Nasaan ka, Halina? (Part 5)
Nobela ni BOBBY VILLAGRACIA
(Ika-5 labas)
SA aking sobrang tiyaga ay sinagot ako ni Halina sa wakas! Nagdulot iyon ng kapayapaan sa aking buhay dahil patunay lang na may pitak ako sa kanyang puso. Sa maikling salita, may katugon ang iniaalay kong pag-ibig at pagmamahal. Isang pangyayaring nagdulot sa akin ng malaking kaligayahan, inspirasyon sa pagtatrabaho sa isang ahensya ng gobyerno at pagsusulat sa komiks.
Kitang-kita at damang-dama ko ang masidhi niyang pagnanais na makapasok sa ahensya ng gobyernong kanyang pinag-aaplayan kaya’t paulit-ulit ko ring inasam na magkaroon ng katuparan ang mga balak niya sa buhay.
Hindi rin niya maipagkakaila ang malaking kasiyahan sa nangyayari sa kanyang buhay dahil masayang-masaya at panay ang pagbabalita niyang malapit na ang katuparan ng kanyang mga pangarap.
“Kapag nakapasok ka, saan ka raw magtratrabaho?” tanong ko bilang bahagi ng paghahanda sa lugar na maaari naming tirahan dahil nagkaroon na ako ng malaking problema sa pinagtatrabahuhang ahensya ng gobyerno.
Naging dahilan din ang pangyayaring ito upang mag-fulltime writer ako sa mga komiks at magasin sa Metro Manila. Dahil sa pangyayaring ito, tuluyan na kaming nagkalapit at pormal na nagkaunawaan.
Ngunit hindi naganap ang pormal naming pagkakaunawaan sa Metro Manila, nangyari ito nang sabay kaming mag-Pasko sa aming bayan. Wala akong pagsidlan ng kaligayahan nang tuluyang makamit ang kanyang pag-ibig at pagmamahal na kaytagal kong pinangarap makamtan.
Parang kinakasihan ng Dakilang Manlilikha ang aming relasyon dahil natanggap din siya sa pinag-aaplayang trabaho. Sa main office siya ng ahensya na-assign.
Kitang-kita ko kay Halina ang malaking kasiyahan sa katuparan ng matagal niyang pangarap. Nakabuti sa aming relasyon ang problemang naganap sa aking trabaho sa probinsya dahil napilitan na akong manirahan sa Metro Manila.
At hindi lang ako nagsa-submit ng kuwento sa komiks at magasin, kundi maging pampelikula sa tanggapan ng Screenwriters Guild of the Philippine o (SGP) dahil kabilang sa pangarap ng lahat ng mga manunulat ang makapagsulat sa ganitong platform.
Ginawa ko rin ito bilang paghahanda sa pangarap kong makagawa ng pelikula sa darating na panahon.
Hindi ko alam na masikip ang daan sa sining na ito, maraming hadlang at humaharang sa mga nagnanais magtagumpay higit sa mga walang koneksyon at kakilala sa industriya.
“Dito raw ako maa-assign sa main office sa Quezon City,” sagot ni Halina na kitang-kita sa mukha ang malaking kasiyahan. “Alam mo naman kapag bagong pasok, hindi puwendeng mamili kung saan madedestino.”
“Sinabi mo pa,” sagot ko na mabilis na sinang-ayunan ang kanyang sinabi dahil batid ko rin ang kaganapang ito sa pagtratrabaho, gobyerno man o pribado. Kumakain kami noon sa isang fast food na nang panahong ‘yon ay nagsisimula pa lamang sa pagsikat, na ngayon ay sikat na sikat na hindi lang sa Pilipinas kung hindi maging sa ibang bansa.
Naging daan din ang problemang naganap sa trabaho ko sa probinsya upang lalong magkalapit ang aming mga kalooban at damdamin dahil madalas na kaming nagkikita. Nang panahon, ‘yon wala na akong mahihiling pa sa ngalan ng pag-ibig dahil lahat nang naisin ko ay nagkaroon ng katuparan kaya wala akong pagsidlan ng tuwa at saya.
“Ano ba’ng nangyari sa trabaho mo?” tanong ni Halina na tinutukoy ang problemang naganap sa aking trabaho sa probinsya sa isang ahensya ng gobyerno.
