Prinsesa Raketera (Part 20)
Nobela ni KC CORDERO
(Ika-20 labas)
MATAPOS ang joke time ay naghuntahan na sina Smash at ang buong pamilya sa mga naging experience ni Wilmar. Lumarga na rin si Tepai para sa klase nito.
Nang magpaalam na ang Kuya Wilmar niya ay sabik niyang isinukat ang sapatos. Excited din siya sa kanyang bagong gadget. Agad niyang nai-synchronize ang iPad Air sa kanyang iMac.
Saka pa lang niya nahawakan ang kanyang smartphone. Nakita niyang may panibagong message uli sa number na natanggap niya kagabi. Tiningnan niya ang oras na dumating ang message. Iyon ‘yung nasa kasarapan na sila sa gimik kagabi.
Anang mensahe: “Sabi ko thank you, ha? :)”
Hindi na muna siya nag-reply o tumawag. May plano siyang binuo sa isip.
Nang makaalis ang kanyang ama’t ina ay nagbalik siya sa pagtulog. Nag-set siya sa alarm clock kung anong oras siya dapat magising.
Nang magising si Smash ay feeling recharged na siya. Agad siyang nag-quick shower at nagbihis. Tiningnan niya ang sarili sa salamin kung pogi na. Nasiyahan naman siya sa nakita dahil hindi na siya mukhang haggard.
Saglit pa, sakay na siya sa kanyang kotse. Dumaan muna siya sa isang malaking bookstore at may mga binili bago siya tumungo sa lugar nina Princess.
Sa tabi uli ng barangay hall siya nag-park. Nakita niyang naglalakad papalapit sa kanya ang barangay tanod na nanghingi sa kanya ng bayad bago itinuro ang bahay nina Princess noong isang araw. Ang lapad ng ngiti nito nang matiyak na siya nga ang sakay ng kotse.
“O, boss...” anito at tinulungan siyang magbukas ng pinto ng kotse, “napasyal ka uli. Dadalaw ka kay Princess?”
Gusto sana niyang sabihin dito na wala itong paki pero atas ng kagandahang asal ay kailangan niyang maging nice dito kahit paano. “May ibibigay lang ako sa kanya, Manong,” aniya.
“Babantayan ko na itong kotse mo,” pag-o-offer ng tanod. “Maraming nanggagasgas dito saka nagnanakaw ng salamin.”
Inabutan niya ito ng singkuwenta pesos. Ang tamis lalo ng ngiti nito sa kanya. “Okey na, boss. Ako na ang bahala rito.”
Iniwan na niya ito at naglakad patungo kina Princess.
Malapit-lapit na siya sa bahay ng dalaga nang matigilan siya.
May kausap si Princess.
Nagtago siya sa isang bulok na sasakyan na naka-park sa kalsada. Saglit niyang pinanood ang pag-uusap ng dalawa. May hitsura ang binatang kausap ni Princess na nakaupo sa motorsiklo na mukhang ito rin ang may-ari. Masaya ang pag-uusap ng dalawa, at sa puwesto niya ay obvious na nagtatawanan ang mga ito. Maya-maya ay kinurot ng lalaki ang pisngi ni Princess saka umalis.
Ewan ni Smash pero pakiramdam niya ay parang kinurot din ang puso niya sa eksenang iyon.
Nang wala na ang lalaki ay nawalan naman siya ng lakas ng loob na agad lumapit. Baka mahalata ni Princess na nakita niya ang sitwasyon. Minasdan muna niya ito sa puwesto nito.
Maya-maya ay inayos na nito ang mesang pinagpupuwestuhan ng mga accessories. Ipinasok sa loob. Nagtalo ang kalooban ni Smash kung lalapit na sa bahay o hindi pa.
Bago siya nakapagdesisyon ay nakita niyang lumabas si Princess at naglakad papalayo. Sinundan niya ito ng tingin hanggang sa lumampas ito sa pinagtataguan niyang bulok na sasakyan.
Nang sa palagay niya ay hindi na siya nito mapapansin ay sinundan niya ito.
END OF BOOK II
(To be continued...)