Skip to main content

Nagkapalit... Nagkatagpong Mga Puso (Part 8)

Nobela ni SEL BARLAM

(ika-8 labas)

NAIDEPOSITO na ni Betty sa kanyang sariling account ang isang milyong pisong ipinagkaloob sa kanya ni Evan pero ayaw pa ring tumimo sa kanyang sistema ng mga nangyayari.
    Nabigla siya sa mga konseikwensya. Hinangad lang niyang muling makakrus ng landas si Evan para sumbatan pero wala sa hinagap niyang bibigyan siya nito ng isang milyon. 
    At kung nananaginip man siya ngayon, ayaw na niyang magising!

            “Kurutin mo kaya ako nang masakit para maramdaman kong totoo nga ang lahat nang ito, Lory?” aniya sa kaibigan nang sumugod ito sa kanyang apartment pagkaraang ibalita rito ang tungkol sa malaking halaga ng perang natanggap.

            “Ako rin, kurutin mo rin kaya ako nang pino para maniwala ako sa isang milyon mo!” sagot naman sa kanya ng dalaga.

            “Lutang pa nga rin ako, di ako makakain at di rin makatulog!”

            “Aba, baka kung mapa’no ka naman dahil lang sa kaiisip sa perang ‘yan!”

            “Pero ano ang masasabi mo kay Evan?”

            “Eh, di ang engot niya dahil ipinamigay niya ang isang milyon niya!” sabay tawa nang malakas ni Lory.

            “Kung sabagay, kahit sino, mag-iisip ng sampung beses bago ipamigay ang isang milyon!”

            “At hinanap ka pa niya talaga, ha?”

            “Oo nga.”

            “Ano nga pala ang plano mo sa pera?”

            Bago niya nasagot ang tanong ni Lory ay tumunog ang message tone ng kanyang cellphone.

            Si Mrs. Dollente. Isang exporter daw ang nagkainteres sa kanyang mga eco bag at nakatakdang maglabas ng purchased order nang maramihan sa susunod na buwan.

            Mula sa isang milyong piso, ayaw nang matapos ng mga suwerte ni Betty.

            At natutuwa siya sa pagbabalik ng kanyang suwerte.

            Masiglang nag-reply siya sa kanyang suki.

                                                             **

SUPPLIER si Evan ng mga materyales ng iba’t ibang klase ng mga negosyante para sa mga novelty product, mula sa mga assorted item, lokal man o abroad na pangangailangan at may kapasidad na mag-produce mula sa ilang daan hanggang ilang libong purchased orders.

Ang pagtama ng binata ng dalawang milyon sa lotto ang higit na nagpalawak sa una ay patingi-tingi lang nitong negosyo sa mga bangke-bangketa. Dahil pa rin sa nasabing malaking halaga ng pera, nakabili ito ng isang di kalakihang compound kung saan ay roon na rin nito inilagay ang main branch pati na ang bodega ng iba’t ibang materyales.     

            “Kumbaga, para isang puntahan at ikutan na lang ang mga transaction ko rito,” kuwento ni Evan kay Betty nang paunlakan ng dalaga ang pag-aanyaya nitong maipakita sa kanya ang kabuuan ng compound at ang variety of business nito.

            Nitong huli, napansin ni Betty ang palagiang pagte-text at pagtawag-tawag sa kanya ng binata para lang kunin ang opinyon niya sa mga bagay-bagay na may kinalaman sa business nito.

            “Know what, ramdam na ramdam ko tuloy na magka-relate talaga ang marketing at selling sa sales process,” komento naman ng dalaga habang pinagmamasdan ang customized mugs na nilalagyan ng design ng mga tauhan ni Evan na nasa di kalayuan.

            “Kaya nga naisip ko, dahil naghahanap ka nga ng lugar na paggagawaan ng iyong mga eco bag, bakit hindi ka na lang dito magtayo ng pagawaan? Bakante ‘yung space ko sa gawing likuran. And, puwede rin kitang pahiramin ng mga tauhan,” nakangiting sabi ng binata.

            “Seryoso ka, ha? Naikuwento ko lang sa iyo ‘yung tungkol sa purchased order ko, nagkaideya ka naman na tulungan ako?”

            “Di ba nga, magka-combine ang sales at marketing?”

            “Kung hindi ko kaya tanggihan ‘yang alok mo?”

            “Oh, eh, di, ano pa’ng hinihintay mo ngayon?”    

            Ang totoo, nagbibiro lang siya sa suhestiyon ni Evan pero dahil mapilit na nagkawanggawa sa kanya ang binata, hindi na ito kinontra ni Betty. Isa pa, umiikot na rin ang utak niya sa paghahanap ng mga paraan para sa nakaporma ng purchased order ni Mrs. Dollente sa susunod na buwan.

            Sa inilakad ng mga problema niya nitong nakaraang mga araw, si Evan ang dumating na kasagutan.

            At kailangan niyang maging praktikal.

            Unti-unti niyang buburahin ang first impression sa binata mula sa kuwento ng mga bulalakaw.

 

SUBAYBAYAN!