Skip to main content

Prinsesa Raketera (Part 11)

Nobela ni KC CORDERO

Book II

(Ika-11 labas)

DAHIL nalaman ng mga kapitbahay ni Princess na mahusay siyang magdrowing, kapag may assignment o project ang mga anak ng mga ito na kailangan ng illustration, sa kanya na nagpapagawa—may bayad siyempre.

At gaya ng payo ng babaing taga-call center, minsan ay nagbabad siya sa computer shop para maggawa ng kanyang online store. Sa tulong ni Mik, kinukunan nito ng pictures ang kanyang mga accessories at ini-upload niya ang mga iyon. Dahil sobrang bihira siyang makapag-online, inilagay na lang niya ang kanyang cellphone number para roon siya kontakin. Marami nga ang nag-o-order sa kanya.

Sinunod din niya ang payo ni Mik na mag-enroll sa Photoshop training center malapit sa kanila na sponsored ng kanilang city councilor. Doon ay mas nahasa ang kanyang art skills.

Ang isa pang maganda na nangyari sa kanya sa training na iyon, may mga nakakilala siyang kapwa trainees na hindi masyadong magagaling magdrowing pero may T-shirt printing business. Nang mapansin ng mga ito na mahusay siya, sa kanya na ipinagagawa ang design. At nang malaman ng mga ito na kabi-kabila ang raket niya, ang mga ito na rin ang nagbansag sa kanya ng “Prinsesa Reketera”—na siya rin namang tawag sa kanya sa lugar nila dahil sa dami na nga ng kanyang nakukuhang raket.

Kahit paano, pag sinusuma niya ang kanyang kinikita ay halos lampas minimum wage naman. Minsan ay kokonti ang benta, kung minsan naman ay bonggang-bongga. Hawak niya ang oras niya, at hindi siya natatrapik papauwi lalo na pag baha na gaya ng ibang otso oras ang trabaho.

Napabuntunghininga sa bahaging iyon ng kanyang tila pagbabalik-tanaw sa mga pinagdaanan at patuloy na pinagdadaanan sa buhay si Princess. Umiinom ng tubig matapos kumain, napatingin siya sa malalaking plastics bags na kinuha niya sa client kanina. Mga T-shirts iyon na gagawan niya ng design ng all-male singing group na “One Direction”. Naisip niya, kung may heat press na sana siya, ang machine na ginagamit sa pagtatatak ng T-shirt, mas malaki ang kikitain niya kaysa nagpapa-print pa siya sa iba. Mas malaki pa kasi ang napupuntang bayad sa printer kaysa sa kanya.

Isa iyon sa pinag-iipunan niya. May nakita na siya na medyo mura sa may Gilmore, pero may mga nagsabi sa kanya na sa Greenhills ay baka mas may mura pa.

Dinala niya sa kuwarto ang dalawang plastic bags para bilangin kung ilan ang T-shirt. Nabilang na nila iyon ng client niya kanina pero gusto pa rin niyang makatiyak. Nang matapos bilangin ay saka siya biglang may na-realize na muntik na niyang ikahimatay. Hinanap niya iyon sa bunton ng mga T-shirts.

Wala...

Sa kanyang backpack. Wala rin...

Nasabunutan ni Princess ang sarili.

Nawawala ang kanyang notebook na listahan niya ng mga orders at contact number ng kanyang clients!

Gusto niyang mapaiyak sa realization na santambak na problema ang kanyang kakaharapin ngayon. Dahil old model ang cellphone niya, hindi na kasya roon ang phone number ng iba niyang clients kaya inililista na lang niya. Plus ang mga singilin pa niya.

Kung kanina ay gusto pa lang niyang mapaiyak, ngayon ay nalaglag na ang mga luha niya.

“Ang notebook ko, saan na napunta?” ngawa niya na parang bata.

 

SUBAYBAYAN!