Skip to main content

A Piece of My Heart (Part 9)

Nobela ni SEL BARLAM

(IKa-9 na labas)

“A-ANG sabi mo’y hindi ka na magbabalik…” andap ang nginig na tinig ni Haidy, hindi maipaliwanag ang kabang naglalaro sa dibdib nang pagbigyan ang sumamo ni Jat na makausap ng dating kasintahang hindi na niya inaasahang muli pang masisilayan.

Ang malamig na haplos ng hangin sa kanyang balat sa kinaroroonan nilang dalampasigan ang lalo pang nagdaragdag sa panlalamig ng kanyang katawan.

       “May mga planong hindi nagkakatotoo, hindi ba?” mapait ang tugon ni Jat, ang mga mata ay nakatingin sa malayong tila wala naman.

       “Bigla mong pinutol ang ating komunikasyon,” may maliit na sumbat na nakapaloob sa tono ng dalaga nang muling umimik.

       “Sinikap ko ring gumuhit doon ng mga pangarap at alaala,” ani Jat sa lalo pang lumamlam na intonasyon.

       “May mga bagay na sadyang mahirap makuha, lalo na kung nasa iyo na ang lahat.”

       “At lalo na kung ang unang pag-ibig ay okupado pa rin ang espesyal na lugar sa puso,. humarap si Jat kay Haidy, Kitang-kita ng dalaga ang pagkasabik sa pag-uusap na iyon sa anyo ng dating kasintahan.

       “Hindi pa rin naman kita nalilimutan, ikaw ang taong sumugat sa aking puso.”

       Matagal na hindi nakaimik si Jat. Nasapol ito ng sinabi ni Haidy.

       “G-gusto kong malaman mo na nagbalik ako upang…”

       “Pero ang buhay ko ngayo’y hindi na tungkol sa nakaraan…”

       “A-ano’ng ibig mong sabihin?”

       “Ikaw ang nanakit ng loob, kung kaya hindi mo mararamdaman ang sakit na madalas ay umaahon pa rin sa aking puso. Nang talikuran mo ako noon sa huling pagkikita natin sa Lover’s Lane, gusto ko nang malagutan ng hininga. Araw-araw, para akong tangang nakatulala sa harap ng computer, umaasam na magpaparamdam ka, makauusap ka. Nang magpadala ka sa akin ng mensaheng kalimutan na kita at hindi ka na magbabalik, akala mo ba’y ganoon lang ako kadali namuhay pagkatapos niyon?” pigil ni Haidy ang gustong mag-aklas na emosyon.  

       “H-hindi kita pinaldahan ng ganoong mensahe, Haidy…” tila nawawalan ng lakas na depensa ni Jat.

       “At sino ang nagpadala? Ang mga magulang mo, na katulad mo ay pinaglaruan din ang damdamin ko?” nagsimula nang mangilid ang mga luha ng dalaga.

       “P-pero hindi pa ba sapat na heto akong muli para sa ating dalawa?”

       “Pero ang buhay ay tungkol sa bawat mukha ng pakikipagsapalaran, Jat. Kinalulugdan ang magagandang alaala, natututo sa nakaraan hanggang sa matagpuan ang tunay na kaligayahan.”

       Nakita ni Haidy ang pagpatak ng mga luha ni Jat nang tumungo.

“M-may iba nang nagmamay-ari sa puso mo, Haidy? Napuputol ang boses ni Jat, nakapaloob doon ang malaking insekyuridad sa tugong gustong marinig sa dalaga.

       “Si Angelo… S-siya ang nag-alis sa akin mula sa masasakit na alaala, sa mga kalungkutang noo’y ayaw ko pang kumawala,” buong-sinseridad na pag-amin ni Haidy.

       “Si Angelo…” halos paanas na wika ni Jat nang marinig ang pangalan ng binatang dati ay matalik na kaibigan.

       “H-hindi naman namin hinahangad ang isang perpektong relasyon. Pero natuklasan namin ang aming mga pagkakapareho at pang-unawa sa maraming bagay nang hindi sumusuko,” makahulugang sambit ni Haidy.

       Nawalan ng kibo si Jat. Matagal.

       “At at siguro, para makawala ka mula sa bigat ng kalooban, kailangan mo ring patawarin ang sarili mo, Jat. At malamang tapos na ang ating sitwasyon. We can’t go back anymore pero tulad ko, maaari ka ring mag-move forward.”

       “H-honestly, hindi ko alam kung paano, Haidy,” pigil ang impit na damdamin ng binatang ilan pang sandali ay gusto nang pumatak ng mga luha.

       “Mahalagang bigyan mo ng tulay ng rekonsilyasyon ang iyong sarili at doon ka magsimula,” ani Haidy nang muling umimik.                        “Kung magiging ganoon lang nga kadali ang paglimot…”

       “Nang maghintay ako sa iyo nang walang katiyakan, naging kakambal din niyon ang masakit na paglimot…”

       Tumungo si Jat. Kinusut-kusot ang mga matang nagsimula nang maghilam sa mga luha.

       “Lahat naman tayo ay may mga insekyuridad ngunit may kakayahan ang ating mga isip upang labanan ang lahat ng iyon. Muling mamuhay at maranasan ang iba pang mga mukha ng buhay.”

       “Sana lang nga’y ‘yung isang uri ng paglimot na hindi nabubura ang mga alaala.”

       “Pilitin mo, Jat. Pilitin mong makakalas sa bawat sandaling dapat makalaya ang iyong isip at puso, para sa isang permanente at makabuluhang simula.”

       Muli, matagal na katahimikan.

       Nang muling pumihit si Jat, palayo na ang hakbang ng mga paa nito mula kay Haidy.

       “Jat…” hinabol ng tawag ng dalaga ang paalis na binata. “H-hindi ito isang pamamaalam kundi isang pasasalamat. Salamat sa minsa’y pagdating mo sa aking buhay at pagbibigay-saya. Salamat sa matatamis ding alaala. Pero higit sa lahat, salamat sa pagpapakita mo ng pang-unawa para sa amin ni Angelo.”

       Pinilit ngumiti ni Jat ngunit ngiting may pait sa mga labi.

 

SUBAYBAYAN!