Skip to main content

Nasaan ka, Halina? (Part 6)

Nobela ni BOBBY VILLAGRACIA

(Ika-6 na labas)

LABIS akong nagulat kay Halina nang pumayag siyang mag-live-in kami nang biruin kong magsama na kami para maasikaso ko siya at mapagsilbihan habang nagtatrabaho siya at nagre-review. Lalo akong nagulat nang sabihin niyang maghanap agad kami ng bahay dahil ayaw na niyang muling magbayad sa inaarkila niyang kuwarto.

Hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa at sinabi ko sa kanyang kinabukasan din ay maghahanap kami ng kuwarto dahil wala siyang pasok sa trabaho at review school. Masayang-masaya ako, walang pagsidlan ng tuwa at saya sa biglang-biglang pagbabago ng kanyang isip sa aming relasyon. Kaya hindi pa sumisikat ang araw ay nagbiyahe na ako patungo sa kanyang inuupahang kuwarto upang sunduin siya, at magkasama kaming maghanap ng titirahang kuwarto.

“Saan mo ba gustong tumira?” tanong ko sa kanya habang lulan kami ng bus na naglalakbay sa kahabaan ng Commonwealth Avenue. “Ako, kahit saan ay puwede naman ako.”

“Doon na lamang tayo sa may Cubao,” sagot niya. “Buti doon at kabisadung-kabisado natin ang lugar.”

Hindi na ako tumutol sa kanyang sinabi dahil totoo ito. Sa aming mga galing sa probinsya na nasa katimugang Luzon na bumababa sa mga terminal ng bus sa Cubao, pakiramdam namin ay  kabisadung-kabisado na namin ang lugar na iyon. Siguro, higit sa panig ko dahil malapit dito ang mga publikasyong pinagsusulatan ko ng mga kuwento sa komiks at artikulo sa magasin. Isa pa, nandito ang isa sa kanyang kamag-anak na tinuluyan niya kapag nagpupunta siya sa Metro Manila at may inaasikaso.

“Hindi ba at pabor sa iyo ang lugar na ‘yon?” tanong pa niya na lihim kong ikinatuwa dahil nagpakita siya ng malasakit sa akin at sa aking trabaho.

“Oo naman...” Mabilis kong sagot. “Malapit ang lugar na ‘yon sa GASI, Atlas at iba pang publication. Kaya lang ay malalayo ka naman sa iyong opisina at pinapasukang review shool, kawawa ka,” sagot ko. “Ang layo ng magiging biyahe mo araw-araw, baka pag-uwi mo ay lantang gulay ka na.”

“E, di matutulog na lang,” sagot niya.

“Hindi ka pa puwedeng matulog. Wala kang karapatang gawin ang bagay na ‘yon,” kaagad kong protesta na naglalaro ang pilyong ngiti sa labi at makahulugang tingin na tiyak kong binigyan agad niya ng maraming kahulugan.

“Bakit naman?” nagtatakang tanong ni Halina na nagkunwaring hindi nakuha ang ibig kong sabihin. 

“Kasi, panahon ng ating honeymoon. Alangan namang tulugan mo lamang ako nang tulugan!”

“Ikaw talaga puro kalokohan. Siyempre may panahon din ako sa iyo. Sasama ba naman ako sa iyong tumira sa isang kuwarto kung walang panahon sa dapat mamamagitan sa atin?” natatawa niyang wikang naglalaro sa labi ang pilyang ngiti. “Sira ka talaga!”

“At tulad nang sabi ko sa iyo, wala kang problema sa akin. Totoo ang sinabi kong marunong ako ng mga trabahong bahay tulad ng paglilinis, paglalaba at pagluluto,” wika ko na ipinagmalaki ang mga bagay na hindi ginagawa ng mga pangkaraniwang lalaki kapag nag-asawa na.

“Pati ba pagpaplantsa?”

“’Yun lang ang hindi ko pinag-aralan kaya hindi ko natutunan,” pag-amin ko.  “Pero kung gusto mo ay pag-aaralan ko.”

“Huwag na...” mabilis niyang sagot. “Ako na lamang ang magplaplantsa ng mga damit natin. Maselan ako sa mga damit na isusuot kaya ako na rin ang maglalaba.”

“Try mo rin ang laba ko, malay mo magustuhan mo.”

