Nagkapalit... Nagkatagpong Mga Puso (Part 3)
Nobela ni SEL BARLAM
(Ika-3 labas)
MATAGAL nang nakaalis ang matandang babaeng may-ari ng apartment na tinitirahan ni Betty pero nananatili pa ring nakatitg ang dalaga sa ilang tig-iisandaang pisong nasa kanyang mga palad.
Ang mga iyon na lamang ang nalalabi sa kanyang bulsa. Na kahit ilang beses man niyang bilang-bilangin at kuwenta-kuwentahin, hindi na matutugunan ng mga iyon ang kanyang kasalukuyang sangkaterbang problemang pinansyal.
Lalong naalarma si Betty nang pagtayo niya mula sa kinauupuang sofa ay hindi sinasadyang napagmasdan ang kanyang repleksyon mula sa salaming pumupuno rin sa kanyang maliit na sala.
Nangangalumata, haggard-looking na pala siya. Umimpis na rin ang dati’y mapipintog at mamula-mula niyang mga pisngi. Bagsak na rin ang mga balikat niya.
Parang kailan lang, lahat nang bagay ay umaayon sa kanyang mga positibong paraan, lahat nang magagandang bagay ay lumalapit sa kanya nang ganoon kadali lamang.
Hindi na siya ang ‘sort of girl fortune’ na bukambibig ng marami; hindi na siya maganda, wala na siyang trabaho, wala na siyang pera.
Ang pagkabaling ng mga mata sa mga telang katsa at textile paints na ginamit niya para sa kanyang demo para sana sa kanyang product features na naunsyami ang unti-unting umaagaw sa kanyang emosyon mula sa depresyon.
Umaandar ang kanyang imahinasyon, ang kanyang pagkamalikhain.
Tinipon niya nang sama-sama ang kanyang mga kagamitan sa paggawa ng eco-chic bags, mula sa mga katsa, textile paints, canvass at mga disenyong siya rin ang gumuhit.
Pagkaraan ay kinontak niya si Lory para magkita sila ng kaibigan sa paborito nilang fast food center.
“Okey, sige. Dahil may kaunti akong ipon, mapauutang kita ng pambili ng second hand na sewing machine. Pero saan mo naman dadalhin ang mga bag na mayayari mo, ha?” Iyon ang unang tanong sa kanya ng kaibigan pagkaraan niyang ikuwento rito ang naiisip na maliit ngunit pansamantala ring mapagkakakitaan, ang paggawa ng sarili niyang mga eco-bag.
“Ano ka ba, nandiyan ang Divisoria, ang Quiapo, ang Baclaran…” pakumpas-kumpas niyang sabi, na nasa anyo ang determinasyon sa nais gawin.
“Maglalako ka ng mga bag sa mga lugar na ‘yon?” gulat na gulat na balikwas ng tanong sa kanya ni Lory.
“Eh, ano naman kung maglako ako ng mga bag?”
“Paano kung hindi magklik ang mga bag mo?”
“At paano kung magklik ang mga bag ko?”
“Talagang positibo ka riyan sa iniisip mo, ha?”
“Lory, iyon na lang ang natitira sa akin, ang maging positive thinker!”
“Hay, naku! Sige, sige, tara na at magwi-withdraw na tayo para sa perang kailangan mo!”
Nakahinga nang maluwag si Betty sa tinuran ni Lory.
**
GAMIT ang second hand sewing machine na hiniram kay Lory ang perang ipinambili, ang sumunod na mga araw ay sumaksi sa pagiging abala ni Betty sa pananahi ng kanyang ‘eco-chic bags’ na ang mga disenyo ay mula rin sa pagiging malikhain ng kanyang isip at mga kamay.
Batid niyang bumalik siya sa square one pero nasa positive side ang dalaga sa magiging resulta ng kanyang mga likha. Iniaplay niyang lahat ang kanyang mga kaalaman at karanasan sa pagkokonsepto sa kanyang mga produkto—mula sa pagbubuo hanggang sa pagkayari ng mga ito, hanggang sa excitement na nadarama niya dahil inip na inip na rin siyang makita ang kanyang finished products.
“Oh, Betty, ang gaganda ng mga bag mo!” bulalas ng paghanga ni Lory nang ipakita niya sa kaibigan ang limampung bag na katsa na nilagyan niya ng iba’t ibang disenyong ang tema ay pangkalikasan tulad ng layunin ng kanyang ‘bags for life.’
“Para bang hindi gawa ng tao, ha?” nakatawa niyang biro sa kaibigan.
“Aba, madali mo ngang maibebenta ang mga ito!”
“Ang sabihin mo pa, kung may negosyanteng magkainteres at bilhing lahat?”
“Puwede!” namimilog ang mga matang wika ng kanyang kaibigan.
“At iyon ang target ko, Lory.”
“Pero paano?” medyo kumunot ang noo ng kausap.
“Sasabayan ko ang Baclaran Day, di ba maraming nagpupunta roon? Tiyak, hindi ako masi-zero sa benta. Saka ano’ng malay mo, may magkainteres ngang pakyawin lahat?”
“Hay, patnubayan ka nawa ng pagkakataon. Nahihirapan na rin ako sa sitwasyon mo. Kung puwede nga lang, na kapag hiniling kong may lumitaw na bulalakaw ay mayroon ngang lilitaw para lang ma-wish ko na sana ay bumalik na nga ang mga suwerte mo!”
“Di ba sabi ko sa iyong huwag mo nang mabanggit-banggit ang salitang ‘yan?” inis niyang sabi kay Lory na ang tinutukoy ay ang katagang ‘bulalakaw.’
“Ang bulalakaw?” pakunwaring ulit pa ng kaibigan, tila pa nang-aasar.
“Inulit mo pa!”
“Eh, bakit naman kasi?”
“Di ba nga’t ‘yan ang dahilan kung bakit nagkamalas-malas ang buhay ko?”
“Kaya nga humihiling akong may lumitaw sa langit, para nga mabawi mo ang suwerte mo!” nangongonsolang sabi pa ni Lory.
Pero hindi bulalakaw, kundi ang lalaking hindi niya makalimutang nakabungguan ilang araw na rin ang lumilipas ang hinihintay niyang lumitaw kahit saan pang sulok ng mundo ito niya pupuwedeng makatagpo.
At talagang babawian niya ito!
SUBAYBAYAN!