Skip to main content

Prinsesa Raketera (Part 10)

Nobela ni KC CORDERO

(Ika-10 labas)

HABANG kumakain sa labas ay may mga suggestions si Mik kung paano mas mapaparami ni Princess ang kanyang raket.

“Mag-aral ka ng Photoshop, alam mo naman kung ano ‘yun, di ba? May alam akong training school na one hundred fifty pesos lang per session every Saturday. Kaya mo na ‘yun. Mas mainam din kasi na marunong ka ng digital drawing, mas marami kang magagawang cutting edge na design,” payo kay Princess ng binata.

Noong high school siya ay may konti na siyang knowledge sa Photoshop dahil iyon ang kanyang elective. May konti na siyang natutunan. Tama si Mik na kung mae-enhance ang kanyang art skills, mas marami siyang puwedeng gawin.

“Sige, try ko ‘yan...” aniya.

“Huwag try lang. I-push mo na ‘yan,” tumawa ang binata.

Inilabas ni Mik ang cellphone nito. Nanlaki ang mga mata ni Princess nang makita iyon. “Whoa, big time naman! Nakasosyal na smartphone na siya!”

“Salary loan din sa office,” kaswal nitong sagot na walang halong pagyayabang. “Need din kasi sa work. Pag may kailangang i-research, i-download o i-email sa boss, hindi na problema. May data services na ito kaya di ko na kailangang magpunta sa computer shop para mag-internet.”

“Natutuwa naman ako para sa iyo,” matapat niyang sabi sa binata. “Ako ay medyo matagal pa siguro bago makapagpalit ng phone. Alam mo na, mas kailangang mag-ipon para kay Patrick.”

“Okey naman ang ordinaryong phone,” ngumiti si Mik. “Ang importante ay puwedeng mag-text at tumawag. Ito namang unit ko, kung di lang kailangan sa work hindi ako kukuha. Dagdag gastos din kasi. Mas gusto ko nga sana ay naikuha ng hulugang traysikel si Itay. Pero siguro next time na ‘yon.”

“Magkano ang monthly mo niyan?” usisa niya.

“’Yung pinakamura ang kinuha ko basta okey ang e-mail at download. Di naman ako mahilig sa games saka hindi rin ako laging nag-o-onlne.” Pagkasabi niyon ay kinunan siya ni Mik ng picture. “Ia-upload ko ito sa Facebook ko, ha?” pagpapaalam nito sa kanya.

“Oo naman. O, kunan mo ako na may katabing mga pagkain tutal mukhang siopao ang mukha ko,”tumawa siya.

“Siopao... e, ang ganda-ganda mo...”

Kinilig siya sa sinabi nito habang kinukunan siya ng picture. Nakiusap din ito sa isang crew na kunan sila ng selfie. Bahagyang magkadikit ang kanilang mga mukha. Ilang shots din iyon, at agad ini-upload ng binata.

Nang makatapos silang kumain ay nagkuwentuhan pa sila ng ilang minuto at pagkatapos ay inihatid na siya ni Mik. Dalawang oras lang kasi ang paalam niya sa ina at ayaw niyang nasisira sa pangako rito.

Nag-selfie muna uli sila nang nasa tapat na sila ng kanilang bahay at nakaangkas pa siya sa scooter nito. Nang makababa siya ng motorsiklo ay bahagya siyang pinisil ni Mik sa pisngi. Iyon lagi ang style nito ng pagpapakita ng fondness sa kanya. Isang gesture na nakasanayan na niya.

“Thank you, ha?” tinapik pa siya nito sa balikat. “Next time uli.”

“Next time ako naman ang manlilibre,” aniya rito.

Tumawa lang ang binata at umalis na. Naiwan siyang nakatanaw rito.

Kailan kaya darating ang time na bago ito umalis ay magki-kiss muna sa kanya?

Sinabunutan niya ang sarili at pumasok na siya sa kanilang bahay. Hayan ka na naman, sita niya sa sarili. Nagiging assuming again!

Pero ang naging pag-uusap nilang iyon ni Mik ay nagbigay nga sa kanya ng panibagong push. Habang nasa harap siya ng mga paninda niyang accessories ay gumagawa rin siya ng Manga characters sa maliliit na illustration board.

To her surprise, may mga bagets ngang bumibili!

 

END OF BOOK I

(To be continued...)