“Huwag na. Dahil kayong mga lalaki ay hindi mabusisi sa ganitong gawain. Hindi uubra ang trabaho ninyo sa aming mga babaing maselan sa mga damit na isusuot,” paniniyak ni Halina.

“Basta ako ay payag kahit saang lugar tayo tumira na hindi ka mahihirapan sa pagbiyahe patungo sa trabaho at pinapasukang review school,” wika ko na sadyang iniba ang paksang aming tinatalakay.       

Sumingit sa aking isip ang bagay na ito dahil pumapasok siya sa ahensyang hindi kalayuan sa Batasang Pambansa at pumapasok sa review school na nasa kahabaan ng Espanya Steet sa Maynila. Bagama’t magkatabi lamang ang siyudad ng Maynila at Quezon City, mahaba pa rin ang lalakbayin niya sa pagpunta sa dalawang lugar na ito. At tiyak ding mahabang oras ang gugugulin niya sa biyahe higit kapag matrapik kaya iniisip kong isang malaking sakripisyo ang kanyang gagawin kung titira kami sa Cubao.

Ngunit dahil gusto niyang dito kami maghanap ng tirahan, wala akong nagawa kung hindi sundin ang kanyang kagustuhan. Sabi ko pa nga sa aking sarili, mahirap na at baka magbago pa ang kanyang isip at nabuong desisyon.

Unang pumunta kami sa lugar ng Kamuning. Tiningnan namin ang mga kuwartong iniaalok sa pamamagitan ng karatulang nakasabit sa tarangkahan na room for rent. Marami kaming natingnan ngunit hindi namin nagustuhan. Okey sana ang lugar na ito dahil malapit sa isang publikasyon na pinagsusulatan ko ngunit wala kaming natagpuang kuwartong titirahang tumama sa aming panlasa.

“Doon tayo sa lugar na malapit sa kabilang publikasyon,” wika ko matapos kaming maghanap ng kuwarto sa may pusod ng Cubao ngunit wala ring nagtagpuan.

“Ikaw ang bahala,” mabilis niyang sagot.

Sa paghahanap, hindi sinasadyang nakarating kami ni Halina sa Project 2 at habang lulan ng pampasaherong jeepney, tumawag ng pansin sa akin ang punong sampalok sa gitna ng kalsada. Ang punong ipinapakita at ikinukuwento ang katatakutang nagaganap sa programa sa telebisyon ay naging daan sa pagbabalik-alaala ko sa kuwento ng aming pag-ibig.

Hindi rin ito nakaligtas sa kanyang paningin kaya’t tulad ko, nakalagpas na ang sasakyan ay nakatingin pa rin siya sa punong sampalok. Tiyak ko, ganoon din ang pumasok sa isipan ng mga taong unang nakakita sa punong sampalok dahil pambihira ang ganitong bagay. Biro mo, palawakin ang kalsada sa isang bahagi upang bigyan lamang ng puwang ang isang punongkahoy upang hindi maputol.

“Bakit kaya hindi pinutol ang punong sampalok na ‘yon?” tanong ko kay Halina habang kapwa kami nakalingon sa puno.

“Ewan ko...” mabilis niyang sagot. “Ikaw, bakit kaya?”

“Baka may naninirahang engkanto o maligno,” sagot ko. “’Yun ang karaniwang dahilan kaya inaalagaan at hindi pinuputol ang punong dadaanan ng kalsada o pagtatayuan ng mga gusali.”

“Baka nga,” sagot niyang minsan pang sinulyapan ang punong sampalok na sinadyang hindi putulin sa paggawa ng kalsada kahit tumbuk na tumbok.

At tulad ng una naming ginawa sa paghahanap ng kuwarto, naging mailap ang aming mata sa paghahanap ng karatulang may nakasulat na room for rent. Madalas itong nakasabit sa tarangkahan, punongkahoy sa gilid ng kalsada at dingding ng bahay. Sa pagtahak ng sasakyan pababa mula sa punong sampalok na nasa gitna ng kalsada ay nakakita kami ng karatulang nakapako sa malaking punong akasya (kung tama ang aking pagkatanda) na may nakasulat na room for rent.

Inaya ko siyang bumaba upang tingnan ang kuwartong tinutukoy sa nakasabit na karatula na tiyak kong hindi kalayuan sa malaking punong akasya. Magkahawak-kamay at tila namamasyal sa buwang hinanap namin ang bahay upang tingnan ang iniaalok na kuwarto.   

 

ITUTULOY