Skip to main content

A Piece of My Heart (Part 2)

Nobela ni SEL BARLAM

(Ika-2 labas)

ANG pagiging contributor writer sa iba’t ibang publishing house ng ina ni Haidy ang nakagisnan niyang hanapbuhay na nito sa simula pa lang. Iyon na rin ang ipinantawid-buhay nila ng ina nang talikuran ng kanyang ama ang responsibilidad sa kanila maraming taon na rin ang nakalilipas.

Natatandaan niya, nasa unang baytang siya sa elementarya nang tila bulang naglaho na lang ang kanyang ama at mula noon ay hindi na niya nasilayan. Sa mga panahong iyon, doon niya nakita ang tatag ng kanyang ina. Hindi nito pinahintulutang sa pag-iwan sa kanila ng ama magtapos ang kanilang mundo.

Ngayo’y nasa ikaapat na taon na siya sa kolehiyo. Halos hindi na rin niya namalayan ang pag-igpaw nila ng ina sa masasalimuot na sitwasyon, ang magpahanggang ngayo’y pagpapatuloy pa rin sa nakagisnang proseso ng buhay sa mabilis ding pagtakbo ng mga taon.

Ikinagulat pa ni Haidy ang napalakas na pagtawag ng ina sa kanyang pangalan na nagpapaalam na pala sa kanya para pumunta sa destinasyon nitong publikasyon sa araw na iyon. Ni hindi na niya namalayang nakatapos na pala mula sa pag-aagahan ang ina, naisukbit na sa balikat ang paborito nitong pulang shoulder bag at nakipkip na rin ang netbook nito.

“Pero sabihin mo riyan sa parents ng magiging American citizen mong boyfriend, hindi namamana at lalong hindi nakahahawa ang isang broken home, ha?” may himig pagbibirong sabi ng kanyang ina, sabay pilyang kindat sa kanya at tumawa na naman nang malakas saka lumabas na ng kusina.

Batid niyang fifty percent ng tinuran ng kanyang ina bagama’t nasa tono ng pagbibiro ay totoo.

Hindi maikakaila, dama rin nito ang pagdurugo ng kanyang puso.

Kinukontra ni Haidy ang pag-usad ng malulungkot na sandali. Nakapikit ang kanyang mga mata ngunit bukas ang kanyang puso. Nagigising siyang laman pa rin ng kanyang mga panaginip si Jat.

Sweet contradictions…

At para sa dalaga, hindi pa tapos sa kanila ng kasintahan ang lahat.

“Parang kailan lang, magkaklase lang tayo, parang hindi nga tayo magkakilala pero ngayo’y mahal na natin ang isa’t isa…”

“Natatandaan mo ba ‘yung special time na ‘yun sa library, nang magkapalit ang mga libro natin, na ang nakasulat sa libro mo ay ang pangalan ko at ang pangalan mo naman sa libro ko?”

“At pagkatapos niyon, gusto ko nang ibigay sa iyo ang lahat…”

“But I am not special, isang pangkaraniwang babae lang na may pangkaraniwan ding mga kaisipan.”

“Pero mahal kita, I want you forever, you and me, every day…”

“Talaga bang naiisip mo na ang isang buhay na ako ang kasama?”

“Siyempre dahil mahal na mahal na mahal kita, ikaw lang ang babaing tanging para sa akin, kung kaya huwag na huwag mo iyong bibigyan ng pag-aalinlangan.”

Special sweet memories…

Lahat nang awesome expectations, beautiful dreams, sweet hope ng happy future na magkasama.

Ang mga iyon ang pinanghahawakan ni Haidy sa pagitan ng pagkakalayo nila ni Jat. Batid niya, hindi siya matitiis ng kasintahan. Magpapadala’t magpapadala ito ng mensahe sa kanya anu’t anuman.

Ang biglang paglitaw ng mensahe ni Jat sa kanyang inbox messages sa Facebook ang lalo pang nagdagdag sa galak na umanod sa kanya mula sa magagandang alaala nila ng katipan.

Sabi na nga ba niya. Hindi siya matitiis ni Jat. Hinding-hindi kailanman.

Ang mensahe nito: “Alam kong masasaktan ko ang damdamin mo pero ito ay para hindi ka na umasa pa. Kalimutan mo na ako, hindi na ako babalik.”

Parang tinusok ng matulis na bagay ang puso ni Haidy matapos tunghayan ang ipinadalang mensahe ni Jat.

Ang sakit! Ang sakit-sakit. Napakasakit!

Ngayon, ang pinakamahirap na sandali para sa kanya ay kung papaano itatago ang kanyang mga luha sa likod ng kanyang mga ngiti.

                                                             **

“HEY, Haidy! Hindi mo ba alam na ako itong makasasalubong mo?” Halos hindi magkandatuto sa pagmamadaling mas makalapit pa kay Haidy si Angelo nang makasalubong ang kaklase sa main building ng kanilang unibersidad nang umagang iyon ng Lunes.

“Nagte-text ako, eh!” patay-maling sagot ni Haidy na patuloy pa rin sa pagte-text pero ang totoo’y namataan na niya ang paparating na kaklase mula sa malayo pa lang.

“O, ibinili na rin kita ng mga ito!” excited at nakangiti pang ipinakita sa kanya ni Angelo ang hawak-hawak nitong breadboard, ilang integrated circuits, LED at power supply na inilabas pa nito mula sa isang plastic bag.

“Para saan at bakit?” Ini-off muna niya ang kanyang cellphone nang balingan si Angelo nang kunot-noo.

“Di ba sa Electronics natin?” hindi napapalis ang matatamis na ngiti mula sa mga labi ni Angelo, na ang features ng mukha ay tila nahahawig kay Leonardo DiCaprio.

“Ganoon ba?” habang sinasabi iyo’y pilit din niyang inaapuhap sa isip ang tungkol sa iniaabot na mga bagay sa kanya ng kausap, na aminado siyang nawala na nga sa kanyang alaala dahil sa mga naganap sa pagitan nila ni Jat nitong nakaraan.

“Basta kunin mo na ang mga ito at halika na dahil ia-assemble pa natin ang mga ito bago ang klase natin sa Electronics!” ani Angelo, na nang hilahin siya sa isang kamay ay wala na siyang nagawa kundi ang sumunod na lang sa mabait na kaklase.

Maraming beses tulad ngayon, napatunayan niyang mabait naman talaga si Angelo, na ang pangalan, ayon pa sa kaklaseng naging kaibigan na rin nila ni Jat mula pa noong kanilang unang taon sa kolehiyo ay hinango ng mga magulang nito mula sa nasabing Greek name at taglay ang mga katangiang compassionate, intuitive at may magnetic personality. Idagdag pa ang pagiging humanitarian nito, broad-minded at generous, affectionate and giving. 

At higit sa lahat, dahil sa pagiging romantic din nito at katapatang magmahal, alam na alam na niyang lahat ang tungkol sa kuwento ng buhay-pag-ibig ng kaklase na palagi nitong isine-share sa kanya.

Pero ngayo’y na-shock siya sa nabatid mula kay Angelo nang kumustahin niya ang status ng relasyon nito at ng nobyang nasa Engineering department din ng kanilang university.

“Break na kayo ni Lizet? But why?”     

“Hindi rin sa ‘kin maliwanag. Basta nakita ko na lang siyang may kasamang ibang lalaki…”

Nasaktan siya para kay Angelo ngunit mas nasasaktan siya para sa sarili sa kinahantungan ng relasyon nila ni Jat.

 

SUBAYBAYAN!