Skip to main content

Niloko at pinagsamantalahan ng pekeng recruiter

February 10, 2016

Arestado ng mga ahente ng National Bureau of Investigation ang isang 49 anyos na dating security guard na nagpanggap na police officer sa America kaugnay sa reklamong grave threat, violation of anti-photo and video voyeurism law, robbery/extortion, 6 counts ng  rape,  at estafa sa isang babaing nais mamasukan sa ibayong dagat.

Sa ulat ng NBI-Anti-Orga­nized and Transnational Crime Division, dumulog sa kanilang tanggapan ang isang 30 anyos na misis,  tubong Ilagan, Isabela at residente ng Norzagaray, Bulacan, dahil sa patuloy na pangongotong ng isang Ricardo Arquero Jr., tubong Isabela at nanunuluyan sa Parañaque City.

Noong February 4 ay iprinisinta ni Atty. Aristotle Adolfo, supervi­sing agent ng NBI AOCTD, ang suspek na nadakip dakong alas -10:30 ng umaga sa  isang kuwarto sa Hotel 99 sa Cubao, Quezon City.

Salaysay ng biktima, sa pagnanais niyang makapagtrabaho sa Singapore, nag-search siya ng recruitment agency at nakilala niya ang suspek. Nahimok siya ng suspek na makipagkita sa isang food chain sa Cubao, Quezon City noong Setyembre 2015 sa pangako na ipapasok na shop server  sa internet café  sa Alaska, USA na pag-aari ng ina ng suspek na may suweldong $850 o katumbas na P40,000.

Nang nasa loob na ng hotel ay puwersahan siyang pinainom ng isang tableta ng suspek at nahilo siya kaya nagawa ng suspek na hubaran siya at mapagsamantalahan.

Kasunod nito ay hiningan pa siya ng P12,000 para sa processing fee at nakunan pa umano ng sex video at larawang nakahubad. Tinangay rin ng suspek ang kanyang cellphone na nagkakahalaga ng P28 libo.

Ilang ulit siyang tinawagan nito noong Oktubre na magpadala sa Cebuana Lhuiller ng kabuuang P12,000 na sinunod niya sa takot sa banta na ipo-post sa Facebook ang kanilang sex video at mga hubad niyang larawan.

Ilang ulit pa siyang nagbigay ng karagdagang bayad sa suspek na umabot na P49,000 at naulit pa ng limang beses ang panggagahasa sa kanya.

Muli siyang tinakot nito sa mga sumunod na buwan at kung hindi  umano magbibigay ay ita-tag din sa FB ang asawa, mga kaanak at kaibigan niya upang siya ay mapahiya.

Dahil walang pera noong Disyembre ay hindi naibigay ng biktima kay Arquero ang kakulangang  P5,000 at nagulat siya nang makita sa FB ang sex video at nude photos niya, dahilan upang magsuplong siya sa NBI.

Napilitang manirahan sa Maynila ang biktima dahil iniwan na siya ng asawa at mga anak dahil sa pangyayari. 

Nang muli silang mag-usap ay nangako ang biktima sa suspek na ibibigay na ang kakulangang halaga, subalit sa pagkakataong iyon ay mga ahente na ng NBI ang kasama ng biktima na umaresto sa suspek.

Nadiskubre rin ng NBI na modus operandi ng suspek ang mambiktima ng mga babae sa FB para sa sextortion.

EDITOR’S TAKE:

Mag-ingat sa mga pekeng recruiter. Ipinaaalala naman lagi ng OWWA na sa mga accredited na kumpanya lamang ng agency mag-apply para hindi maloko gaya nang sinapit ng biktima.