Skip to main content

Online boyfriend

MAGANDA si Luisa ngunit siya ang tipo ng babae na hindi masyadong ligawin. Hindi pa siya nagkaroon ng boyfriend na nagtagal sa kanya. Nagkakaroon siya ng karelasyon, pero after a month ay nawawala na lang at sukat at hindi na niya mahagilap.

Dahil nasa early 30’s na siya at gusto na rin niyang lumagay sa tahimik gaya ng kanyang mga kaibigan, unti-unti na siyang nagpa-panic. Ang mga ka-batch niya noong high school ay may mga anak na, samantalang siya ay hirap na hirap pang makatagpo ng kanyang forever Valentino.

Isang kaibigan niya, si Ria, ang nagpayo sa kanya.

“Sumali ka sa mga Facebook group. May mga grupo na naghahanap talaga ng magiging sweetheart. I-search mo lang kung anong FB group ang gusto mong salihan,” paghihimok sa kanya ni Ria.

“Hindi kaya magmukha naman akong cheap niyon?” reaksyon niya sa mungkahi ng kaibigan.

“Gaga, libu-libo ang loveless na lalaki at babae ngayon na member na kung anu-anong FB group! May mayaman, mahirap, pangit, mataba, guwapo at maganda. Lahat nang klase ng tao ay naroon kaya alisin mo ang mga ganyang saloobin. Kung gusto mo naman, gumamit ka ng alias kung ayaw mong i-reveal agad ang iyong identity,” payo pa sa kanya ni Ria.

Sinunod niya ang payo ng kaibigan. Gumawa siya ng Facebook account na siya niyang ginamit sa pagsali sa isang grupo ng mga singles looking for the right one. After a week ay may nag-private message na sa kanya—si Tinno.

Sa kanilang pagpapalitan ng messages ay nalaman niyang isang T-shirt designer si Tinno at nagbebenta ng mga designs nito online. Mahilig siya sa art kaya humanga agad siya rito.

Okey rin naman ang porma ni Tinno, at least, batay sa mga photos na ipinadadala nito sa kanya. Hindi kaguwapuhan pero matangkad at maganda ang katawan. Gustung-gusto niya ang hitsura nito kapag naka-fitted na T-shirt, denim pants at rubber shoes.

Pinadalhan din niya ito ng kanyang photos. Later on ay natuklasan nila na may isang area of interest na pareho sila—mahilig silang dalawa sa books na sinulat ni John Green. Madalas na ang topic nilang dalawa sa chat ay tungkol sa mga akda ng nasabing author.

Hanggang mag-decide na silang magkita after eight months ng pagiging magkakilala online.

Sa isang bookstore sila nag-meet. Kung sa mga pictures pa lang nito ay crush na ni Luisa si Tinno, mas lalo siyang na-attract dito sa personal dahil mas may hitsura pala ito at ang lakas ng dating. Nang mag-shake hands sila ay nalanghap pa niya ang perfume nito, and she thought na ganito pala kabango si Tinno.

Sa isang coffee shop sila nagtuloy matapos maglibot sa bookstore at konting introduction sa isa’t isa. May sense of humor din si Tinno. Tawa nang tawa si Luisa sa mga punch lines nito.

Right there and then, alam ni Luisa na siya’y in love na kay Tinno.  Finally she thought she found the love of her life.

Nagkasunud-sunod ang pagkikita nila nila hanggang minsan habang nagkakape sila ay sinambit ni Tinno ang pinakahihintay ni Luisa.

“I like you, Luisa,” anito at hinawakan ang kanyang kamay. “I like you a lot. No, mas tamang sabihin na I love you very much.”

Hindi na siya nagpaka-plastic. Bago sila naghiwalay nang araw na iyon ay nakasangla na kay Tinno ang kanyang puso.

Masaya ang relasyon nila ni Tinno. Every payday ay nagkikita sila bukod pa ang walang humpay nilang communication online at tawagan sa cellphone. Sa wakas, madalas isipin ni Luisa, natagpuan niya ang lalaking para sa kanya. Kaya labis-labis ang pasasalamat niya kay Ria nang makatsikahan ito at ikuwento ang tungkol sa kanila ni Tinno.

“Abay ako, ha?” biro sa kanya ni Ria. “Remember, ako ang nagbigay sa iyo ng idea where to find love.”

“Oo naman,” sang-ayon niya rito. “Ninang ka rin sa magiging panganay namin.”

Ang lakas ng kanilang naging tawanan.

Buong akala ni Luisa ay tuluy-tuloy na ang masasayang sandali nila ni Tinno nang biglang may isang babae na mag-message sa kanya sa FB group kung saan sila nagkakilala ni Tinno. Ang mensahe nito: “May dapat kang malaman kay Tinno.”

Noong una ay hindi niya pinansin iyon. Pero nang magpadala ito sa kanya ng picture habang nasa beach ang dalawa ni Tinno at sa ayos ay mukhang may relasyon, nakuha nito ang atensyon niya.

