Skip to main content

Nasaan Ka, Halina? (Part 1)

Nobela ni BOBBY VILLAGRACIA

(Unang Labas)

KAAGAD may kumislap na alaala ng nakaraan sa aking isipan habang nanonood ng isang programa sa telebisyong tumatalakay sa mga katatakutang lugar sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila tulad ng isang punong sampalok sa gitna ng kalsada. Hindi ako maaring magkamali, ito ang punong sampalok sa Project 2, Quezon City na hindi ko na matandaan ang barangay na nakasasakop.

Sa unang pagkakita pa lamang sa puno ay natiyak kong may malaking dahilan kung bakit hindi ito pinutol at sa halip ay pinalakihan na lamang ang kalsada at hinayaan itong nasa gitna. Ayon sa pagtatanong ko sa ilang mga taong naninirahan sa lugar, may nakatira raw engkanto sa puno kaya hindi ito pinutol.

Hindi ko akalaing ganito pa rin ang paniniwala sa punong sampalok na nasa gitna ng kalsada hanggang sa kasalukuyang panahon. Nanirahan ako sa lugar na ito ng maikling panahon mahigit dalawampung taon na ang nakararaan. 

Hindi mga kuwentong katatakutan sa probinsya tungkol sa kapre, tikbalang at iba pang nilikha mula sa kababalaghan ang kumislap sa aking isipan pagkakita at pagkarinig ng kuwento sa punong sampalok na nasa gitna ng kalsada. Mga kuwentong kakatatakutan na kapag nagbabakasyon ako ay madalas kong hinihiling na magpakita upang mapatunayan kung totoo nga ang mga nilikhang ito. Ngunit hanggang ngayon, mahigit ng kalahating dantaon ng aking pakikihamok sa masalimuot na buhay sa mundo, hindi ko pa rin nakikita o napapatunayang totoo ang mga ganitong nilikha.

Ngunit hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asang magkakaroon ng katuparan ang inaasam ko dahil naniniwala akong tunay na may puwang ang mga kababalaghan sa mundong ito.

Hindi rin ang mga nilikhang katatakutang ikinuwento ng aking Lolo Ambo tulad ng orokotok, pangilan at malindig na sinasabing sa probinsya lamang namin matatagpuan sa Camarines Norte gumagala at naninirahan. Madalas niyang ikuwento sa akin ang mga nilikhang ito kapag kasama ko siyang pinagmamasdan ang mga alaga niyang baka na gumagala sa niyugan, na mahigit dalawampung ektaryang binakuran ng alambre upang magsilbing galaan at tirahan. Bagama’t hindi ko nakita at napatunayan ang katotohanan sa mga nilikhang ito, naghatid ito sa akin ng malaking takot at pangamba dahilan upang hindi ako makapaglaro sa labas ng bahay sa gabi lalo sa panahong bilog at maliwanag ang buwan. 

Teka... bakit ba napunta sa paksang ito ang pagkukuwento ko ng aking “sexperience” sa ngalan ng pag-ibig?

Simple lang ang dahilan. May kaugnayan sa damdaming pag-ibig ang kumislap na alaala sa aking isipan matapos makita at marinig ang kuwento sa punong sampalok na sinadyang hindi putulin sa gitna ng kalsada. At hindi lang basta pag-ibig... Isang pag-ibig na nagpabilis ng tibok at kumurot sa aking puso. Pakiramdam ko, may nasaling na bahagi sa puso ko na dating sugat na nanariwa kaya nakaramdam ako ng ibayong sakit at hapdi. Tila isa itong napakagandang kuwento ng pag-ibig na isinapelikula at dahan-dahang nagbalik sa aking alaala at gunita.

Tawagin na lamang natin sa pangalang Halina ang

babaing minahal ko nang labis at suko sa langit.

Tila gusto kong pagsisihan kung bakit inilagay ko pa ang telebisyon sa channel na ito. Naramdaman kong tila sinasadya ng pagkakataong masaktan ako sa pagbabalik ng pangyayaring may kaugnayan sa aking pag-ibig mahigit dalawampung taon na ang nakaraan. Isang pag-ibig na inakala kong hindi matatapos ang kuwento sa pangyayaring itinuring kong trahedya sa aking puso. Isang pag-ibig na inakala kong pagsasaluhan namin ang tamis at sarap habang nabubuhay kami sa mundong ito. At tulad ng dapat asahan, pakiramdam ko ay parang kailan lang naganap ang kuwentong ito ng aming pag-ibig na nag-iwan ng malalim na sugat sa aking puso at damdamin.

