Nagkapalit... Nagkatagpong Mga Puso (Part 9)
Nobela ni SEL BARLAM
(Ika-9 na labas)
ANG bilis ng pagbaligtad ng mga pangyayari. Parang kailan lang, pilit niyang hinahabol ang nawalang maaamong oportunidad, ang titulong ‘lucky woman’ at ‘the sort of girl fortune smiles upon’ na akala niya ay tuluyan nang tatangayin ng paglalaho rin sa kalangitan ng mga bulalakaw pero muling ibinalik sa kanya ng isang milyong pisong wala sa kanyang hinagap. At ng isang Evan.
Napangiti si Betty habang pinipintahan ang mga natapos na eco bags na kabilang sa purchased order ni Mrs. Dollente na nakatakda niyang tapusin sa pagsampa ng susunod na taon. Mula sa espasyong inialok sa kanya ni Evan, doon niya ipinagpatuloy ang kanyang pananahi at pagdidisenyo katuwang ang ilang manggagawang ipinahiram din sa kanya ng binata. Upang higit pang maging kaaliw-aliw ang kanyang mga produkto gayundin ang pagiging malapit sa puso ng mga ito sa mga consumer, ginawa niyang mas inspired by nature ang mga ito.
Nasa susunod na siyang eco bag na didisenyuhan nang malingunan niya si Evan na nakangiting nakatayo sa may pinto ng kanyang pagawaan at sumesenyas ng pagtawag sa kanya hawak ang isang kahon ng regalo.
“Kanina ka pa namin hinihintay sa labas, ah?” anang binata na ang tinutukoy ay ang Christmas party na nagaganap sa bahagi ng quadrangle ng compound.
“Naku, oo nga, nakalimutan ko pala!” saka lamang niya naalala ang eksaktong araw na iyon ng Pasko ang siya ring Christmas party na ipinangako at handog ni Evan para sa mga tauhan.
“Tara na!” yaya ulit sa kanya ng binata.
“Sige, susunod na ako,” wika niyang hindi naman maiwan-iwan ang pagpipinta sa kanyang mga bag na katsa.
“Aba, hindi ako aalis dito hangga’t hindi ka tumatayo riyan!”
“Sus, kakulit!” sabay-tawa ng dalaga pagkatapos.
“Kung bakit kasi Pasko ay nagtatrabaho!”
“Di ba nga’t sa isang buwan ay deadline na ng mga ito?”
Nang hindi pa siya tumitinag sa kinalulugaran ay lumapit na sa kanya si Evan saka kinuha ang mga materyales na kanyang ginagamit at inilagay sa isang tabi, hudyat na huminto siya sa ginagawa/
Kinurot niya nang maliit sa tagiliran ang binata. “Ikaw talaga! Sabing susunod na nga ako, eh!”
“Halika na at baka makarga pa kita papalabas sa quadrangle!” biro ni Evan.
“Tayo na at baka totohanin mo nga ‘yang sinasabi mo!” sakay naman niya sa pagbibiro ng binata.
Nang makalabas sila sa quadrangle ay siya namang pagpailanlang ng awiting pamaskong “Have Yourself a Merry Little Christmas.” Nagulat pa siya nang kunin ni Evan ang kanyang mga kamay at dalhin siya nito sa gitna ng party.
Habang magkasayaw sila ng binata, nababasa niya ang sinseridad sa pagkatao nito.
Espesyal naman ang mga pagkaing ipinahanda ni Evan nang sumapit ang bisperas ng Bagong Taon sa mga namamahala sa kusina ng compound. Naniniwala ang binata sa suwerteng ihahatid ng pinili niyang anim na pangunahing kategorya ng mga pagkain—mula sa ubas, cooked greens, legumes, pork, fish at iba’t ibang klase ng cake.
Pero para sa binata, bukod sa hinihiling niyang maging higit na masagana ang paparating na taon dahil sa ipinahanda niyang variety of foods ay ang inio-offer na oportunidad nang araw na iyon para kalimutan ang nakaraan—upang bumuo ng isang bagong simula ng pagkakakilala ang pinakamahalaga—lalo na sa pagitan nila ni Betty.
“Ang tanong, hindi mo pa ba ako kilala samantalang sinunggaban ko na ang ibinigay mong isang milyon, inokupa na ang espasyo mo rito sa iyong compound, inagaw ang oras ng mga tauhan mo at ngayon heto, nakikikain sa napakaraming pagkaing ito?” ani Betty kay Evan sa himig na nagbibiro saka tumawa nang malakas, na ang tinutukoy ay ang masasarap na pagkaing nasa mesang sadyang inilaan ng mabait na binata para sa kanilang dalawa lamang nang gabing iyon.
“Siyempre, gusto ko ring malaman kung ano ang middle initial mo,” ganting-biro rin Evan at humalakhak pa pagkaraang maginoong lagyan ng isang hiwa ng cake ang plato ng dalaga.
“Fascinating!” aniya pagkatapos mag-thank you sa piece of cake.
“You mean, pareho tayo ng middle initial?”
“At ibig ding sabihin, pareho tayong extremely interesting and charming dahil iyon ang meaning niyon?”
Ang dami ng tawa nila ni Evan pagkatapos.
Maya-maya, sumeryoso si Evan. “Evan Perez. Gusto ko sanang magpakilala…” pinalaki pa mandin ni Evan ang boses saka nakangiting iniabot sa kanya ng binata ang isang kamay bilang pagpapakilala.
“Talagang may ganyan pa, ha? O, sige... At ako naman si Betty Espinosa, nagagalak na makilala ka,” natatawang aniya naman sa masipag na negosyanteng binata.
Nagdaop ang kanilang mga palad nang matagal.
Masaya, masigla ang gabi sa pagdaraan ng mga oras habang hinihintay nila ang pagsapit ng Bagong Taon.
Sa kalagitnaan ng kanilang New Year’s Day meal, natuklasan ni Betty na may nakasiksik na isang coin sa kinakain niyang piece of cake na ibinigay sa kanya ni Evan.
Alam ni Betty ang ibig sabihin niyon. Na kung sino ang makakukuha ng coin ay garantiya ang isang great fortune sa papasok na Bagong Taon.
Gustong isipin ng dalaga na sinadya ni Evan na sa kanya ibigay ang bahagi ng cake na may nakasiksik na coin bilang sorpresa.
SUBAYBAYAN!