Prinsesa Raketera (Part 14)
Nobela ni KC CORDERO
(Ika-14 na labas)
SINIMULAN ni Smash na buklat-buklatin ang notebook ng pretty girl na naging “pasahero” niya. Nalaman niya na Princess ang pangalan nito batay sa mga doodles nito.
Talented. Iyon ang pumasok sa isip ni Smash. Kung sino man ang pretty girl named Princess na ito ay sobrang talented. At bumilib siya na sa edad nito ay nagnenegosyo na.
Itinupi niya ang notebook. Alam niya kung gaano kahalaga kay Princess ang notebook na ito. Kailangan niyang maisauli iyon sa dalaga as soon as possible.
Dala-dala niya hanggang sa kanyang kuwarto ang notebook at patuloy niyang iniisa-isa ang mga pahina. Sa bandang huli ay may nakadikit pang picture ng sikat na sikat na teen actor ngayon.
Napangiti si Smash at may kapilyuhang pumasok sa isip. Pinuntahan niya ang kanyang iMac at nag-print ng isa niyang picture. Idinikit niya iyon sa tapat ng picture ng male teen star.
“Para magkaalaman na kung sino ang mas guwapo!” bulalas niya at itinago na ang notebook.
**
KUNG may hashtag si Princess para sa sarili nang araw na iyon, ito ang gagamitin niya: “#angtangako!”. Kung bakit kasi nagbayad na nga siya ng two hundred pesos sa pekeng taxi driver na iyon, naiwan pa niya sa kotse nito ang kanyang notebook. Kanina pa masakit ang kanyang ulo sa kaiisip kung paano mapapabalik sa kanya iyon.
Ni hindi niya nakuha ang plate number ng kotse.
Iisa lang ang talagang naaalala niya—ang mukha ng super guwapo na driver. And she’s certain na hindi naman talaga driver ang kumag. Sa porma nito, pag-aari tiyak nito ang car.
“Ang notebook ko!” ngawa niyang muli.
Napasilip tuloy sa kuwarto niya si Patrick.
“Ano’ng problema mo, Ate? Kanina ka pa pumapadyak-padyak at ngumangawa. Masakit ang ngipin mo?” tanong nito.
“Nawawala ang notebook ko,” umiiyak na sambit niya. “Nakalista roon ang mga clients ko.” At lumakas ang pag-iyak niya.
Napa-“Nyeh!” si Patrick. “Patay!” pumasok ito sa kuwarto niya. “Wala ka bang ibang kopya?”
“Wala...” At lumakas pang lalo ang pag-iyak ni Princess.
“Tsk!” napailing ang kanyang bunsong kapatid. “Malaking problema nga, Ate.” Lumabas na ito ng silid niya.
Kahit maliit ang kanilang bahay ay may sarili siyang kuwarto. Si Patrick naman ay sa folding bed sa may kusina nila natutulog. Ang kanyang ina ay sa sofa na yari sa kawayan sa kanilang salas. Kung minsan, niyayaya niya ang ina na tumabi sa kanya.
Sinipa niya ng paa ang pinto ng kuwarto na naiwan ni Patrick na nakabukas. Doon niya ibinunton ang nararamdamang inis sa sarili.
Paano pa kaya mapapabalik sa kanya ang notebook niya?
Siya na rin ang sumagot sa sariling tanong na imposible nang mangyari iyon.
Idinaan na lang niya sa pag-iyak ang nararamdamang inis sa sarili.
Makalipas ang ilang sandali ay lumabas siya ng silid. Muling inayos ang mga T-shirt na kailangan niyang patatakan. Walang mangyayari kung patuloy siyang maiinis sa sitwasyon. Anyway, bayad na sa kanya itong raket niya ngayon kaya kailangang tapusin na. Kumuha siya ng ruler at sinukat ang isang T-shirt para sa disenyong gagawin niya. Kailangan pa niyang magpunta sa computer shop para gumawa ng design bago iyon dalhin sa kakilala niyang printer.
Nang matapos magsukat ay inilista niya sa isang pirasong papel ang dimensions. Kinuha niya ang kanyang flashdrive at malungkot na lumabas ng kanilang bahay.
Sa computer shop ay pilit niyang pinagana ang kanyang pagiging malikhain. Nag-focus siya sa ginagawang design. Palibhasa’y gusto niya ang ginagawa, saglit pa ay concentrated na siya at nakalimutan na ang kanyang nawawalang notebook.
SUBAYBAYAN!