Skip to main content

Nasaan ka, Halina? (Part 8)

Nobela ni BOBBY VILLAGRACIA

(Ika-8 labas)

“IKAW naman, talagang mangyayari ‘yon ngayong gabi,” sagot ko na sinabayan ng panunuyo at paglalambing sa pamamagitan ng mahigpit na yakap at pagpupog ng halik sa kanyang pisngi, labi at leeg. “Ang bangu-bango mo talaga kahit natuyuan ng pawis,” wika ko habang nanatiling yakap siya at nilalambing. “Amoy baby.”

“Baby ka riyan!” natatawa niyang sagot na tila napagtantong talagang magaganap ang lahat na sinasabi ko sa loob ng nirentahan naming kuwarto na pansamantala naming magiging tirahan habang nagre-review siya para sa pagsusulit sa kursong tinapos niya bilang paghahanda sa buhay naming haharapin bilang mag-asawa. Kuwartong payak lamang upang maging paraiso sa aming pulot-gata, ngunit tiyak kong mapupuno ng matimyas at walang kasintamis na pagmamahalan.

Dahil gipit na ang panahon upang mamalengke at magluto, nagpasya na lamang kaming bumili ng kanin at ulam sa munting karinderya sa malapit doon. Habang kumakain ay panay ang kuwentuhan namin sa magiging set-up namin sa bagong kabanata ng aming buhay na pinasok namin.

Matapos ang pagkain namin ng hapunan, mahugasan at maisaayos ang mga ginamit, naghanda na kami ni Halina upang matulog. Muli, nabuhay sa akin ang malaking pananabik na makita ang kabuuan niya bilang babae nang hilingin niyang  patayin ko ang ilaw dahil magpapalit siya ng damit-pantulog.

Sabi ko, huwag na, hayaan na niyang makita ko ang alindog niya at kariktan dahil akin na siya. Dagdag ko pa, ako na ang nagmamay-ari ng kanyang puso, katawan at kaluluwa dahil magkasama na kaming namumuhay.

Hindi siya tumutol, ngunit sinabing kahit gano’n ang sitwasyon namin ay hindi pa rin kami nakakatiyak na kami ang magsasama sa buong buhay sa mga darating na panahon.

“Huwag kang magsalita nang tapos,” dagdag pa ni Halina. “May mag-asawa ngang kasal na sa simbahan at munisipyo, nagkakahiwalay pa kahit marami ng anak.”

“Malabong mangyari ‘yon sa atin,” paniniyak ko sa kanya. “Hindi ko matatanggap na mawala ka sa akin. Mahal na mahal kita at gagawin ko ang lahat upang magsama tayo habang buhay.”

Matamis na ngiti ang naging kasagutan ni Halina. Hindi na rin ako tumutol nang patayin niya ang ilaw upang magpalit ng damit pantulog dahil nakita ko ang liwanag na pumapasok mula sa bintanang salamin. Tiyak ko, makikita ko rin nang buung-buo ang kanyang kaseksihang matagal ko nang gustong masilayan.

At naganap ang gusto niyang mangyaring makapagbihis na walang ilaw, ngunit hindi niya alam na nasunod din ang gusto ko dahil nakita ko rin ang kaseksihan niyang matagal ko ng pinanggigigilan at hinahangad na maangkin. Tiyak ko, batid din niyang nakikita ko ang kabuuan niyang bilang babae, ngunit hindi na niya pinansin dahil gusto rin niya akong sabikin sa kanyang alindog at kariktan na labis na nagpasidhi sa umaalipin sa aking kamunduhan.

At hindi na ako nakatiis nang tuluyan niyang hubarin ang suot na damit at makapagpalit ng manipis na pantulog. Mahigpit ko siyang niyakap at ikinulong sa aking mga bisig.

“Parang makakawala pa ako sa iyo kung makayakap ka,” pabirong wika ni Halina na natatawa. “Huwag kang mag-alaala dahil mula ngayon, iyung-iyo na ako.”

“Talagang-talaga,” sagot ko. “Hindi ko na pahihintulutang magkahiwalay pa tayo. Hindi ko ‘yon matatanggap.”

At buong kasabikan kong hinalikan ang kanyang malambot at kulay rosas na pisngi upang paulit-ulit na ipadama ang init ng aking pag-ibig at pagmamahal. Paulit-ulit ko ring hinalikan ang kanyang mapupula, maninipis at katakam-takam na mga labing kaytagal kong pinangarap masimsim ang anumang katas na mapipiga.

