Skip to main content

A Piece of My Heart (Huling labas)

Nobela ni SEL BARLAM

(Huling labas)

MABILIS ang pagpapalit ng mga buwan sa kalendaryo. Ilang prelims at final exams na lang at magtatapos na sina Haidy at Angelo sa kolehiyo. At kapwa sila nakahawak sa magagandang pangarap at masasayang sandaling inihahatid ng bawat pagdaraan ng mga araw.
       “Hangga’t posible, di ba?” ani Haidy kay Angelo nang araw na iyon na inuubos nila ang kanilang mga bakanteng oras sa pag-aaral ng leksyon sa library ng kanilang unibersidad.  
       “Oo naman, maaaring hindi natin makamtang lahat ang mga iyon sa mabilis na panahon pero hindi nauubos ang mga pagkakataon,” positibong sagot naman ng binata.
       “Ang bilis lang talaga ng mga araw,” anang dalaga nang muling magsalita, yumakap ang lungkot sa sinabi.
       “Pero ang maganda, tayo ang piloto ng ating mga buhay, di ba?” salag agad ni Angelo sa nakitang agam-agam na rumehistro sa mukha ni Haidy.
       “Iniisip mo rin bang magiging interesting ang ating future?”
       “Siyempre, hindi man tayo tiyak sa ating hinaharap, kailangan naman nating i-adjust ang ating way of thinking,” makahulugang wika ng binata.
       “May nadarama akong kaunting takot…”
       “Ano ka ba? Don’t let uncertainty about your future paralyze your present, nandito ako sa tabi mo, okey?” pagpapakalma
ng binata sa damdamin ng dalaga. “And there is nothing more satisfying than having plans, tayong dalawa, magkasama. At ang mga planong iyon, gagawin nating official!”  
       Iyon pa rin si Angelo, ang Pisces guy na
ngayon ay batid na niyang para sa kanya, na sa higit pang pagdaraan ng mga araw, higit din niyang natutuklasan ang laman ng kaibuturan ng puso ng minamahal.
       “O, alam mo ba na hindi lang ang mag-ingay rito sa library ang bawal? Bawal din dito ang umiyak!” nakatawang tukso sa kanya ni Angelo nang punahin ang pamamasa ng kanyang mga mata. Kinuha nito ang panyo sa bulsa at masuyong iniabot sa kanya.
         “Pinaiiyak ako ng mga sinasabi mo, eh…”
         “I think, gutom ka na. Halika na ngang kumain sa car park!”
         “Ikaw ang taya, ha?” paglalambing niya kay Angelo.
         “Ikaw naman ngayon dahil ako na ang taya kahapon!”
         Siyempre, biro lang iyon ni Angelo. Bahagi lang ng kanilang happy moments na ipinagpapasalamat nila sa magagandang biyaya sa kanila ng buhay.

                                                         ** 

“ANG ganda nito, Angelo!” hindi mailarawan ang tuwang nasa puso ni Haidy nang isuot sa kanya ni Angelo ang isang bracelet na kinuha ng binata mula sa bulsa ng pantalon nito.

       “Pangalan ko ang nakaukit diyan at pangalan mo naman ang nakaukit dito sa isang nasa akin,” nakangiting sabi ng binata samantalang iniaayos ang pagkakasuot sa kamay ng dalaga sa wika nito’y magsisilbing engagement bracelet nilang dalawa. 

       “Sinorpresa mo ako,” maluha-luha, buong kaligayahang sambit ni Haidy.  

       “O, umiiyak ka na naman?” At tulad nang dati ay masuyong pinahid ng kamay ni Angelo ang kanyang mga luha.

       “Hindi ko lang mapigilan…”

       “Basta pangako ko at palagi mong tatandaan, hindi magbabago ang pagmamahal ko sa iyo. Magiging tapat at totoo ako. Gagawin ko ang lahat para sa ating dalawa sa simple man pero masasayang paraan.”

       Sa mga sinabi ni Angelo, lalo nang hindi napigilan ni Haidy ang mga luha ng kagalakan. Masuyo naman siyang kinabig ng mabait na katipan patungo sa dibdib nito.

       “Pero mula ngayon, ayaw na kitang makitang umiiyak, ha?” masuyong kinuha ng binata ang mukha ng dalaga at tinunghayan.

       Sa pagitan ng pagpatak pa rin ng mga luha, tumango si Haidy bilang tugon.

       “Teka, hindi pa ba tayo uuwi? Baka tapos na ang mama mo sa pagluluto ng mga handa niya para sa birthday niya ngayon? Bibili pa tayo ng gift para sa kanya,” biglang sabi ni Angelo nang pumasok sa isip ang tungkol sa kaarawan ng kanyang ina nang araw na iyon.

       “Ay, oo nga! Halos nakalimutan ko na!” bulalas niya nang maalaala na rin ang mahalagang okasyon para sa ina. “Tara na at baka imbes na malakas ka sa mama, mabawasan pa ang pogi points mo!” nakangiti na ang dalaga nang sabihin iyon sa binata.

       “Ako pa? Ang lakas ko kaya sa mama mo!” pagmamalaki ng kanyang kasintahan.

       “Pa’no nga, sipsip ka!” biro niya.         

       “Ang sabihin mo, pinangangalagaan lang niya ang taong mahal na mahal ka dahil alam niyang para kang nakatagpo ng ginto sa isang katulad ko!”

       “Yabang!” At kinurot niya nang maliliit sa tagiliran ang umilag na si Angelo na panay rin ang salag sa kanyang mga kamay.

        Naglalakad patungo sa kotse ng kasintahang naghihintay sa kanila sa di kalayuan sa may seawall na iyon, yumakap siya sa bisig ni Angelo at malambing na humilig sa balikat nito.

       Ah, kung maaari nga lang na sa masasayang sandaling iyon, doon na lamang tumigil ang kuwento ng pag-ibig nila ni Angelo.

       Pero nauunawaan niyang ang buhay ay nagpapatuloy sa susunod na mga araw. Ang reyalidad ng mga bagay-bagay ay kung ano ang mangyayari kinabukasan.

       Mag-aaral muna silang mabuti ni Angelo. Magtatapos muna sa kolehiyo. At sa takdang panahon, bubuo sila ng isang masayang pamilya.

      

                                                               WAKAS