Prinsesa Raketera (Part 21)
Nobela ni KC CORDERO
Book III
(Ika-21 labas)
NANG sa palagay ni Smash ay hindi na siya mapapansin ni Princess ay sinundan niya ito. Nakarating ang dalaga sa may sakayan ng pedicab. Sumakay sa nasa unahan ng pila.
Mabilis ang naging desisyon ni Smash. Nang lumalarga na ang pedicab na sinasakyan ni Princess ay sumakay rin siya sa isa pang nakapila.
“Saan tayo, manong?” tanong sa kanya ng padyak boy.
“Sundan mo ‘yung kaaalis lang na pedicab,” utos niya rito.
Pumadyak naman agad ito.
Medyo malayu-layo ang destinasyon ni Princess. Nakita niyang bumaba ito sa isang parang art shop. Malayo pa roon ay nagpara na siya.
“Magkano?” tanong niya rito.
“Treinta, boss,” kumamot sa ulo ang mukhang masayahing padyak boy. “Pero bigyan mo naman ako ng tip, boss. Ang bigat mo, eh! Ang laki mo. Para kang basketball player.”
Biniro niya ito. “Ang gaan ko nga, eh. Para tayong lumilipad sa bilis kanina.”
“Hindi, boss, ha? Lawit nga ang dila ko sa bigat mo.”
Inabutan niya ito ng fifty pesos, na mukhang lalong nagpasaya rito.
Nang makababa siya ng pedicab ay naghintay siya malayo ng ilang metro mula sa shop. Hindi na siya papasok sa loob. Hihintayin na lang niyang lumabas si Princess.
Punung-puno ng excitement ang dibdib niya habang naghihintay sa paglabas nito.
Ano kaya ang magiging reaction nito pag nakita siyang muli? Sana naman ay hindi na siya pagsungitan. Pero kung ganitong nag-text na ito sa kanya—and almost certain naman siya na ito nga ang nag-text sa kanya—siguro naman ay mas maganda ang magiging resulta ng paghaharap nila ngayon.
Makalipas ang halos twenty minutes ay nakita niyang lumabas si Princess. May dala-dala itong dalawang malalaking plastic bags. Natandaan niyang iyon din ang dala-dala nito nang mapagkamalan siya nitong taxi ang dala niyang kotse.
Hirap na hirap ang dalaga sa pagbibitbit ng mga dala-dalahan. Atas ng pagiging gentleman, mabilis niya itong sinalubong.
“Tutulungan na kita,” aniya at agad kinuha sa mga kamay nito ang mga dala-dalahan.
Naibuka ni Princess ang bibig pero hindi na ito nakapagsalita—lalo na nang ma-recognize kung sino si Smash.
Hawak na ni Smash ang dalawang plastic bags nang magtanong siya kay Princess. “Saan mo dadalhin ito?”
Parang wala pa rin sa sarili ang dalaga nang sumagot. “S-sa client ko. Ide-deliver ko na.”
Mabilis ang naging desisyon ni Smash. “Ihahatid na kita kung saan man ‘yun.” Pumara ang binata ng nagdaraang pedicab—na nagkataong ang nasakyan din niya kanina. Lalong kumislap ang masayahing mukha ng padyak boy nang makitang ang nagpara ay ang galanteng pasahero nito kanina.
Inalalayan ni Smash sa pagsakay si Princess—na lihim na ikinakilig ng dalaga, lalo pa at napakaingat ng pagkakahawak ng binata sa braso nito.
Sa loob ng pedicab ay kinalong ni Smash ang dalawang plastic bags.
“A-ako na...” nahihiyang bahagyang hinila ni Princess ang mga plastic bags.
Lalo namang kinipkip iyon ng binata. “Ako na lang. mabigat. Baka mapisa ka.”
Sumilip sa kanila ang padyak boy. “Saan tayo, sir?”
“Sa barangay hall,” ani Smash.
Tumingin sa kanya si Princess, nagtataka.
“Naka-park doon ang kotse ko,” paliwanag niya rito. “Ihahatid na kita sa client mo para di ka mahirapan.”
“Naku, nakakahiya!” alam ni Princess na namula ang kanyang pisngi. Totoo sa loob niya ang hiyang naramdaman.
SUBAYBAYAN!