Skip to main content

Nasaan ka, Halina (Part 3)

Nobela ni BOBBY VILLAGRACIA

(Ika-3 labas)

SA mga kaibigan ko ay si Elon ang pinakatuwid ang pananaw sa buhay. Nang mag-asawa na siya, isinantabi ang barkada, nagtrabaho sa ibang bansa upang bigyan ng magandang bukas ang pamilya.

Ang isa ko pang kaibigan, si Kuya Erning, ay nasa amin pang bayan at tuloy sa masaya at marangyang buhay. Hindi ito nakakapagtaka dahil simula pa sa kanyang kabataan ay sunod na ang layaw kaya ganito ang takbo ng kanyang buhay. 

Minsan sa pagpunta namin sa tindahan ng ina ni Halina, muling lumukso at nagkulay-rosas ang aking mundo dahil nagbalik siya mula sa Manila. Hindi ko maitatatwa ang labis kong kasiyahan at malakas na pagkabog ng puso dahil damang-dama kong muli ang pagkabuhay ng pag-ibig na minsan kong inialay sa kanya.

“Tiyak ko, dito ka na laging iinom at magpapalipas ng oras pagkatapos ng trabaho,” pabirong wika ni Kuya Erning. 

“Bakit naman?” tanong ko na nagkunwang hindi alam ang kanyang sinasabi.

“Nandito yata ang babaing hinihintay mo ang pagbabalik at laging hinahanap!” dagdag ni Kuya Erning na sinulyapan si Halina na sa tingin ko ay lalong lumutang ang kagandahan at kaseksihan sa suot na maiksi at hapit na short.

“Siguro naririnig ninyong lagi kong sinasambit ang kanyang pangalan kapag natutulog ako,” pabiro kong sagot.

“Hindi mo lang nasasambit, isinisigaw mo pa. Akala nga namin, binabangungot ka,” singit ni Kuya Erning na likas ding palahanga sa mga babaing maganda at seksi.

“Okey lang ang gano’n,” sagot ko. “Mamamatay akong laman ng isipan ang babaing matagal nang nanggugulo dito!”

Ngumiti lang si Halina. Kinagat ang aking pagbibiro. Ngiting nagbigay sa akin ng hindi matingkalang kaligayahan dahil naramdaman kong nakatakdang magsimula ang isang napakagandang kuwento ng pag-ibig sa aking buhay.

Malakas ang loob kong sabihin ang ganitong bagay dahil naroon pa rin ang kakaibang ningning at kislap ng kanyang mata tuwing magtatama ang aming mga paningin. Hindi ako maaaring magkamali, tiyak kong may katugon din ang pag-ibig na umaalipin sa aking puso.

**

KAHIT nakainom, hindi kaagad ako nakatulog nang gabing muli kong makita si Halina, ang babaing minsan kong napag-ukulan ng pag-ibig at pangarap na makasama sa buong buhay. Sa tingin ko, higit siyang naging maganda, seksi at kaakit-akit kaya naging masidhi ang paghahangad kong agad masimulan ang panliligaw sa kanya. Kailangan kong gawin ang ganitong bagay dahil alam kong muling tatambay sa kanilang tindahan ang mga lalaking humahanga at naghahangad din sa kanyang pag-ibig tulad ng isa kong kababata at kamag-aral. Lamang siya sa akin sa pisikal na anyo dahil sa maskuladung-maskulado ang katawan kaya tinatawag na Rambo. Ngunit hindi lang siya ang inaasahan kong makakaribal, tiyak kong marami pang iba na humahanga at naghahangad sa alindog at kariktan ni Halina.

“Pipilitin ko siyang maging syota sa lalong madaling panahon,” wika ko sa sarili habang pilit na binubuo sa isipan ang kanyang maamong mukha, ang hubog gitarang katawan, at higit sa lahat, ang balakang na katakam-takam ang korte.

