Skip to main content

Nasaan ka, Halina? (Last Part)

Nobela ni BOBBY VILLAGRACIA

(Huling labas)

MAHIGIT isang buwan din kaming tumira ni Halina sa bahay na malapit sa punong sampalok na hindi pinutol na nasa gitna ng kalsada. Nasa bandang ibaba sa gawing kanan kapag papunta ang mga pampasaherong jeepney na dumadaan dito ay halos tutumbukin na ang aming kuwarto sa bahay na aming nirentahan. Hindi ito kalayuan sa malaking punongkahoy na kung tama ang aking pagkaalaala, isang akasya na malapit sa kalsadang daanan ng mga jeepney na pampasahero.

Nakakatakot din kung minsan dahil naiisip ko na paano kung may dyip na mawalan ng preno at dumiretso sa aming kuwarto? Kung nasa kainitan kami ni Halina nang pages-sex at mangyari iyon—baka literal na makarating kami sa langit nang hindi oras.

Malalim na ang gabi kapag dumarating siya dahil pumasok pa sa review school sa España Street sa Maynila para sa kanyang pagsusulit sa kursong tinapos. Tuwina, hinihintay ko siya sa kalsada upang matiyak na ligtas siyang makakauwi.

At tulad ng dapat asahan, nalipos ng kaligayahan ang bawat gabi namin dahil sa pagpapadama namin ng maalab at marubdob na pag-ibig sa isa’t isang hindi ko inakalang magkakaroon ng katapusan.

Oo... Agad ding natapos ang lahat.

Hindi malinaw sa akin ang tunay na dahilan ng pag-alis niya sa kuwartong nirerentahan namin upang lumipat sa isang dormitoryo. Hindi kalayuan iyon sa review school na pinapasukan niya kaya’t tinanggap ko ang katwiran niyangg nagtitipid siya sa oras.

Hindi ko na kinontra ang dahilan niya dahil totoo naman iyon, kahit malakas ang kutob kong hindi naman iyon ang tunay na dahilan ng pag-alis niya sa kuwartong nirerentahan namin. Kuwartong naging piping saksi sa mga mainit at nag-aapoy na gabi dahil sa pinagsaluhan naming ritwal ng pag-ibig.

Ngunit kahit hindi malinaw ang dahilan ng paglipat niya sa dormitoryo, tinulungan ko pa siya sa paghahanda ng kanyang mga gamit. Bagama’t nakaramdam ako ng sakit at hapdi sa kaibuturan ng puso sa aming paghihiwalay, pinilit kong magpakatatatag dahil sinabi niyang gusto lamang niyang maibuhos ang lahat ng panahon matapos magtrabaho sa pagre-review.

“Malapit na kasi ang board exam kaya roon na ako titira para tiyak na makakapasa ako. Sayang kasi ang gastos kung hindi ako makakapasa,” wika ni Halina habang patuloy kami sa pag-aayos ng kanyang mga gamit.

“Nakakalungkot ang paghihiwalay natin. Tiyak, hahanapin kita pagsapit ng gabi,” wika kong pinilit patatagin ang sarili at huwag ipahalata ang sakit at hapding namamahay sa aking puso.

“Ikaw naman, masyado mong sineryoso ang pagpasok ko sa dormitoryo. Tayo pa rin naman paglabas ko,” sagot niyang tiyak na naramdaman ang malaking kalungkutan sa aking  pagsasalita. “Pansamantala lang ang ating paghihiwalay,” sabi pa niya sa akin.

“Dapat lang, dahil hindi ko kakayanin na mawala ka sa akin,” mabilis kong sagot upang ipaalam sa kanya kung gaano ko siya kamahal at kahalaga sa akin. “Dahil ngayon, ikaw na ang lahat sa aking buhay.”

Ngumiti lang siya sa sinabi ko.

At sakay ng taksi, naglakbay kami ni Halina patungo sa dormitoryong titirahan niya. Habang naglalakbay, lalong nadagdagan ang nararamdaman kong kalungkutan dahil sinabi niyang hindi ko siya puwedeng dalawin. Patakaran daw ‘yon ng management upang matiyak na walang iistorbo sa mga tenant.

Kung totoo o hindi ang patakaran, hindi ko na inalam. Sa halip, pinilit ko na lamang maging masaya habang ipinapasok ang kanyang mga gamit sa pansamantala niyang titirahan.

