Prinsesa Raketera (Part 15)
Nobela ni KC CORDERO
(Ika-15 labas)
SA computer shop ay ibinuhos ni Princess ang atensyon sa paggawa ng design at kinalimutan muna ang nawawalang notebook. Isang oras niya halos ginawa ang artwork. Nag-save siya ng file ng ginawa sa kanyang flash drive.
Bumalik siya sa kanila at kinuha ang mga T-shirts, at sakay ng pedicab ay dinala iyon sa suki niyang printer. One week ang ibinigay nitong tagal ng panahon para matapos ang pagpi-print dahil medyo marami rin daw tanggap—eksakto lang naman halos sa usapan nila ng kanyang client. Nagbigay siya ng down payment at umalis na.
Dahil wala na siyang dalang mabigat ay naglakad na lang siya pauwi lalo pa’t hindi na matingkad ang sikat ng araw at tila aambon pa. No worries naman siya sa mga gano’ng sitwasyon dahil siya ang klase ng babae na laging may dalang payong.
“Parang pasan mo ang daigdig sa style mo ng paglalakad, ah!”
Napalingon siya sa pinagmulan ng boses.
Si Mik.
Sa sobrang tahimik ng sccoter nito, o dahil nga sa lalim ng iniisip niya ay ni hindi niya namalayang kasunod na pala niya ito.
“Ang aga mong umuwi ngayon,” pilit ang ngiting bati niya rito.
“May lakad si Boss, pinauwi na lang kami. Halika, angkas ka na,” yaya nito sa kanya.
Sumakay siya sa may bandang likuran nito. Saglit pa, nasa tapat na sila ng kanilang bahay.
Pinuna siya ni Mik. “Ang lungkot mo talaga. Inaway ka ba ni Patrick?” tanong nito.
Pinilit niyang ngumiti. “Alam mo namang di ako puwedeng awayin noon, mawawalan siya ng baon. Saka takot sa akin ‘yon.”
“Nakagalitan ka ni Tita Zeny?” pag-uusisa pa rin ni Mik.
Natawa naman siya sa tanong nito at humalukipkip. “Hay, naku, Mik... alam mong mabait akong anak. Hindi ako makakagalitan ni Inay.”
“So, bakit ang lungkot mo?”
Sinabi niya rito ang tungkol sa nangyari kanina at ang problema niya sa nawawalang notebook. Hindi na nga lang niya binanggit na guwapo ang driver ng kotseng di naman niya nakuha ang plate number.
Napabuga sa hangin si Mik. “Major, major problem! Pero nakapagtataka naman na isinakay ka ng kumag na iyon ay hindi naman taxi ang dala niya. may sayad din, huh!”
Hindi siya kumibo. Matagal na napatingin sa kanya si Mik. Halatang awang-awa ito sa kanya. Maya-maya ay nag-start uli ito ng motor.
“Sakay ka uli,” yaya nito sa kanya.
“Bakit? Saan tayo pupunta?”
“Diyan lang sa may labasan. May masarap magluto ng banana cue roon, ililibre kita. Para naman sumaya ka.”
Muli siyang sumakay sa motor, at nag-wish na sana nga’y totoong kayang resolbahin ng isang stick ng banana cue ang lungkot na nararamdaman niya ngayon.
**
ILANG araw na mula nang mawala ang notebook ni Princess. Unti-unti ay nagte-text na sa kanya ang kanyang mga clients kaya little by little ay nare-retrieve na niya ang kanyang database. May iba na siyang notebook na ginagamit ngayon, pero hindi pa rin siya maka-move on sa pagkawala ng una.
Marami na kasi silang pinagsamahan ng notebook na iyon. Mula nang hindi na siya nakapag-aral, kasa-kasama na niya iyon. Parang best friend na ginagawa niyang shoulder to cry on at saka sounding board ng kanyang mga emosyon. Sa notebook niyang iyon nailalabas niya, sa pamamagitan ng art, ang kanyang mga kahinaan—at kabaliwan.
Maging si Aling Zeny ay nagpayo sa kanya na walang mangyayari sa buhay niya kung laging iisipin ang isang bagay na wala na. Nag-emote pa nga ito na kahit nga raw halos gusto na rin nitong mamatay nang ilibing ang namayapang mister ay nagpakatatag para sa kanila ni Patrick. Hindi raw maihahambing sa pagkawala ng isang kabiyak ang isang munting bagay.
Hindi na siya nag-argue sa ina na na-realize niyang may pagka-cheesy rin pala. Of course, may sentimental value lang naman kasi sa kanya ang nawalang notebook.
SUBAYBAYAN!