Nasaan ka, Halina? (Part 4)
Nobela ni BOBBY VILLAGRACIA
(Ika-4 na labas)
“IBIG ko rin namang maipagmalaki ako ng aking magiging asawa sa kanyang pamilya at kamag-anak,” ani Halina matapos marinig ang mga boladas ko.
“May trabaho naman ako,” sagot ko. “Kakasya na ito sa atin, mabubuhay na tayo nang masaya,”
“Lumilipad ang pag-ibig sa labas ng bahay kapag nagkakaproblema sa pera,” putol niya sa aking pagsasalita.
“Makukuntento lamang ako kung sasabihin mong may pag-asa ako. Asahan mong gagawin kitang inspirasyon sa aking buhay at pagtratrabaho,” wika kong pinalungkot pa ang boses sa pagbabakasakaling maantig ang kanyang kalooban at sabihin ang tatlong katagang gustung-gusto kong marinig.
Ngunit muli akong nabigo sa gusto kong mangyari, hindi naganap ang gusto kong maganap. Kahit minsan pa akong nangulit at sinabing hirap na hirap na ang kalooban ko dahil sa matagal niyang pagkawala ay hindi pa rin nagbagbag ang kanyang damdamin. Pinanindigan niya ang pasyang may mahalaga bagay pa siyang gagawin sa buhay kaysa sa pag-ibig.
Wala pa raw siyang panahon sa ganitong bagay, ibig daw niyang paghandaan ang bukas dahil pahirap nang pahirap ang buhay sa Pilipinas. ’Yon ang isa ko pang hinahangaan kay Halina, mulat siya sa mga nangyayari sa buhay at kapaligiran.
At tulad ng mga karaniwang pag-uwi namin ni Kuya Erning sa kanyang bahay ay naroon na ang mga kaibigan naming laging karamay sa inuman at kuwentuhang pulos kalokohan. Payak na paraan ng pagpapalipas ng sandali ngunit mas gusto ko ang ganito kaysa ibuhos ang panahon sa ibang bagay na makakaapekto sa buhay ng ibang tao. Natatagpuan ko rin sa paraang ito ang katiwasayan sa buhay na hangad ko pagsapit ng gabi upang makapaghinga mula sa maghapong pagtratrabaho.
Sa ngayon, nagbabalik pa rin sa aking isipan ang bahaging ito ng aking buhay noong huling bahagi ng dekada 80, na malinaw pa rin ang mga detalye.
Hindi naman ito nakakapagtaka dahil mas gusto ko ang buhay na payak kaysa masalimuot at kumplikado. May nag-udyok nga sa aking pumasok sa pulitika na inaamin kong isang nakakatuksong daigdig. Biro mo, hindi ka lang kikilalanin ng mga tao, sasambahin ka pang parang Diyos na may kakayahang baguhin ang takbo ng kanilang buhay at mundong ginagalawan.
Ngunit hindi ko ugaling mangako ng nga bagay na hindi ko kayang gawin na malinaw na isang pambobola lamang. Hindi ka mananalo sa pulitika kung masyado kang seryoso, at dapat ay marunong kang mangako at magsalita nang matatamis upang makuha mo ang kanilang boto, sabi nila. Kapag nanalo ka, madali ka ng makagagawa ng paraan upang maipaliwanag sa mga tao kung bakit hindi nagkaroon ng katuparan ang iyong pangako, sabi pa nila.
Sa totoo lang, madali itong gawin. Ngunit talagang hindi ko masikmurang manloko ng maraming tao. Baka kung iilan, puwede ko pang masikmura. Ngunit mali pa rin ito, hindi ba?
Sa ganitong panuntunan ay tiyak kong hindi ko kasama ang maraming pulitikong kumandidato sa aming bayan at lalawigan. Dahil sabi ng marami, malaking kalokohan na raw ang ganitong pananaw sa panahon ngayon. Hindi na na raw kinilala ang mabuting gawa, at mas pinapahalagahan ang pagkakamal ng pera at iba pang materyal na bagay sa anumang paraan.
Sa isang banda, totoo ito. Kaya madalas kong maitanong sa sarili, bakit ito nagaganap? Ngunit wala akong maapuhap na kasagutan.
Sa muli kong pag-istambay sa tindahan nina Halina, nakasabay kong dumalaw ang kaklase ko sa elementarya na lamang sa akin sa pisikal na anyo. Ngunit ang lamang niyang ito sa akin, natablang tiyak ng laman ng aking isipan, wika ko sa sariling may halong pagyayabang. Bakit ko ito nasabi? Dahil kung aaminin kong lamang siya sa lahat ng bagay ay baka hindi na ako manligaw kay Halina. Isusuko ko na ang lamang ang bandera ng aking puso. Pero hindi ko puwedeng gawin dahil natiyak kong si Halina ang tamang babae para sa akin. Pangako ko nga nang minsan akong dumalaw at seryoso kaming nag-usap sa paksang pag-ibig, hindi na ako titingin at hahanga sa ibang babae kapag sinagot niya ako. Natawa lamang siya at sinabing malaking kalokohan ang aking sinabi.
“Ganyan naman kayong mga lalaki,” nakaingos na wika ni Halina. “Kapag hindi pa nakukuha ang gusto sa isang babae, ipinapangako ang buwan at bituin. Ngunit kapag nakuha na, balewala na!”
“Halina, hinding-hindi ko’yan gagawin sa iyo. Gagawin ko ang lahat upang maging maligaya ka sa aking piling,” sagot ko na sinabayan ng pagtataas ng isang kamay na tila tatayong testigo sa hukuman.
“Nararamdaman kong parang nagsasabi ka ng totoo. Ngunit tulad nang sabi ko, hindi ko muna pag-uukulan ng pansin at panahon ang pag-ibig. Ibubuhos ko ang aking panahon sa pag-a-apply ng trabaho sa gobyerno,” wika ni Halina, na muling iginiit ang balak at hangarin sa buhay.
“Hindi lang ako nagsasabi ng totoo. Talagang nagmumula ito sa aking puso,” hirit ko na ibig samantalahin ang sandaling pagpapakita niya ng simpatya sa aking panliligaw.
“Basta kung talagang tayo, makakapaghintay ka hanggang makapasok ako sa trabaho. Hindi ko ugaling maging taong bahay kapag nag-asawa, mas gusto kong isa akong working mom. At isa pa, gusto kong maipagmamalaki ako ng aking asawa at ng kanyang pamilya at mga kamag-anak,” dagdag pa niyang damang-dama sa tinig ang layuning magkaroon ng katuparan ang pangarap at ambisyon sa buhay.
Hindi ko na kinontra ang sinabi ni Halina. Sapat na ang sinabi niya upang magkaroon ako ng pag-asa. Simula noon ay hindi na ako nangulit dahil batid kong payag na siyang magkaroon kami ng relasyon, hindi pa nga lang pormal. Tiyak ko, magiging pormal din ito kapag nakapasok na siya ng trabaho sa pinag-aaplayang ahensya ng gobyerno sa Maynila.
Kaya’t sa halip na mangulit, binigyan ko na lamang siya ng moral support at nagdasal na matupad ang mga naisin niya sa buhay sa lalong madaling panahon.
Hindi problema sa aking makita si Halina kahit nasa Maynila siya dahil iniwan niya sa akin ang address ng kanyang tirahan, na isang malinaw na palatandaang mahalaga ako sa kanyang buhay. Nang panahong ‘yon, nagpupunta ako sa mga publikasyon sa Quezon City upang mag-submit ng script sa komiks at maningil ng bayad tuwing araw ng Sabado.
ITUTULOY