Skip to main content

Nasaan ka, Halina? (Part 7)

Nobela ni BOBBY VILLAGRACIA

(Ika-7 labas)

DAHIL natitiyak namin ni Halina na hindi kalayuan sa malaking puno ng akasya, kung tama ang pagkaakaalaala ko, ay may nakasabit na karatulang room for rent, naglakad na lang kami sa paghahanap. Habang palayo sa malaking punongkahoy ay panay ang tingin namin sa mga numero ng bahay upang malaman kung tama ang direksyong tinatahak namin sa paghahanap.

At minsan pa, nilingon ko ang malaking punong kinabitan ng karatulang room for rent dahil sa tingin ko ay mas nakakatakot ito kaysa sa punong sampalok na nasa gitna ng kalsada. Malaki, mataas at mayabong ang mga dahon kaya tiyak na maaakit ang mga maligno o engkantong manirahan.

At tama ang aming hinala, hindi nga kalayuan sa malaking puno ang bahay na may pinaparentahang kuwarto na agad naming natagpuan dahil sa numerong nakakabit sa dingding.  

Isang palapag lamang ang bahay, bungalow type na nakadikit sa kalsada ang harapan. Maliit ang lote tulad ng makabagong sukat para sa mga housing unit na itinatayo sa mga proyektong pabahay ng gobyerno. Sa pagtataya ko, itinayo ang bahay dekada 60 dahil batay sa mga kuwento, proyekto raw ni dating First Lady Imelda Marcos ang mga pabahay na nagsisimula ang pangalan sa “project”.

Malugod kaming tinanggap ng may-ari ng bahay na may-edad na mag-asawa na katulad ng isang naging presidente ng Pilipinas ang apelyido. Dalawa ang kuwarto ng bahay, ang isa ay inuokupa ng mag-asawa, at ang ikalawa ang pinaparentahan. Ipinakita sa amin ng may-edad na babae ang kuwarto pati na ang iba pang pasilidad tulad ng comfort room at kusina.

“Mag-asawa ba kayo?” tanong niya nang kunin na namin ang kuwarto at magkasundo sa presyong ibabayad.

Hindi agad kami nakasagot ni Halina dahil hindi namin napag-usapan ang ganitong bagay kapag natanong o naurirat sa usapan. Saglit na nag-usap ang aming mata, agad kaming nakabuo ng kasunduang magsinungaling upang hindi na magtanong sa iba pang detalye ng aming buhay. At sa pamamagitan ng mensaheng nasagap ko sa kanyang mata na inaatasang ako ang magsalita, sinabi kong mag-asawa kami at taga-probinsya.

Sinabi naman niyang pumapasok siya sa review school upang kumuha ng pagsusulit sa kursong tinapos.

Tiyak kong nakumbinsi namin ang may-ari ng bahay kaya’t hindi na nagtanong pa ng kung anu-ano. Sa halip ay itinanong niya kung kailan kami lilipat sa kuwartong rerentahan namin.

“Mamayang gabi ho,” mabilis kong sagot dahil napag-usapan na namin ni Halina ang ganitong bagay.

“Kukunin lang ho namin ang aming mga gamit,” sabi naman ni Halina.

“Marami ba kayong gamit?” tanong uli ng may-edad na babaing may-ari ng bahay.

“Kaunti lang ho,” sagot uli ni Halina. “’Yon lang hong mga pangunahing kailangan sa buhay at sa araw-araw.”

Matapos naming maibigay ang hininging isang buwang bayad at isang buwang advance payment, nagpaalam na kami sa mag-asawa. Inihatid nila kami sa tarangkahang nakakabit ang pinto sa kantuhan ng bahay. Hindi sila umalis sa tarangkahan hanggang hindi kami nakakasakay sa jeep na dumaraan hindi kalayuan sa kanilang bahay.

