Skip to main content

Prinsesa Raketera (Part 12)

Nobela ni KC CORDERO

(Ika-12 labas)

WHAT an experience, natatawang bulong ni Smash sa sarili habang iginagarahe ang kanyang kotse. Akalain ba niyang mapagkamalan siyang taxi driver ng so pretty girl na iyon kanina?

Alam naman niya kanina pa na napagkamalan ng pretty girl na iyon na taxi ang kotse niya dahil sa entrance ng mall kung saan niya ibinaba ang Ate Tepai niya ang pinaka-taxi bay. Pero mukhang wala sa sarili ang sumakay sa kanya kanina. Basta na lang ikinarga ang mga dala-dalahan at sinabihan siya kung saan ang destinasyon nito. Buti na lang at on the way rin ang lugar nito sa address nila.

Kanina ay palihim niya itong minamasdan. Sa palagay niya ay nasa 5’ 7” ang height nito—na matangkad na para sa isang babae. Maputi, long straight hair, payat na sexy. Maliit ang mukha na may matangos na ilong. Magaganda ang mga kilay na halatang hindi binubunutan. Expressive ang mga mata na parang ang sa Hollywood model-actress na si Miranda Kerr.

Kung pagbabatayan niya ang pananamit nito, o ang #ootd (outfit of the day), mukhang ordinary family lang ang pinagmulan. Naisip niya, kung ito ang magsusuot ng branded na mga damit, maraming patataubing female young stars ang naging pasahero niya.

Napansin din niya na ang ginagamit nitong cellphone ay old model na nga, mukhang pinagdikit pa ng scotch tape ang housing—at kulay green pa ang backlight. Hindi niya alam pero para siyang naawa rito kanina. Nakakailang labas na ng pinaka-latest na version ng smartphone ang Apple at Samsung pero ang gamit nito ay kamag-anak pa rin ng Nokia 5110.

Pero hanga siya sa karakter nito na carry lang ang sarili at ang sitwasyon. At malakas din ang dating. Bukod doon ay mukhang may values dahil “binayaran” siya kahit hindi naman talaga taxi ang nasakyan nito.

Kinuha niya sa dashboard ang two hundred pesos na iniwan ng pretty girl kanina. Nang may mapansin si Smash sa may paanan sa passenger seat.

Notebook...

Biglang naalala niya na may pinagsusulatan nga pala na notebook ang prety girl kanina. Naiwan siguro sa pagmamadaling makatakas sa kanya—na hindi niya malaman kung dahil sa hiya o talagang natakot sa kanya. Dinampot niya ang notebook at isiningit doon ang two hundred pesos. Mamaya ay ii-scan niya ang pages ng notebook at baka may makita siyang clue kung paano maisosoli iyon sa kanyang “pasahero” kanina.

Bumaba na siya ng kotse matapos mai-park iyon. Napangiti siya nang masdan ang cover ng notebook na may picture ng sikat na love team ngayon. Fan girl pala ang pasahero niya kanina.

 

SUBAYBAYAN!