“Kailangan maging akin siya. Dapat nang magkaroon ng katuparan ang matagal kong paghahangad sa kanyang kagandahan at kaseksihan!” dagdag kong wika na nakabuo ng desisyong gawin ang lahat upang makamit ang pag-ibig ni Halina. “Hindi dapat manatiling sa panaginip ko lamang siya nakakaulayaw. Kailangan itong magkaroon ng kaganapan!” sabi ko pa habang nakatingin sa kisameng madalas ay may ingay na lumulutang dahil sa mga naghahabulang mga daga.

At tiyak ko nang mga sandaling ‘yon, nakatulog akong laman ng isipan si Halina.

Hindi ako maaaring magkamali sa pananaw kong ito dahil si Halina pa rin ang unang pumasok sa aking isipan paggising ko sa madaling-araw upang mag-isip ng plot sa pagsusulat ng kuwento. Bilang isang malikhaing manunulat, napatunayan ko sa paglipas ng panahon na mas mahirap sulatin ang mga kuwentong tapusan kaysa sa mga nobela. Payak lamang ang dahilan; sa tapusan ay kailangan mong mag-isip ng panibagong plot sa bawat kuwentong susulatin. Sa nobela, pahahabain na lamang at bibigyan ng twist, hindi na mag-iisip ng bagong plot.

Sabi ng ibang mga batikang nobelista at kuwentista, paiikutin at paglalaruan na lamang ang kuwento upang humaba.  

“Bakit hindi mo na lang gamitin ang plot ng kuwentong tapusan na nasulat mo na?” wika ni Danny na minsan ko ring hinangaan ang lalim at talas ng isipan sa pagbuo ng pananaw sa iba’t ibang bagay at kaganapan sa mundo. “Baguhin mo na lamang ang takbo ng istorya, simula at wakas para hindi ka isip nang isip ng plot,” dagdag pa niyang waka habang nakatunghay sa sinusulat kong draft ng script ng komiks.

Pero tiyak na tiyak ko, masasayang lang ang pagpagbabasa niya sa ginagawa kong draft dahil hindi niya ito mababasa dahil pangit ang aking sulat-kamay. Sabi nga ng iba, dapat ay nagdoktor ako dahil parang reseta ang aking sulat-kamay na ako lang yata ang nakakaintindi. Ngunit kung alam lang nila ang totoo, hindi ko na rin maintindihan ang aking sinulat kapag lumipas ang maraming oras dahil sa sobrang kapangitan. Para raw kinaskas nang kinaskas ng paa ng manok.

Kaya’t labis ang kasiyahan ko nang sumapit ang alas singko ng hapon, oras ng uwian ng mga nagtratrabaho dahil makakatambay na naman kami sa tindahang binabantayan ni Halina. Tiyak ko, siya ang bantay sa ganitong oras dahil abala sa pagluluto at iba pang gawain sa kusina ang kanyang ina. At tulad ng dati, kasama ko ang katrabaho kong si Kuya Erning na tila hindi mabubuhay kapag hindi nasayaran ng lalamunan ng alak.

Natutuwa akong kasama ang mga kainuman dahil madali nilang nauunawaan ang mga bagay na gusto kong mangyari kabilang na ang kasunduan namin habang dumidiskarte ako, kakausapin naman nila ang ina kapag lumabas mula sa kusina na naging kaibigan na nila.

Tila kinakasihan ng pagkakataon ang balak kong pagdiskarte kay Halina dahil walang ibang nagtatambay sa kanilang tindahan. Siguro ay sa dahilang alanganing araw kaya abala ang lahat sa paghahanapbuhay at walang panahon sa paglilibang. At tulad ng balak namin, madalas umaalis ang mga kainuman ko kapag walang bumibili sa tindahan kaya nagkakaroon ako ng pakakataong makausap nang masinsinan si Halina.

Wala akong sinayang na sandali, kaagad kong sinabi ang laman ng aking puso. At minsan pa, tiniyak ko sa kanyang malaya na ako at puwedeng mahalin siya nang walang balakid.

 

ITUTULOY