“Hindi ko maintindihan kung bakit ako pinipersonal. Pero totoo man o hindi ang hinala ko, wala akong magagawa. Siguro naman ay mabubuhay rin ako sa pagsusulat,” sagot kong tiyak na nadama niya ang malaking hinanakit sa aking tinig.
“Kaya lang, sayang ang nasimulan mong serbisyo sa gobyerno,” wika niyang lalong nagdagdag ng hinanakit sa aking kalooban.
“Talagang sayang,” sagot kong hindi maikubli sa tinig ang kinikimkim na galit. “Pero sabi nila ay maaayos din sa darating na panahon ang problemang ‘yon. Siguro ay pababalikin nila ako.”
“Sana nga...” sagot niya. “Kaya lang, tiyak na doon ka uli magtratrabaho sa atin.”
“’Yon din ang tingin ko dahil doon ako nakadestino nang magkaproblema. Kung lakarin ko kayang malipat dito sa Maynila para magkasama tayo?”
“Bahala ka,” sagot niya. “Ngunit tiyak ko mahihirapan ka sa gagawin mong ‘yan.”
“Bakit naman?”
“Kasi may patakaran sa gobyernong dapat may kapalitan ang isang empleyado na lilipat sa ibang lugar. Ibig sabihin, dapat ay may lilipat ding empleyado mula sa Metro Manila sa opisinang pinagtatrabahuhan mo,” paliwanag ni Halina. “’Yon daw ang patakaran.”
“Mukhang mahirap nga ang iniisip ko,” pag-amin ko. “Ngunit bakit ‘yon ang pag-uusapan natin?”
“Ano naman ang dapat nating pag-usapan?” wika niyang sumilay sa labi ang pilyang ngiting nagdudulot sa akin ng kakaibang kiliti at tuwa.
“’Yung para sa ating dalawa,” sagot ko.
“Hindi pa puwede ang iniisip mong magsama na tayo. Magre-review ako sa pag-take ng board exam,” wika niyang kitang-kita ko sa mata at damang-dama sa tinig ang kaseryosohan sa bagay na sinasabi. “Pagkatapos nito, puwede na tayong pakasal.”
“Kahit hindi ka makapasa sa board ay puwede naman tayong pakasal. Hindi mahalaga sa akin ang pagiging propesyunal at pagkakaroon ng magandang trabaho ng isang babae.”
“Basta ang gusto ko, magpapakasal tayo kapag nagkaroon na ng katuparan ang ang mga pangarap ko sa buhay,” sagot niyang damang-dama sa tinig ang determinasyon.
Hindi na ako tumutol sa nais mangyari ni Halina. Naging sunud-sunuran na lamang ako sa kanyang gustong mangyari sa aming relasyon. Sa mga sumunod na araw, madalas akong dumalaw sa inarkila niyang kuwarto sa isang subdibisyon na natatanaw ang La Mesa Dam.
Bagama’t madalas ko siyang dinadatnan sa nakakatuksong anyo, hindi ko sinamantala ang pagkakataon. Ibig kong boluntaryo niyang ipagkaloob sa akin ang kanyang alindog at kariktan. Sabi ko nga sa aking sarili kapag nakauwi na sa inaarkila naming apartment ng mga kasama kong writer sa komiks, naging gago yata ako. Palay na ang lumalapit hindi ko pa tinutuka.
Ngunit sa huli, iniisip kong tama ang aking ginawa dahil mahal na mahal ko si Halina. Pagsasamantala kong matatawag ang anumang gagawin ko sa kanya nang hindi kami nagsasama o ikinasal.
Madalas ko rin siyang sinusundo sa kanyang opisina sa punong tanggapan ng ahensyang pinagtratrabahuhan niya sa Quezon City. Sa totoo lang ay masayang-masaya kami sa relasyong namamagitan sa amin kaya wala akong inisip kung hindi ang makatapos siya sa pagre-review at makapasa sa pagsusulit. Paminsan-minsan ay nagsisimba kami sa simbahang hindi ko pa napapasok sa buong buhay ko. Kabilang ang simbahan sa loob ng University of Santo Tomas campus sa España Street na malapit sa kanyang review school. Dito sabay kaming nanalangin at hiningi ang bendisyon at gabay ng Dakilang Manlilikha para sa aming relasyon.
Buo na ang loob kong hikayatin siyang pakasal kami kapag natupad na ang pangarap niyang makapasa sa pagsusulit sa kursong kanyang tinapos.
ITUTULOY