Nasaan ka, Halina? (Part 2)
Nobela ni BOBBY VILLAGRACIA
(Ika-2 labas)
NGUNIT sa totoo lang nang panahon ‘yon, nagsisimula pa lamang ang dekada ‘90, hindi pa talamak ang mga nagli-live-in, hindi tulad ngayon. Siguro sa dahilang naniniwala pa ang maraming babae noong mga panahong ‘yon na isang malaking kasalanan at pagkakamali sa buhay ang ganitong relasyon. Hindi tulad sa kasalukuyang panahong nakakagulat na talaga ang bilang ng mga nagsasamang hindi kasal.
Nagmamalinis ako nang sabihin ang ganitong bagay dahil may panahon ring hindi ko pinahalagahan ang seremonya ng kasal.
Kababayan ko si Halina, ngunit hindi ko siya kilala sa panahon ng aking kamusmusan dahil kahit isinilang ako at nagkaisip sa kabayanan, lumaki ako at nagkahugis ang pagkatao at isipan sa barangay. Sa kalapit nitong barangay ako nag-aral ng elementary at high school. Nagkrus lamang ang aming landas nang mapalipat ako sa kabayanan nang magtrabaho sa isang ahensya ng gobyerno.
Habang nagtratrabaho, muling nabuhay sa aking isipan ang pangarap kong maging isang malikhaing manunulat, isang pangarap na umusbong simula pa sa aking kamusmusan. Pangarap na hindi ipinagkait ng tadhana ang katuparan.
Paminsan-minsan siyang nagbabantay sa kanilang tindahang may paarkilahan ng komiks na madalas kong tambayan. Inaamin ko, pangunahin kong pakay sa ginagawang ito ang makita ang kanyang alindog at kariktang pinapangarap kong maging akin simula pa nang una ko siyang makita.
Ngunit noong panahong ‘yon, hanggang paghanga lamang ang puwedeng kong gawin dahil nakagapos ang aking puso sa isang babaing una kong minahal at nakasama. Minsan nga ay nagtataka at natutuliro ako sa aking puso, dahil hindi ko matiyak kung sino ang aking puppy love, first love at higit sa lahat, true love. Pabiro ngang sinasabi ko sa aking mga kaibigan kapag nagkakainumankami na kahit paano ay nakatupad ako sa kasabihang “men are polygamous by nature”.
Ngunit sa bandang huli, itinama ko ito at sinabing hindi ako “polygamous by nature” at nagkataon lamang na palahanga ako sa alindog at kariktan ng mga naggagandahan at nagseseksihang kababaihan.
Tanong ko sa kanila, may masama ba roon? Wala raw, normal lang daw ‘yon sa mga barako. Natawa na lamang ako dahil inihalintulad pa nila ako sa isang bulugang baboy.
Balik ko pa sa kanila, sila ba hindi nangangarap makatikim ng maganda at seksing babae? Sagot nila, malakas na “oo” na sinabayan pa ng salitang para silang nakaakyat sa langit kapag nangyari ito.
Natatawa na lamang ako sa minsang pagkukunwari ng ilang lalaking nais maging huwaran sa buhay sa pag-aasawa, dahil tiyak ko, nangangarap din sila ng ganitong mga bagay. Ang pagkakaiba lang namin, minsan akong natuksong hayaang maganap sa buhay ko ang ganitong bagay na labis kong pinagsisihan. Isang napakahalagang aral sa buhay na huli na nang aking malaman.
Kung maibabalik lamang ang kahapon, hindi ko gagawin ang ganitong bagay dahil hindi lang mali, kundi talagang isang napakalaking pagkakamali.
“Akala ko, binata ka, ‘yon pala may sabit ka na!” pabirong wika sa akin ni Halina nang matuklasang may kinakasama na ako.
Hindi ako nakasagot upang ipagkaila o aminin ang paratang ng babaing sa unang pagkakita ko pa lamang ay nagkaroon na ng bahagi sa aking puso. Ngunit tiyak ko, alam niyang totoo ang kanyang paratang dahil nanahimik ako at nawalan ng kibo.
