Skip to main content

style="display:inline-block;width:468px;height:60px"
data-ad-client="ca-pub-9362195310998077"
data-ad-slot="5538685548">

Prinsesa Raketera (Part 19)

Nobela ni KC CORDERO

(Ika-19 na labas)

MULING tumunog ang cellphone ni Smash. Excited na tiningnan niya ang smartphone. Ang manager niya ang nag-text. May meeting sila. Urgent. Nag-reply siya na darating siya.

Huminga siya nang malalim. Well, trabaho muna bago ang lahat. Baka naman bukas ay makokontak niya ang nag-TY na sa palagay niya ay si Princess.

Makalipas naman ang ilang oras ay nag-full charge ang cellphone ni Princess. Sabik niyang ini-on iyon. Pero inabot siya ng hatinggabi ay wala namang reply ang number na na-text niya.

Naisip niya, baka naman hindi sa guwapong iyon ang number. Pero bakit nag-call naman kanina di nga lang niya nasagot?

Naisipan niyang i-text uli ito.

Madaling-araw na siya nakatulog sa paghihintay ng reply—na hindi naman dumating.

                                                           **

HINDI pa lubos ang tulog ni Smash pero kailangan na niyang bumangon. Late na siya nakauwi kagabi dahil sa party na ginanap sa kanilang talent management office pero hindi siya puwedeng magbabad sa kama. Ini-off niya ang alarm clock na tagagising niya sa umaga. Ayaw kasi ng kanyang mom na hindi sila sabay-sabay nag-aalmusal. Hindi na raw sila nagkakasalu-salo kung minsan sa lunch at dinner dahil may kanya-kanya na silang activities, pero sa umaga ay walang excuse para hindi sila magsabay-sabay mag-breakfast.

Lumabas siya ng kuwarto. Nagulat pa siya nang makita ang kanyang Kuya Wilmar na kasalo ng kanyang ama’t ina at Ate Tepai.

“Kuya!” excited niyang bati rito. “Kailan ka pa dumating?”

Tumayo ito at bahagya silang nagyakap. Naupo siya sa silyang laan para sa kanya.

“Naka-dock lang kami sa Subic. May maintenance check ang barko kaya bumaba muna ako,” anito.

“Akala ko pa naman ay talagang nagbalikbayan ka na. E, di wala kang pasalubong sa akin niyan?” tumawa siya.

“Meron din namang konti,” tumawa rin ang kanyang kuya. “Rubber shoes saka hangin.”

“Hangin?” tinapunan niya ito ng quizzical look.

“Apple na may hangin,” lumakas ang tawa nito.

Namilog ang mga mata ni Smash. Alam na niya ang ibig sabihin nito. Nangako kasi ito ng iPad Air sa kanya bago sumakay ng barko. “Cool. Ilang gig, Kuya?”

“And’yan sa box, ikaw na lang ang tumingin mamaya.”

Tinapik niya ang kapatid sa balikat. “Thanks, Kuya. Ikaw talaga ang paborito kong kuya.”

“As if naman may iba kang kuya,” ang Ate Tepai niya.

“Malay natin...” singit ng mom niya. “Baka pilyo ang dad ninyo noong kabataan namin at may iba palang naanakan.”

“Meron ba, Dad?” tanong ni Smash sa ama.

“So far ay wala pa namang nagpapakilala,” kaswal na sagot ng kanyang ama.

Napuno ng tawanan ang kanilang kusina.

Ganoon ang kanilang pamilya kasaya.

“Itong si Smash ang tiyak na maraming mabubuntis,” ang Ate Tepai niya. “E, laging madaling-araw na kung umuwi.”

“Inumaga lang sa pag-uwi nambubuntis na,” kunwa’y sinakal niya ang kapatid. “Hindi ba puwedeng nagtatrabaho lang?”

“Oy, Smash,” kanyang mom. “Bago ka mambuntis ay tiyakin mong may income ka na. Okey lang sa aking mag-alaga ng mga apo pero ayokong ako pa ang bibili ng gatas. Ang mahal na!”

“E, di kay Ate Tepai ako hihingi ng panggatas,” biro niya sa ate at inilapit ang mukha rito.

“Hay, naku... mambuntis ka ng malalaki ang boobs para walang problema sa gatas!” reaksyon naman nito.

Muli silang nagkatawanan.

 

SUBAYBAYAN!