Hindi naman siya tumutol, sa halip ay tinanggap at ginantihan ang ipinadama kong wagas, dalisay at mainit na pagmamahal.

Kapwa kami humihingal nang maghiwalay ang aming mga labing matagal na naghinang bilang pagpapadama ng pagmamahal at makamundong paghahangad sa isa’t isa. Ngunit hindi sapat ang pagkaubos ng hangin sa aming dibdib upang pigilan ang muling paglalapat ng aming mga labi nang madiin at matagal.

“Gawin na natin ang dapat gawin upang mangyari, sabik na sabik na akong talaga,” pabulong kong wika kay Halina na punung-puno ng makamundong pagnanasa. “Hindi ko na mapipigil ang aking pananabik!”

“Ikaw naman, kung magsalita, parang hindi pa nagkaroon ng kinakasama. Asawa nga yata ang tawag do’n,” natatawang niyang wika na sinabayan ng pinung-pinong kurot sa aking tagiliran.

“Iba talaga ang pakiramdam ko sa iyo, parang ngayon lang ako nakayakap at nakahalik ng babae.”

“Manyakis!”

“Okey lang na tawagin mo akong manyakis. Talagang mamanyakin kita!” sagot kong punung-puno ng panggigigil kaya lalo kong hinigpitan ang yakap sa kanya.

“H-hindi mo yata ako kaya?” tanong niya na kahit hindi itinuloy o dinugtungan ang sinabi, nahulaan ko. Nais niyang kargahin ko siya patungo sa kama tulad ng ginagawa ng lalaki sa babae kapag bagong kasal. Lihim din akong humanga sa malikot at maromansa niyang isipan nang gabing ‘yon.

“Bah, kayang-kaya kita…” sagot ko. “Kalalabas lang ng edad ko sa kalendaryo kaya malakas at maresistensya pa ako.” 

At upang patunayang totoo ang sinabi ko, binuhat ko siya at dinala sa malambot at malapad na kama. Dahan-dahan ko siyang ibinaba at dahan-dahan ding ibinagsak ang aking bigat sa katawan niyang nakabuyangyang sa kama.

Hindi siya tumutol kahit nakadagan sa kanya ang lahat ng bigat ng aking katawan. Muli, mahigpit kaming nagyakap, maalab at marubdob na naglapat ang mga labing uhaw sa isa’t isa. Damang-dama namin ang umaaliping init at pananabik sa aming buong katawan sa ritwal ng pag-ibig na aming pagsasaluhan nang gabing ‘yon.

At ginawa ko ang mga bagay na magbibigay ng lubusang kaganapan sa pantasya at pananabik ko sa kabuuan ni Halina bilang isang kaakit-akit na Eba. Pinagala ko ang aking kamay sa kanyang malambot at seksing katawan upang damahin ang kabuuan niya bilang babae.

Wala siyang pagtutol, lubos at ganap siyang nagpaubaya sa aking kapusukang angkinin ang kanyang buong katawan na kaytagal kong pinangarap na magkaroon ng katuparan. Hindi na ako nagdalawang isip na hubarin ang manipis niyang kasuutang laan sa pagtulog dahilan upang malantad sa aking paningin ang katakam-takam niyang alindog at kariktan.

Muli, buong kasabikan kong hinalikan ang kanyang pisngi, labi, leeg at dibdib na nagbigay rin sa kanya ng lubos na kaligayahan dahilan upang ganap na magpaubaya. Hindi rin siya tumutol nang tuluyan kong tanggalin ang dalawang maliit na piraso ng damit na tumatakip sa maselang bahagi ng kanyang katawan bilang babae.

Kahit konting liwanag lamang ang tumatanglaw sa kabuuan ng silid mula sa nakasarang bintanang salamin , kitang-kita ko ang kanyang kabuuan bilang isang katakam-takam na Eba. Langhap na langhap ko rin ang natatangi niyang halimuyak bilang babae na lalong nagpalagablab at nagpaigting sa kakaibang init na lumulukob sa buo kong katawan.

At minsan pa, buong kasabikan kong pinagmasdan ang katakam-takam na hubog ng katawan ni Halina na nakalatag sa kama na nakatakdang paulit-ulit kong angkinin sa buong magdamag. 

 

ITUTULOY