Pilit ko ring tinanggap ang paliwanag ni Halina na dapat malapit siya sa review school dahil malapit na ang board exam upang matiyak niyang makakapasa siya at magbibigay iyon ng katuparan sa pangarap niyang maging isang professional.

Nagbigay naman iyon sa akin ng lakas ng loob at kapanatagan—ang pagtiyak niyang para sa aming kinabukasan ang pansamantala naming paghihiwalay.

Mabibigat ang aking mga paa sa paghakbang pababa sa dormitoryong pansamantala niyang magiging tirahan na hindi na ako kasama. Gusto kong umiyak ngunit pinilit kong paglabanan ang bugso ng damdamin bilang pagtupad sa pangakong magpapakatatag sa aming pansamantalang paghihiwalay. Bilang isang lalaking handa na magpaubaya sa mga kagustuhan ng isang minamahal.

Kahit masakit...

Kahit mahapdi...

Kahit tila ang kahulugan niyon sa akin ay katapusan na ng pag-ikot ng mundo...

Kahit alam kong mahihirapan akong tanggaping pansamantalang mawawalay sa aking buhay si Halina.

Tunay na mahirap tanggaping nag-iisa na ako sa kuwartong naging piping saksi sa maalab at walang kasintamis na pagsasalo namin sa maiinit na sandali. Nagmistulang walang kulay at buhay sa aking pagbabalik ang apat ng sulok ng kuwartong aming nirerentahan.

Ngunit wala akong magagawa kung hindi tanggaping pansamantala siyang mawawala sa aking piling. At pinilit kong magpakatatag sa dagok ng kapalaran sa pag-ibig na kaytagal kong hinintay ang katuparan.

Kailangan ko itong gawin dahil batid kong hindi pa ito ang katapusan ng kuwento ng aming pag-ibig.

Ngunit nagkamali ako...

Naging daan ang pansamantala naming paghihiwalay ni Halina upang tuluyang magkalayo ang aming mga landas dahil sa mahigpit na pagsubok na dumating sa aking buhay.

Nagkasakit ako ng “depression” bunsod ng mga lumutang na problema sa aking trabaho sa gobyerno. Naging dahilan ang dagok na ito ng kapalaran upang makagawa ako ng maraming pagkakamali at pagkukulang sa buhay, lalo na sa aming relasyon.

Higit sa lahat, nagkaroon na rin siya ng bagong pag-ibig.

Ako naman, mula nang makabawi mula sa depression ay nakatagpo uli ng bagong babae na nag-akay sa akin sa mas magandang landas ng buhay. Masaya kaming nagsasama at magkatuwang sa pagtataguyod sa aming mga anak.

Ngunit batid ng Dakilang Manlilikha na naganap ito dahil sa akala kong hindi na muling mabubuo ang nawasak kong buhay. Ngunit ngayon, matapos ang mahigit dalawampung taong naming paghihiwalay, narito pa rin sa puso ko si Halina.

Ang dalisay at wagas na pag-ibig na inialay ko sa kanya nang buong katapatan at walang pagmamaliw ay hindi magbabago hanggang sa kabilang buhay…    

Wala na akong balita kay Halina. Hindi ko na alam kung nasaan siya. Ayaw ko na ring alamin para hindi na magulo pa ang buhay namin—lalo na siya. Ayaw ko nang may mabago sa magandang kapalaran na nasa kanya ngayon, at sa kapanatagan na nasa puso ko.

Pero lalagi siya sa puso ko. Si Halina ang one great love sa buhay ko. Marahil nga ay totoo ang kasabihan na kung sino ang pinakadakila mong pag-ibig, iyon pa ang hindi mapapasaiyo habambuhay.

At nagpapasalamat ako kay Halina sa isang maikling panahon na naging kaming dalawa. Sa pagbabalik-tanaw na lang sa mga alaala ko siya nakakapiling. Mababaw, pero naghahatid iyon sa akin ng isanlibo’t isang kaligayahan.

Ang tunay na pagmamahal ay wala sa pisikal na pagsasama, kundi sa pananatili sa iyong puso ng minamahal.            

Nasaan man siya ngayon, mananatili si Halina sa aking puso at alaala.

 

WAKAS