Nagkapalit... Nagkatagpong Mga Puso (Part 6)
Nobela ni SEL BARLAM
(Ika-6 na labas)
“SO, ngayon, inaamin mo nang natatandaan mo na ang araw na nagkabungguan tayo dahil lamang sa pakikipag-agawan mo sa akin ng taxi, ha? Pagkatapos mo akong ipahiya sa harap ng maraming tao sa Baclaran, sermunan ng mga traffic aide! At alam mo bang pinag-community service pa ako sa paligid ng simbahan dahil lang sa walang kuwentang pakikipag-argumento sa iyo nang araw na iyon dahil ayaw mo ngang umamin?” halos sumabog sa galit si Betty sa ikalawang pagkakataong iyon na nakaharap si Evan—ang lalaking may nunal sa mata, may dimple chin at higit sa lahat, ang lalaking nakatatak na sa kanyang utak na naka-swapped luck niya mula sa walang kamatayang kuwento ng pag-ulan ng mga bulalakaw.
“Kaya nga hinanap kita ulit kung saan-saan, miss. Nagbakasakali akong gaygayin ang Divisoria at heto, sinuwerte nga akong makita ka! Marami akong gustong sabihin sa iyo, ipaliwanag, i-share, basta!” hindi naman alam ni Evan kung papaano pakakalmahin ang dalaga lalo pa’t dumarami na rin ang nag-uusyoso sa paligid ng katsa store na kinatagpuan nito sa kanya.
“At ikaw, alam mo bang talagang hinahanap kita para lang sampalin? Dahil baka kapag sinampal kita, bumalik lahat ang mga suwerte ko na aminin mo man at sa hindi, tiyak na lumipat sa ‘yo!” mas gigil pang singhal ni Betty sa kausap.
“Iyon nga rin ang isa pang gusto kong ikuwento sa ‘yo, dahil mula nang magkabungguan tayo, nawala na rin ang aking pagiging clumsy, hindi na napupunit ang pundya ng pantalon ko, hindi na ako accident prone at lalong hindi na rin ako bad luck magnet! At, hindi na rin ako naglilinis ng mga toilet sa istasyon ng MRT tulad ng trabaho ko noon!”
“At ang kapal pa ng mukha mong inggitin ako, ha?”
“Hind! Buti pa, tar, sa isang restaurant tayo mag-usap!”
“Sa palagay mo, sasama ako sa iyo?”
“Kailangan mong sumama sa akin para hindi ka magsisi!”
“Alam mo, hindi tayo pupuwedeng maging close, eh! Dahil magmula nang araw na nakakrus kita ng landas sa buhay ko, itinuring na kitang kaaway!”
“He-hep, from now on, kailangan mo akong ituring na kaibigan!”
“At bakit?” nagsalubong ang mga kilay ni Betty sa sinabi ni Evan.
Lalo pa siyang nairita nang mas lumapit pa sa kanya ang binata at bulungan siya nito tungkol sa isang bagay na hindi raw nito maaaring sabihin nang malakas dahil delikado.
Tumama raw sa lotto ng dalawang milyon si Evan nang araw ring iyon na nagkasalpukan sila ng binata.
At ang magandang balita, babalatuhan daw siya nito.
Gustong pumalahaw ng iyak ni Betty.
Imagine, pati ang madyik niya sa pagpili ng mga numero sa lotto para tamaan ang jackpot ay nalipat din pala kay Evan!
SUBAYBAYAN!