Nagkapalit... Nagkatagpong Mga Puso (Part 20)
Nobela ni SEL BARLAM
(Ika-20 labas)
HINDI inaasahan nina Evan at Betty ang mga panauhing dumating. Sa pagkakakita kay Sonya, nakadama ng munting guilt ang magkasintahan.
“H-hindi namin alam na lumabas ka na ng ospital. Wala kasi kaming natanggap na text o tawag man lang mula sa iyong ina. Magaling ka na ba? Maayos na ba ang pakiramdam mo? Ang sanggol, nasa mabuting kalagayan din ba? Pasensiya na, kasi nga’y nitong mga huling araw ay hindi ka na namin nabisita sa ospital dahil naging abala rin kami sa maraming bagay pero talaga namang dadalawin ka namin ulit doon,” may pag-aalalang sunud-sunod na tanong ni Evan kay Sonya na noo’y sakay ng isang wheelchair na iginiya ng isang tila kaedad na lalaki ng binata nang ganap na makalapit ang mga ito sa kanila.
“Oo, Evan. Magaling na magaling na ako pati na ang sanggol at wala kang dapat ihingi ng paumanhin dahil ako ang naging pabigat sa inyo ni Betty. Halos nagulo ko pa ang pamumuhay ninyo, pati na rin ang inyong hanapbuhay at mga tauhan dito. Sana, mapatawad ninyo ako. Saka nandito kami para magpasalamat,” tugon naman agad ni Sonya sa mga tinuran ng kababata, na pagkatapos ay tiningala at nginitian ang lalaking naakagapay sa kinasasakyan nitong wheelchair na gumanti rin ng ngiti sa lahat.
“Ako si Nathan,” maagap na pagpapakilala ng lalaki sa sarili saka iniabot ang kamay kay Evan. Sinagot naman ng pangalang narinig ang lahat nang kuryosidad ng binata tungkol sa kasama ng kababata.
“Ikaw ang ama ng dinadala ni Sonya?” matamang napatitig si Evan sa narinig na pangalan ng kausap na ngayo’y unti-unting rumerehistro sa kanyang utak na siya ngang dating katipan ni Sonya.
“Oo…” pag-amin ng lalaki sa tapat na tono.
“Bumalik siya para ayusin ang lahat-lahat sa amin, pati na sa aming magiging anak, Evan,” masayang salo agad ni Sonya sa usapan ng dalawa.
“At kaya kami naparito, para imbitahin kayo sa nalalapit naming pagpapakasal. Simpleng seremonya lang pero mahalaga para sa amin ang naroroon kayong dalawa,” dugtong ni Nathan nang nakangiting sumulyap kay Betty.
“Aba, sino kami para tumanggi?” tuwang-tuwang wika ni Betty nang makisalo sa konbersasyon.
“Pero bago dumating ang araw na iyon at nandirito na rin lang kayo, kailangang magkaroon tayo ng selebrasyon, mula sa paglabas sa ospital ni Sonya at lalo na sa iyong pagbabalik, Nathan.” Ang sinabing iyon ni Evan ang lalong nagdagdag sa galak na nasa puso ng nagkabalikang magkatipan.
**
MATAGAL nang nakapagpaalam sina Sonya at Natan pero hatid pa rin ito ng tanaw nina Betty at Evan.
Ang gaan ng pakiramdam ng magkasintahan. Tila kaybait sa kanila ng tadhana. Basbas nilang itinuring ang paggaling na iyon ni Sonya at ang pagkakalabas nito mula sa ospital. Isa pang ipinagpapasalamat nila ay ang pagbabalik ni Nathan. Tinuldukang lahat niyon ang mga agam-agam na sumalakay sa kababata patungkol sa kalagayan nito at ngayo’y hindi na ito mag-iisa pati na ang sanggol na dinadala nito.
Nasa tamang kaayusan na ang lahat, kung kaya nakatingin na rin si Evan sa isang mithiin.
“Kasal? Gusto mo na ring magpakasal tayo? Ang bilis naman ‘ata?” Ikinasorpresa ni Betty bagama’t naghatid ng kiliti sa kanyang puso ang ibinulong na iyon sa kanya ni Evan nang pabalik na sila sa loob ng compound. Ganap na noong nakaalis sina Sonya at Natan.
“Why? Iyon na ang ultimate state para sa ating dalawa at seryoso ako,” hindi naaalis ang kislap sa mga mata ng binata, lalo pa nang masuyong pisilin ang isang palad ng dalaga.
“Paano ko ba ipararamdam sa iyo na mahalaga rin sa ‘kin ‘yan?” saka tinitigan niya nang malagkit ang kasintahan.
“Kung gano’n, magsimula na tayong tumingin-tingin ng iyong perfect wedding dress.” Huminto si Evan, nasa mga mata ang di maipaliwanag na galak nang buong pagmamahal na pisilin sa baba si Betty.
“Basta ayoko nang malaking kasalan na nakatitig sa akin ang lahat, ha?”
“Pero ang gusto ko nama’y el grande, a great one, may European ambiance ng vineyard setting with lush gardens, may calming sound ng waterfalls at ang peaceful tranquillity ng panoramic surrounding, gusto kong maging prinsesa ka sa araw na iyon!”
“Ang gusto ko’y sa isang simpleng araw lamang matatapat habang ang lahat ay abala at kapag sumapit na ang paglubog ng araw, gusto kong sumakay sa sarili kong kabayo upang libutin ang mundo…”
“Ganito na lang, itatala kong lahat ang mga sinabi mo basta ang pinakamahalaga, ako ang lalaking maghahatid sa iyo sa harap ng altar!” ani Evan nang matawa nang malakas sa sinabi ni Betty.
SUBAYBAUAN!