Nag-message din siya rito: “Ano ba ang dapat kong malaman?”

Sagot nito: “Magkita tayo. Marami akong gustong sabihin sa iyo.”

Ayaw man niya at natatakot siya sa puwedeng matuklasan ay napilitan si Luisa na makipagkita sa babaing nagpakilalang si Fay. Sa isang kainan sila nagtagpo.

Habang kumakain sila ay si Fay ang nagbukas ng usapan.

“Maraming isyu kay Tinno,” anito. “Concern lang naman ako sa iyo kaya gusto kong malaman mo.”

Hindi halos makasubo si Luisa noon. May takot siyang nadarama sa mga sasabihin ni Fay. “L-like what?”

“Ex niya ako, Luisa...” sambit ni Fay.

Tinitigan niya ito. “Walang issue kung ganoon. Sabi mo nga, ex ka na niya.”

“Pero may anak kami, Luisa. Dalawa na.”

Parang bombang sumabog iyon sa pandinig ni Luisa! Napanganga siya sa pagkabigla.

At para patunayan ang sinabi ay ipinakita ni Fay mula sa smartphone nito ang mga videos nila ni Tinno kasama ang dalawang bata. Masaya pa ang lalaki habang kalaro ang mga anak—na ang tawag dito ay daddy habang naghahabulan.

Napaiyak si Luisa.

“He’s not exactly my ex, Luisa,” ani Fay matapos ipakita sa kanya ang mga videos. “Ayaw lang sa kanya ng mga parents ko noon dahil wala pa siyang direksyon sa buhay, tapos ay umuwi ako sa probinsya at doon nag-aral. Graduate na ako ngayon kaya narito na akong muli sa Manila. At unti-unti, pinipilit kong magkabalikan kami. May communication na uli kami kamakailan lang.”

Nalaglag ang mga luha ni Luisa.

Huminga nang malalim si Fay. “I’m sorry, Luisa. Ayoko lang na mas masaktan ka sa bandang huli kaya sinabi ko na sa iyo ang totoo. Babae rin ako, alam ko kung paano ang masaktan. At pilit ko namang inunawa si Tinno kung bakit siya naghanap ng iba noong mawala ako. Pero inaayos na namin ngayon ang lahat.”

At iniwan na siya ni Fay. Hindi na naampat ang luha niya.

Nang magkita sila ni Tinno ay hindi nito itinanggi ang tungkol kay Fay at sa mga anak nito.

“M-mahal mo pa ba si Fay?” tanong niya rito.

“Confused ako, Luisa,” matapat nitong sagot. “May mga anak kasi kami. Mahal na mahal ko ang mga anak ko...”

“Paano ako? Ang mga plano natin?”

Hindi nakasagot si Tinno.

Naghiwalay sila nang araw na iyon na kasinlabo ng madilim na ulap sa kalangitan ang tingin ni Luisa sa kanyang buhay.

Hindi na sila nagkita mula noon. Hindi na ito nagme-message sa kanya sa kanilang FB group. Hindi na rin tumatawag. Ang masakit, madalas mag-post si Fay ng mga pictures ng mag-anak habang masayang magkakasama sa pamamasyal pag weekend.

Iniiyakan iyon ni Luisa. Naiisip niya, sana’y siya ang nasa puwesto ni Fay. Sana’y siya ang masaya sa piling ni Tinno.

Lalo siyang mapapaiyak sa masakit na katotohanan na hindi na iyon mangyayari. Ang kanyang online boyfriend ay may nauna nang mahalin.

Hindi alam ni Luisa kung hanggang kailan siya mabibilanggo sa kanyang nabigong damdamin.

 

WAKAS

 

EDITOR’S TAKE:

Ang dapat kay Luisa ay mag-let go. Hindi si Tinno ang lalaking para sa kanya. Mahirap kalaban ang isang dating pag-ibig na mayroon ng mga bunga.

Maaaring na-excite din lang siya sa kanilang initial contact ni Tinno at naipagkamali niya iyon sa pag-ibig. Ngayong nakita na niya ang tunay na bahagi ng pagkatao ni Tinno, isipin niya na posibleng ginamit din lang siya nito para makalimot habang nawawala pa si Fay at ang mga anak nila. Ngayong nagbalik na ang mga ito, nawala na ang importansya niya sa kanyang online boyfriend at agad niyakap ang dating pag-ibig.

Luisa should try to ignore Tinno as best she can. Umalis na rin siya dapat sa FB group na iyon para hindi siya lalong masaktan. Isipin na lang niya na hindi siya ang nanloko kaya siya ang malinis ang konsensya at walang kasalanan sa mata ng Diyos.

At mabuti na rin na habang maaga ay natuklasan niya ang sikreto nito dahil mas naging kumplikado ang sitwasyon kung may nangyari na sa kanila at sobrang lalim na ng feelings niya sa lalaki saka pa lumitaw si Fay.

 

QUOTE FOR THE STORY:

“At one point you were everything I ever needed. Not anymore because you cheated.”