Parang kahapon lang…

Parang kanina lang…

Parang ngayon lang…

Payak lamang ang dahilan ng paghihiwalay namin ng babaing labis kong inibig at minahal sa punong sampalok at kuwentong nakapaloob ditong kababalaghan. Hindi ko masisisi ang aking sariling manatiling nasa isipan at diwa ang kanyang alaala. Tunay na malalim ang iniukit na alaala ng kuwentong ito ng pag-ibig sa akin. Hindi ko basta-basta makakalimutan sa pagdaan ng panahon. Mananatili ito sa aking puso at alaala kahit maituturing na isang trahedya ang ending ng kuwento ng aming pag-ibig ni Halina.

Si Halina ay isang Eba na nagtataglay ng alindog at kariktang sinamba at pinangarap ng maraming Adan na hindi ko akalaing aking makakamtan.  

Tulad ko, may makabagong pananaw sa pag-ibig si Halina. Tiyak ko, hindi ako ang kanyang puppy love, first love, love at first sight—at higit sa lahat—tiyak kong hindi ako ang kanyang true love. Ngunit hindi na mahalaga sa akin anuman ang itawag sa pag-ibig at pagmamahal niyang minsang ipinadama sa akin. Pag-ibig na hindi ko makalimutan. Pag-ibig na hinahanap-hanap ko hanggang sa kasalukuyan. Pag-ibig na kung maibabalik, hinding-hindi ko na pakakawalan.

Kung maaaring ikadena ang aking puso sa kanyang puso ay gagawin ko. At ang makabagong pananaw naming ito sa pag-ibig ang dahilan kung bakit nanirahan ako sa lugar na malapit sa punong sampalok na nasa gitna ng kalsada sa Project 2, Quezon City. Kung tama ang aking pagbabalik-alaala sa nakaraan, Aguho ang pangalan ng kalsadang ito.

Kasalukuyan siya noong pumapasok sa isang review center sa may España Street nang makabuo kami ng pasyang mag-live-in o pansamantalang magsama bilang mag-asawa. Noong una, inisip ko ngang nagbibiro lang siya sa pagpasok sa ganitong set-up, ngunit nang mag-usap na kami kung saan maghahanap ng tirahan ay natiyak kong totoo na ang lahat. Hindi ako nananaginip. Sa totoo lang, hanggang ngayon ay hindi ko rin alam ang dahilan kung bakit siya pumayag sa ganitong set-up ng pagsasama sa ngalan ng pag-ibig. Minsan nga ay pinagdududahan ko kung minahal nga niya ako at iniibig tulad ng pag-ibig na ipinadama ko sa kanya. Ngunit bilang lalaki, naisip kong hindi ako lugi sa ganitong uri ng relasyon.

“Lalaki ako, walang mawawala sa akin kung magkahiwalay kami matapos magkatikiman!” sabi ko habang umiinom ng beer sa tambayan ng mga kasama at kaibigan kong nagsusulat sa komiks na “Tambayan” din ang pangalan ng restaurant sa Cubao.

Sumaksak sa isip ko ang mga bagay na ito dahil sa kasabihang walang nawawala sa lalaki kapag nakipagtikiman at tuluyang nakipag-live-in sa babae. Ngunit sa paghihimay ko nang husto sa kasabihang ito, nagkaroon ako ng konklusyon na wala ring nawawala sa babae. Mapupunit lang ang kanilang hymen kung birhen, ngunit wala talagang nawalang bahagi sa kanila. Kung tutuusin, lalaki pa ang nawawalan, hindi ba?

Nasabi ko ito dahil karaniwang may nadadagdag pa nga sa mga babae kapag nakisama sa lalaki, ikinasal man o nakipag-live-in. Anak ang naglalaro sa aking isipan nang sabihin ko ang pananaw kong ito.

Hindi ko nga lang alam kung papayag si Halina na magkaanak kami.

 

ITUTULOY