Skip to main content

Nagselos sa textmate ng karelasyon, lalaki nag-suicide

NANG dahil sa sobrang kasawian sanhi ng tila panlolokong ginawa ng kanyang kinakasama, isang negosyante mula sa Lucban, Quezon ang minabuti pang tapusin na lang ang kanyang sariling buhay. 

Nakilala ang biktima na si Jason Anthony Pica, 38. 

Ayon sa ulat ng pulisya sa lugar, napag-alamang bago ang insidente ay nagkaroon muna ng mainitang pagtatalo ang biktima at ang kinakasama nito na nakilalang sa pangalang Jean Aranilla. 

Batay sa pahayag ng mga nakakakilala sa biktima, natuklasan umano ni Pica na may ka-textmate ang babae, at naging ugat iyon ng kanilang mainitang pagtatalo.

Kaunod nito ay pinalayas ng biktima ang kanyang kinakasama sa kanilang tinutuluyang bahay dahil pa rin sa matinding galit at selos. 

Ngunit nang wala na umano ang kinakasama ay saka naman naisipan ni Pica na wakasan ang buhay sa pamamagitan ng pagbibitin sa sarili sa pader ng kanilang bahay. 

Sinubukan pa umanong isalba ng kanyang ama ang biktima ngunit patay na ito nang maialis sa pagkakabitin.

Wala pa namang ipinalalabas na rekasyon o pahayag ang kinakasama ng biktima matapos ang insidente.

EDITOR’S TAKE: Medyo may kababawan ang dahilan ng biktima para wakasan ang kanyang buhay dahil lang sa selos sa textmate ng kanyang kinakasama. Napaka-precious ng buhay ng tao para lang tapusin sa isang walang kuwentang dahilan.

Hindi malinaw sa ulat kung ano ang palitan ng messages ng kinakasama ng biktima at ng textmate nito. But again, pupunta tayo sa argumento na katumba na ba iyon ng buhay ng tao?

In a way, hindi natin masisisi ang biktima. May mga taong pag nagmahal ay ibibigay ang lahat sa iniibig—kahit pa ang sariling buhay. Puwede ring gusto ng biktima na malagay sa walang hanggang guilt ang kinakasama dahil sa kanyang ginawang pagkitil sa sariling buhay.

Para naman sa mga magkakarelasyon, kung committed na kayo sa isa ay huwag nang humanap ng iba pa. Kung hindi na masaya sa karelasyon, hingin ang inyong kalayaan lalo pa kung hindi naman kayo kasal. Sa ganitong paraan, maiiwasan ang mga ganitong trahedya na marahil ay hindi naman ninyo ginusto noong nag-uumpisa pa lang ang inyong love story.

May mga kuwentong pag-ibig na hindi happy ending, pero sana ay hindi naman ganito ka-morbid.