Nasabi ko ito dahil naniniwala ako sa kasabihang higit na matalas ang pakiramdam ng mga kababaihan sa ganitong bagay. Ngunit hindi sapat ang kanyang natuklasan upang mapigil ang damdaming umusbong sa aking pusong humanga nang labis sa kanya. Patuloy akong nagtatambay at nagbabasa ng komiks sa kanilang tindahan sa hangaring makita siya at lihim na pagnasaan.
Hindi ko rin maintindihan ang aking puso dahil nang panahong ‘yon ay madaling humanga at mabihag ng mga naggagandahan at nagseseksihang kababaihan. Wala akong layuning saktan o palitan ang aking unang minahal at kinasama sa iisang bubong, hindi ko lang talaga napigilan ang damdamin umusbong sa aking puso nang makita si Halina.
Nagpatuloy ang ganitong sitwasyon sa aking buhay hanggang umalis siya sa aming bayan at nagtrabaho sa Metro Manila. At tulad ng mga babaing minsan kong hinangaan, pansamantala ko siyang nakalimutan.
Nagpatuloy ang ikot ng aking buhay sa bagong tirahan namin ng babaing una kong minahal kung saan ako nagtapos ng elementary at high school. Marami rin akong kamag-anak at kaibigang naninirahan sa barangay na ito. Dito rin nagkaroon ng katuparan ang pangarap kong maging isang malikhaing manunulat. Ang pagsasama namin ng aking karelasyon ay humantong sa madalas naming hindi pagkakaunawaan sa maraming dahilan. Naging daan ding ang pangyayaring ito upang magkaroon kami ng kasunduang pansamantalang maghiwalay upang matagpuan ang talagang gusto naming mangyari sa aming sari-sariling buhay.
Nauwi sa tuluyang paghihiwalay ang aming pagsasama kaya’t napatira ako sa isa kong katrabaho at matalik na kaibigan kahit higit siyang may-edad sa akin. Patuloy akong nagtrabaho sa isang ahensya ng gobyerno at nagsulat sa komiks bilang pagbibigay-katuparan sa musmos kong pangarap na maging isang malikhaing manunulat. Masaya ang aking buhay sa bago kong daigdig kasama ang mga kaibigang madalas kong kainuman at kakuwentuhan sa mga kuwento kong sinusulat. Paminsan-minsan ay nagkakaroon ako ng karelasyon ngunit panandalian lamang dahil nang panahong ‘yon, hindi ko sineryoso ang pag-ibig. Itinuring ko iyong isang laro lamang sa buhay ng tao.
Ginagawa ko lamang ito upang pagbigyan ang sarili kong matikman ang pag-ibig ng isang Eba na kailangan ko bilang isang Adan. Sa tuwirang salita, upang mairaos ang likas na init ng puson at kamunduhan. Tunay na nalibang ako sa buhay na umiikot sa mundo ng pagsusulat, trabaho at mga kaibigang nagbibigay ng saya at kulay sa buhay ko. Siguro ay nangyari ito dahil hindi ko natikman ang layaw na maging isang binata dahil agad akong nagkaroon ng kinakasama hindi pa man nakakatapos ng kolehiyo.
Ngunit pilit kong hinikayat ang sariling huwag nang pagsisihan ang pangyayaring iyon dahil hindi na maibabalik ang panahon bago maganap ang pagkakamaling ito upang tahakin ang tuwid at tamang landas.
At upang matakasan ang sumbat ng konsensya sa tinahak kong maling landas ng buhay sa pagpapamilya, pinilit kong maging abala sa pagtratrabaho, pagsusulat at sa mga barkadang tulad ko ay nalilibang din sa ganitong ikot ng buhay. Hindi ko namalayan ang paglipas ng panahon sa bahaging ito ng aking buhay na madalas kong binabalikan-balikan dahil sa masasayang alaalang naiwan sa aking gunita at diwa. Mga alaalang hindi ko basta-basta malilimutan at nananatiling nasa aking isipan habang gumagalaw at humihinga sa mundong ito.
ITUTULOY