Skip to main content

Nagkapalit... Nagkatagpong Mga Puso (Part 4)

Nobela ni SEL BARLAM

(Ika-4 na labas)

ARAW ng Baclaran. Maraming tao, sagsag ang mga deboto. Matingkad ang sikat ng araw pero hindi iyon alintana ni Betty. Sagsag siya sa kalalakad para humanap ng puwestong madaling mapapansin ng mga dumaraan ang kanyang mga likhang eco-bags.

            Pero hindi pa man siya nakakikita ng mapupuwestuhan, isang babaing mukhang mayaman ang kumalabit sa kanya at pinuna ang dala niyang mga bag.

            “Magaganda at pulido, ikaw ang gumawa?” nakangiting tanong nang lumapit na babae habang sinisipat-sipat ang mga paninda ng dalaga.

            “Opo, bili na po,” magalang na alok niya sa kausap.

            “Sige, ibigay mo sa akin ang presyo mo at babayaran ko nang lahat ang mga ‘yan,” wika ng babae.

            “Naku, talaga po?” tuwang-tuwang bulalas ni Betty.      

            “Kasi nga ay talagang naghahanap ako ng mga eco-bag para sa aking mini-mart.”

“Nauuso na pong talaga ngayon ang mga ito at kailangan na kahit pa sa maliliit na negosyo,” susog pa ng dalaga sa sinabi ng babae.

            “Ikaw, kaya mo ba akong suplayan?”

            “Aba, opo, kaya ko po!” walang dalawang isip na tugon ni Betty.

            “Sige, heto ang address ko, diyan mo ako puntahan para mag-usap tayo.”

            Eksakto namang pagkaabot kay Betty ng babae ng calling card at ng perang kabayaran sa pinakyaw nitong mga bag ay ang biglang pagdaan naman ng isang makisig na lalaking biglang umagaw sa atensiyon ng dalaga.

            Hindi na iniwan ng tingin ni Betty ang papalayong lalaki. Pilit itong hinahagilap ng kanyang mga mata sa karamihan ng mga taong nagsisipaglisaw sa lugar.

Naalarma ang dalaga nang mawala na ito sa kanyang paningin.

            “Pa’no, hihintayin kita sa mini-mart ko, ha?” ang pagtapik na iyon sa kanyang balikat ng katransaksyong babae ang nagbalik kay Betty sa konbersasyon nila nito.

            “Sige po, opo,” mabilis naman niyang sagot pagkatapos ay nagmamadali na ring iniwan ang kausap para lang habulin ang nakalayo nang lalaki na halos lumiit na sa kanyang paningin.

            Hindi siya maaaring magkamali…

            Ang lalaking iyon…

            Iyon ang lalaking nakabungguan niya nang umulan ng mga bulalakaw!

Panay ang hawi ni Betty sa mga taong nakasasalubong. Ayaw niyang mawala sa kanyang paningin ang hinahabol na lalaki. Batid ng dalaga, sa isang kisap lang ng mata ay tiyak na hindi na niya maaabot ng tanaw ang taong sinusundan at maglalaho na rin ang pagkakataong maipabawi niya rito ang pangit na kapalarang tila sumpang dumikit na sa kanyang buong pagkatao mula nang makabungguan ito.

            Lalong nag-unahan ng mga paa ni Betty nang matanawan niyang mabilis na lumiko ang lalaki sa kalsadang tumutumbok sa Roxas Boulevard mula sa main street ng Baclaran Church.

            At eksaktong aabutan na sana niya ito nang mabilis itong makasakay sa isang Toyota Matrix na nakaparada sa may parking area ng isang kilalang bangko.

            Pagkaraan niyon, maliit na maliit na lang ang tanaw ni Betty sa humarurot na magarang awto.

            Nakauwi na ang dalaga sa kanyang apartment pero hindi pa rin maalis-alis ang kanyang panlulumo.

            Gusto na niyang magtampo sa tadhana. Hindi nito hinayaang maabutan niya ang hinahabol na lalaki. Pinakahihintay niya ang pagkakataong iyon, na tatapos na sana sa kanyang mga kamalasan.

            Pero hindi susuko ang dalaga. Magbabakasakali siya.

            Babalik siya sa Baclaran sa kaparehong araw at oras na naroroon siya kanina. Sa bangkong kinaparadahan ng kotse ng lalaki, doon niya ito muling aabangan.

            At tinitiyak niya, hindi na ito makawawala pa sa kanya.

            Nakarinig siya ng malalakas at sunud-sunod na mga pagkatok mula sa main door ng kanyang apartment. Ang mga iyon ang nag-utos sa kanya upang tumayo mula sa kinauupuan at buksan ang pinto ng inuupahan.

            “Ano’ng balita, Betty?”

            Ang matandang babaing may-ari ng mga paupahan ang maasik ang mukhang bumuglaw sa kanyang harapan.

 

SUBAYBAYAN!