Nagkapalit... Nagkatagpong Mga Puso (Part 7)
Nobela ni SEL BARLAM
(Ika-7 labas)
HINDI makapaniwala si Betty. Titig na titig sa isang milyong pisong halaga ng tsekeng pinilas ni Evan mula sa check book nito matapos siya nitong kuliting sumama para makausap sa isang burger house sa may hilera ng Ylaya, Divisoria pagkaraan nilang magkatagpo at magkaargumento sa isang katsa store ng pamosong pamilihan.
“Now, para maniwala kang totoo nga ang lahat nang ito, puwede bang ibigay mo sa akin ang iyong buong pangalan para kumpleto ko nang maisulat sa tsekeng ito, miss?” nangungumbinsing hiling sa kanya ng binata habang hawak-hawak ang tsekeng iniisip pa rin niyang isa lamang malaking biro at tulad ng kanyang kapalaran ay nag-one hundred and eighty degrees turn tungo sa mga misfortune. “Hindi mo alam ang pangalan ko pero bibigyan mo ako ng isang milyong piso, ha?” aniyang hindi naaalis ang kuryosidad sa mga isinusuhestiyon ng kausap.
“Okey, sige... Ako si Evan Perez, na ayon sa mga kaibigan ko noon ay isang taong malas, na laging inaabutan ng malakas na ulan sa daan pero mula nang makabungguan kita nang araw na iyon, nag-twist ang lahat at anumang bagay na hilingin ko ay natutupad!” pakumpas-kumpas pang kuwento ng lalaki.
“Ang sinasabi mong pagtama mo ng dalawang milyon sa lotto?” galit ang nagsalubong na mga kilay ni Betty.
“At random ko lang pinili ang mga numero pero hindi ko akalaing tatamaan ko pala ang dalawang milyong jackpot!”
“At ‘yan, ‘yan ang isa ko pang bertud na nawala sa akin mula nang magkabungguan tayo at nalipat din pala sa ‘yo, hah!” gustung-gusto nang pitserahan ng dalaga ang kausap sa narinig.
“Hindi ko rin alam, mahirap ipaliwanag ang mga pangyayari nang araw na iyon. Basta nasorpresa rin ako, bigla ang pagkambyo ng buhay ko at ang totoo, hindi ka na rin nawala sa isip ko!”
“Talagang hindi ako mawawala sa isip mo dahil gabi-gabi ay idinodrowing ko ang hitsura ng mukha mo at sinusunog ko ng kandilang itim!” ngayo’y maliliit na ang tinging ipinupukol ng dalaga sa lalaki.
“Kaya ba siguro tulad ngayon, para akong hinihila ng mga pagkakataon kung saan ka naroon?”
“Sumakay ka naman, hindi ako marunong ng black magic!”
“Pero seryosong usapan,” umayos si Evan nang muling pumakli, “talagang ipinangako ko sa sarili ko na ang kalahati ng tinamaan kong jackpot ay ibabalato ko sa ‘yo!”
“Paano mo mapatutunayan ang sinasabi mo?”
“Sasamahan kitang magdeposito sa bangko.”
Big joke!
Iyon pa rin ang tumatakbo sa utak ni Betty habang magkausap sila ni Evan.
Napahinga siya nang malalim.
Isang milyong piso. Kung totoo ang sinasabi nito, lutas na ang marami niyang problema sa buhay.
SUBAYBAYAN!