Dahil nakahanda na ang aming mga gamit kahit nasa magkahiwalay na tirahan kami, madali kaming nakabalik ni Halina sa kuwartong nirentahan namin. Muli, malugod kaming tinanggap ng may-edad na mag-asawang sadyang nag-aabang sa aming pagbabalik sa kanilang bahay. Tumulong sila sa pagpapasok ng aming mga gamit sa loob ng bahay.  

“Saan ba kayo pumapasok?” tanong sa akin ng may-ari ng bahay na may-edad na babae.

“Hindi ho ako pumapasok araw-araw,” sagot ko. “Sa bahay ho ang trabaho ko.”

“Ano ba ang trabaho mo?” tanong pa niya. “Pasensya ka na kung maurirat ako.”

“Okey lang ho. Nagsusulat ho ako ng kuwento sa komiks,” sagot kong  bagama’t nasa tinig ang pagmamalaki sa trabaho, nakadama ng pagkaaba dahil wala naman akong sariling bahay.  

“Aba, okey pala ang trabaho mo,” sagot niya. “Hindi ka na gumagastos sa pamasahe araw-araw.”

“Okey nga ho, kaya lang paminsan-minsan ay naiirita sa akin ang may-ari ng bahay na tinitirahan namin.”

“Bakit naman?” tanong niyang nagtataka.

“Dahil ho sa ingay ng makinilya,” sagot ko. Noon kasi ay hindi pa uso ang computer. “Maingay kasi ang makinilya higit sa gabi, dinig na dinig ang takatak.”

“Okey lang ‘yan sa amin,” sagot niya. “Isa pa, wala tayong magagawa sa ingay dahil ganyan ang hanapbuhay mo.”

“Salamat ho at naintindihan ninyo ang trabaho ko,” natutuwa kong sagot dahil sa malawak na kaisipan ng may-edad na babaing nagpaparenta ng kuwarto.

“Sige, lalabas na ako para makapaghinga na kayo,” paalam na niya sa amin.

“Sige ho,” sagot ko. Hindi na nagtanong ang may-edad na babaing may-ari ng bahay sa trabaho at pagkatao ni Halina dahil napag-usapan na nila ito kanina sa una naming pagpunta. 

Matapos makalabas ang babaing may-edad na may-ari ng bahay, kaagad kong isinara at ini-lock ang kandado ng pinto ng kuwarto.

Natigilan si Halina.

Tiningnan ako at matagal na tinitigan. Tila nagtatanong kung bakit isinara at ini-lock ko ang pinto ng kuwarto.

Natawa na lamang ako nang lihim sa kanyang reaksyon. Tila noon lamang niya nalamang kami lamang dalawa ang titira sa kuwartong nirentahan namin.

Ngunit hindi na ako nagtaka. Minsan ay ganito talaga ang mga babae na madalas na nagbabago ang isip sa nabuong desisyon. Ngunit wala akong naramdamang kaba na magbabago pa ang kanyang desisyong makipag-live in sa akin.  

“Bakit mo isinara?” tanong ni Halina na isinatinig ang pagtatakang namuo sa isipan.

“Hindi ba sabi no’ng may-ari ng bahay ay magpahinga na tayo? Kaya mahiga na tayo at matulog,” wika kong hinawakan ang kanyang kamay at hinila palapit sa akin habang nakaupo ako sa gilid ng kama.

“Loko-loko!” natatawang wika niya. “Hindi pa nga tayo kumakain ng hapunan matutulog na?”

“Ako, kahit hindi na kumain okey lang. Makakain ko na ang matagal ko nang gustong kainin,” sagot ko na may halong malisya at kabastusan. Sinadya ko itong sabihin dahil napatunayan kong minsan ay gusto rin ng mga ng usapang green.

“Sira!” natatawang niyang wika na agad nasakyan ang ibig kong sabihin.

Hindi na ako nagtakang nasakyan agad niya ang ibig kong sabihin dahil naniniwala akong likas na matalas ang pakiramdam ng mga babae, higit sa mga bagay na may kaugnayan sa sex.

At napahinga ako nang malalim sa excitement dahil maya-maya lang ay maaangkin ko na si Halina.

 

ITUTULOY