A Piece of My Heart (Part 10)
Nobela ni LES BARLAM
(Ika-10 labas)
TAPOS na ang naglalarong mga agam-agam sa pagitan nila ni Jat. Kung paano’y natuldukan na rin ang kanyang dati’y malabong pag-asam at mahahabang kalungkutan sa muling pagbabalik ng binata.
Tinapos na rin ng paghaharap na iyon ang dati’y pakikipagtitigan niya sa bawat takbo ng mga kamay ng orasan, ang mekanikal na pagpintig ng kalamlaman, ang walang katiyakang mga tuldok ng dating paghihintay. Tuluyan nang namarkahan ang nakalipas, ang kanyang dati’y ilusyon ng mga sandali.
At ang kuwento nila ni Jat ay isang limot na kasaysayan na lamang na tila hindi na niya maisasalaysay kailanman.
Nang ihatid ng huling tanaw ng dalaga ang dating kasintahan, ganap na ang pamamaalam niya sa nakaraan.
Lalong naghabulan ang mga hakbang ni Haidy. Nag-aalaala na siya kay Angelo. Tiyak na panay ang kontak sa kanya ng kasintahan pero hindi nga siya matatawagan nito dahil nag-low battery ang cellphone niya kaninang hinihintay niya ito sa Love and Desserts House of Sweets. O, baka at maaaring nagtungo na rin sa tipanan nilang iyon ang binata at nang hindi siya makita ay umalis na rin para hanapin siya.
Pero hindi niya nakita sa mga taong naroroon sa house of desserts ang kasintahan kung kaya nagmamadali niyang tinahak ang maliit na kalyeng patungo sa direksyon ng kanilang unibersidad.
“Angelo!” habol niya ng tawag sa binata na nahagip ng kanyang mga matang pahiwalay sa karamihan ng mga participant na dumalo sa natapos na conference para sa internship ng isang kilalang oil company sa kanilang unibersidad, abala sa pagte-text ang binata nang makita niya.
“O, kanina pa nga kita tine-text at tinatawagan!” mabilis namang salubong sa kanya ng katipan pagkakitang-pagkakita sa kanya.
“Hinintay kita sa house of sweets, kaso nama’y nag-low battery ang cellphone ko.” Magkasabay na silang naglalakad ni Angelo at magkausap samantalang kapwa nila tinutunton ang gate papalabas na ng unibersidad.
“Galing ako roon, ah?” ani Angelo, gumuhit ang pagtatanong mula sa mga tingin sa kanya.
“B-baka nakalabas na kami roon nang dumating ka.”
“K-kayo nino?” walang kurap ang pagkakatitig sa kanya ng binata.
“N-ni Jat…”
Nakita niya ang insekyuridad at pagkabahalang gumuhit sa anyo ni Angelo sa narinig.
“N-narito si Jat?” napahinto sa paglalakad si Angelo samantalang magkasabay nilang tinatahak ang papalabas ng main gate ng kanilang unibersidad. Lumamlam ang mga mata ng binata, yumapos sa mga iyon ang hindi mailarawang takot ng damdamin sa narinig mula sa kanyang sinabi sa naging pagkikita nila ng dating katipan. Nakita niyang tila tumigil ang inog ng mundo para sa minamahal.
“N-nang hinihintay kita sa house of sweets, bigla siyang dumating,” andap ang tinig ni Haidy, kinakapa ang emosyon ni Angelo sa ginawa niyang pagtatapat dito.
“H-hindi ko inaasahan ang kanyang pagdating…”
“Kasama niya ang kanyang ama’t ina, may mga plano raw na hindi nagkaroon ng katuparan sa kanilang pangingibang-bansa.”
“Matagal ang inyong naging pag-uusap?” hindi naaalis ang nakalakip na malaking insekyuridad sa boses ni Angelo.
“Oo…” kinukumpronta rin ni Haidy ang umaahong mga agam-agam sa puso nang mga sandaling iyon.
“Marami kayong napag-usapan?”
“Tungkol sa hindi maayos naming paghihiwalay, oo…”
“Gusto niyang balikan ang nakaraan?”
“Iyon ba ang laman ng iyong isip?”
“Lahat naman tayo ay may self-doubt…”
“Pero madalas ay ang ating mga pagdududa ang nagiging dahilan kung bakit tayo nagiging miserable…”
“I’m sorry, hindi ko maiwasan…”
“Alam mo kung gaano kita kamahal, Angelo. At hindi mo na iyon kailangan pang itanong dahil ipaliliwanag ko lamang sa iyo kung bakit pa ako nabubuhay.”
Napatitig kay Haidy si Angelo. Noon, hindi na naitago ng binata sa dalaga ang pamamasa ng mga mata sa luha sa sobrang apeksiyon, “At, at ikaw, kung wala ka ay wala na rin ako. Dahil hindi ka lang dumating sa buhay ko, kundi naging bahagi ka na nito. Kaya aminado ako, may malaking takot sa puso ko…”
“Di ba’t ikaw ang nakaririnig ng aking mga pangarap?” buong pagsuyo, hinaplos ng dalaga ang mukha ng binata.”
“Oh, Haidy!” kinuha ni Angelo ang kamay niya, mahigpit na ginagap iyon, hinagkan.
Ang nakahihiling tagpong iyon ng magkasintahan ang umaagaw sa atensyon ng bawat estudyanteng papasok at palabas ng main gate ng kanilang unibersidad.
(To be concluded...)