Nagkapalit... Nagkatagpong Mga Puso (Part 5)
Nobela ni SEL BARLAM
(Ika-5 labas)
NANG mabungaran ni Betty ang kanyang kasera ay alam niyang maniningil na naman ito. Para wala nang isyu ay nginitian niya ito.
“Sandali lang, ho,” aniya rito at pumasok siya sa loob ng kanyang tirahan. Kinuha niya ang perang mula sa pinagbentahan niya ng eco-chic bags na ginawa niya. Paglabas niya ay iniabot niya sa masungit na landlady ang pera.
“Heto na po,” halos malapit sa mukha nito ang pagkakabigay niya ng pera.
Hinablot iyon ng matanda. Binilang. “Sa susunod ay ayokong pinatataas mo ang presyon ko, Betty, ha?” anito na ang madilim na mukha kanina ay nagliwanag na nang matiyak na kumpleto ang bayad niya at hindi na siya aalis sa paupahan nito. Hindi na rin niya gagamitin ang tatlong buwan na deposito.
Umalis na ang kanyang landlady.
Pagbalik niya sa silid ay saka naman tumunog ang kanyang cellphone. Text message mula sa babaing pumakyaw ng kanyang eco-chic bags. At ang mensahe nito ay nagpatili sa kanya sa sobrang tuwa.
**
NAKANGITING iniabot ni Mrs. Dollente kay Betty ang purchased order ng mga eco-chic bag ng dalaga para sa susunod na buwan ng Disyembre na pawang pamasko na ang mga disenyo nang puntahan niya ito sa pag-aaring mini-mart. Kasabay niyon ay ang ibinigay ring paunang kalahating bayad ng mabait na negosyante para may magamit siyang kapital sa kanyang gagawing mga produkto.
“Basta kung may tanong ka pa tungkol sa mga order ko, i-text o tawagan mo lang ako,” malugod na sabi pa kay Betty ng mabait na babae.
“Naku, salamat po, Mrs. Dollente. Lalo na po sa tiwalang ibinigay ninyo sa akin!” aniyang wala nang pagsidlan sa tuwa sa naging produktibong transaksyon nila ng kausap.
Pagkatapos muling magpasalamat ay sininop na ni Betty sa kanyang dalang bag ang kopya ng kanyang purchased order saka isinuksok sa bulsa ng suot na maong jeans ang advance payment ni Mrs. Dollente at mabilis nang lumabas mula sa mini-mart.
Gaya noong nakaraang Miyerkules ay nag-uunahan na naman ang kanyang mga paa. Hinahabol niya ang mga oras. Kailangan niyang makarating sa Baclaran sa eksaktong oras, sa eksakto ring lugar kung saan niya nakita ang lalaking natitiyak niyang nakabungguan noong araw na wika nga ng kaibigang si Lory ay umulan ng mga bulalakaw.
Tandang-tanda niya ang nautical blue metallic na kulay ng Toyota Matrix, ang vehicle weight, ang vehicle height, lalung-lalo na ang plate number niyon, hindi siya maaaring magkamali…
Animo jet na nilipad niya ang kalsadang binabaybay ng magarang awto nang makitang paparating ito malapit sa lugar na pinagparadahan nito noong isang Miyerkules.
At upang mapilitang bumaba ang lalaking nagmamaneho ng sasakyan, humarang siya sa daraanan nito.
“Hoy, miss, kung nagpapakamatay ka, puwede bang huwag mo na akong idamay!” galit na singhal kay Betty ng guwapong lalaking bumaba ng sasakyan, na pagkatapos siyang businahan nang businahan ay talagang hindi siya tuminag sa kinatatayuan.
“Hoy, unggoy! May atraso ka sa akin kaya hindi ka makaaalis dito, pati na ‘yang awto mo, ‘kala mo ba!” asik naman niya rito, na lalo pang humingal sa galit.
“Hindi kita kilala, nagmamadali ako, kaya puwede ba?” nadagdagan ang iritasyon sa mukha ng lalaki.
“Ah, ganoon mo lang kadaling nakalimutan ang babaing nabunggo mo nang malakas nang pilit kang makipag-agawan sa pinara kong taksi, na nagkalaglag-laglag ang dalang mga panindang bag sa putikan at pagkatapos ng eksenang iyon, nagkamalas-malas na ang buhay?”
Kumunot nang malaki ang noo ng lalaki.
Iiling-iling at tila walang naiintindihan sa mga sinasabi ni Betty.
SUBAYBAYAN!