Skip to main content

Pinay patay sa mister na Jordanian

ISANG hindi pa nakilalang Pinay ang umano'y pinatay ng kanyang asawang Jordanian na nagmamay-ari ng isang mobile shop sa Amman, Jordan. 

Ayon sa ulat, ang nasabing Pinay ay 20 taon nang naninirahan sa Jordan, may dalawang anak at hiwalay sa unang asawa ngunit muling nakapag-asawa sa nabanggit na bansa. 

Lumabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad sa Amman, natagpuan na lamang umano ang bangkay ng biktima sa loob mismo ng kanyang apartment malapit sa 3rd circle sa Jabal Amman.

Kaagad isinailalim sa awtopsiya ang bangkay ng biktima sa National Institute of Forensic Medicine at napag-alaman na may marka ito sa leeg dulot ng pananakal. Nagtamo rin ito ng pasa sa ulo sanhi ng pagpukpok ng matigas na bagay na naging dahilan ng kanyang kamatayan. 

Nabatid na ang suspek ay ang mismong asawang Jordanian ng biktima kung saan tatlong buwan pa lamang umano silang nagsasama. 

Inamin naman ng suspek ang nagawang krimen na dahil daw sa hindi nila pagkakaunawaan ng biktima. 

Sa ngayon, nakipag-ugnayan na ang Philippine Embassy sa Amman Jordan authorities upang malaman ang buong pangyayari.

Nakakulong naman ang suspek sa Jweideh Correction and Rehabilitation Center.

EDITOR’S TAKE:

Lagi tayong nakakabasa ng mga ganitong balita na ang kababayan nating Pinay ay minaltrato o kaya ay pinaslang ng asawang dayuhan. Malaking isyu talaga ang pagkakaiba ng lahi at kultura pagdating sa marriage.

Ayon sa statistics ay lampas 80 percent ang bilang ng mga Pinay na nagkaasawa ng dayuhan na nagwakas sa hindi maganda—either naghiwalay o nagkaroon ng krimen. Mas mataas pa ito sa bilang ng pag-asawang Pinoy na hindi naging successful.

Marahil ay dapat isaisip ng ating mga kababayang Pinay na hindi tamang maging “practical” lang sa paghanap ng magiging mister. Nagkaroon ka nga ng asawa na noong una ay inakala mong hahango sa iyo sa hirap, iyon pala ay mas impiyerno ang kahahantungan.