Skip to main content

Prinsesa Raketera (Part 16)

Nobela ni KC CORDERO

(Ika-16 na labas)

WALANG lakad nang araw na iyon si Princess. Pag ganito, nakapuwesto lang siya sa harap ng kanilang bahay at naggagawa ng beads habang nagtitinda. Pag tinamad na siya sa beads, drawing naman.

Napasarap siya sa pagdodrowing ng fan art ng isang female Manga character na ipinagagawa sa kanya ng kapitbahay na bagets nang may maramdaman siyang kakaiba.

Parang may nakatingin sa kanya...

Ewan ni Princess kung bakit biglang-bigla ay kinabahan siya! Lumakas ang pintig ng kanyang puso sa hindi niya malamang dahilan.

Itinigil niya ang ginagawa.

Tumunghay...

At napanganga siya sa image na nakita sa kabila ng kalyeng  sa tapat ng kanilang bahay.

Ang heartthrob na napagkalaman niyang taxi driver!

Ganoon pa rin ang porma nito. Naka-rubber shoes, T-shirt, walking shorts, nakalagay ang sunglass sa likod ng tainga pero may backpack ito ngayon. Kumaway ito sa kanya.

Nang tumawid ito sa kalye palapit sa kanya ay naramdaman ni Princess na nanginginig siya.

Saglit pa, nasa harapan na niya ito.

“Hi!” nakangiting bati nito na maging ang chinito eyes ay naka-smile.

At nang magtama ang kanilang mga mata, feeling ni Princess ay narinig niya ang linya sa isang old song na madalas niyang mapakinggan sa AM station kung saan laging naka-tune in si Aling Zeny: “My heart unfroze... and started going wild...”

“Hi!” ulit ng lalaki. Inilahad nito ang kamay na para bang nakikipagkamay sa kanya.

Na-compose ni Princess ang sarili sa kabila ng mixed feelings. Ang guwapo pala talaga ng kumag na ito. At parang ang bangu-bango!

Hindi niya tinanggap ang kamay nito.

Sa halip, nag-shift siya sa masungit-slash-suplada mode.

“Bakit po?” aniya sa mataas na tono.

Nagulat naman ang lalaki sa violent reaction niya. Nawala ang ngiti nito at biglang lumungkot. Drama king naman ang peg ngayon na parang si John Lloyd Cruz.

“Ah, e, may isosoli lang sana ako,” anito sa mahinang boses.

Lihim uling kinilig si Princess. Pati boses ay sexy! Buung-buo. Lalaking-lalaki. Macho.

Bagaman at alam na niyang ang ever precious notebook niya ang isosoli nito, nagpatuloy siya sa pagpapanggap na mataray—na mala-Marian Rivera naman ang peg.

“Wala akong ipinahiram sa ‘yo. Hindi kita kilala!”

Lalong lumungkot ang lalaki. Nasa mukha nito ang matinding pagtataka sa mga ikinikilos niya.

Kapagkuwa’y inalis nito sa pagkakasakbat sa likod ang dalang backpack. Binuksan iyon. Malungkot pa ring nakatitig sa kanya ang mga mata nitong kahit yata pinakamatigas na ice candy ay kayang tunawin.

“I’m sorry,” anito sa malungkot pa ring tinig. “I just came here para isoli ito. I guess this is yours...”

At voila, mula sa backpack nito ay inilabas ng lalaki ang mahiwaga niyang notebook!

Muntik nang napatili si Princess sa sobrang tuwa, pero nagawa pa rin niyang magpanggap. Nang iabot iyon sa kanya ng lalaki ay poker faced na tinanggap niya iyon at nagpakawala ng very cold na, “Salamat...”

Huminga nang malalim ang lalaki. “Nariyan din ‘yung two hundred pesos na iniwan mo sa dashboard.”

Muntik na naman siyang napatili. Mayaman na siya! Kayamanan para sa kanya ang mga ganoong halaga.

Very cold pa rin siya nang sumagot. “Salamat...”

Marahan na isinara ng lalaki ang backpack at isinakbit uli iyon sa likod. Tumingin sa kanya na para bang naghihintay na may sabihin siyang iba maliban sa walang buhay niyang salamat. Pero napanindigan na ni Princess ang naging disposisyon na mag-inarteng supladita.

 

SUBAYBAYAN!