng palugit…” humugot muna siya ng malalim na hininga para masabi iyon sa kausap.
“Anong paano? Anong manghihingi ng palugit? Aba, problema mong lahat ‘yan, Betty! Hindi mo puwedeng sirain ang negosyo ko, huwag mo akong diskartehan!” lalong bumalasik ang anyo ng matandang babae sa narinig sa kanya.
“Hindi ko naman po kayo dinidiskartehan, misis…” pinilit pa ring pakalmahin ng dalaga ang may-ari ng paupahan.
“Puwes, magbayad ka ngayundin!”
“Kung papayag po kayo, gagamitin ko po muna ‘yung tatlong buwang deposito ko sa bahay…”
“Magagamit mo lang iyon kung aalis ka na rito sa apartment ko!”
“Hindi po, pansamantala lang naman po. Kapag nakakita na po ako ng bagong trabaho, magiging normal na po ulit ang pagbabayad ko ng upa.”
“Madali lang naman ang usapang ito, Betty. Magbabayad ka ba ngayon? Dahil kung hindi, sige, gamitin mo ‘yung deposito mo pero ngayon pa lang ay umpisahan mo nang magbalu-balot ng iyong mga gamit!”
Hindi na siya umimik sa sinabi ni Mrs. Fortunato para hindi na humaba pa ang argumento sa pagitan nila ng landlady.
Kung tutuusin, pabor na rin iyon sa kanya.
Ang mahalaga, bago matapos ang tatlong buwan, kailangan na niyang makakita ng isang trabahong matutugunang lahat ang kanyang nagkasanga-sangang mga problema.
SUBAYBAYAN!