Prinsesa Raketera (Part 22)
Nobela ni KC CORDERO
(ika-22 labas)
TUMINGIN kay Princess si Smash. Nagsalubong ang kanilang mga mata. Ngumiti ang binata. “Hayaan mo nang ihatid kita. Maliit na bagay lang ito.”
Lumakas ang tibok ng puso ni Princess. Sa pagtatama na iyon ng kanilang mga mata ay may isang bagay na nai-betray ang kanyang damdamin sa kanyang sarili bilang babae.
Unti-unting binibihag ng lalaking ito ang kanyang puso!
Nahihiya pa ring nagyuko na lang siya ng ulo.
Pagdating sa may barangay hall ay naunang bumaba si Smash at muling inalalayan si Princess sa pagbaba. Inabutan niya ng fifty pesos ang padyak boy, na hindi na nagprotesta. Binuksan niya ang passenger seat at inalalayang sumakay si Princess, bago niya binuksan ang pinto sa likod at inilagay sa upuan ang mga plastic bags. Piangbuksan naman siya ng barangay tanod ng pinto ng driver’s seat pagkatapos ay pilyong bumulong sa kanya.
“Boss, mukhang napana mo na ang puso ng prinsesa ng barangay namin, ah. Hindi ‘yan basta-basta nalalapitan ng mga lalaki rito. Suplada ‘yan.”
Hindi na niya pinansin ito at sumakay na siya. Nagmaniobra. Nang tatahakin na nila ang main road, nagtanong siya kay Princess. Nilingon niya ito.
“Saan ang place ng client mo?”
Huminga nang malalim si Princess. “Sure ka ba sa gagawin mo?”
“Kaya nga magkasama na tayo, di ba?” ngumiti si Smash. “One hundred percent sure ako na ihahatid kita.”
“Hindi ako nagpapasama o nagpapahatid sa isang stranger.”
Ngumiti si Smash. Inilahad ang kamay sa dalaga. “I’m Smash.” Inulit nito ang pagsasabi ng pangalan kasama na ang apelyido.
Matagal na tinitigan ni Princess ang kamay ng binata bago tinanggap iyon. “Princess...” mahinang sambit niya.
“Family name?”
Sinabi niya kung ano.
“We’re not strangers anymore, Princess,” tumawa si Smash. “So, saan tayo?”
Napa-“Whoa!” nang mahina sa sarili si Princess bago sinabi ang lokasyon. Palihim niyang pinaypayan ng mga daliri ang mukha. Para siyang naaalinsangan na hindi mawari. Panay ang buga niya ng hangin.
Binuksan ni Smash ang car stereo at nagpatugtog ng playlist ni Taylor Swift. Wala silang kibuan habang patungo sa mall kung saan ime-meet ni Princess ang client. Paminsan-minsan ay mahinang sumasabay ang dalaga sa pagkanta ni Taylor—na ikinangingiti ni Smash dahil maganda rin pala ang boses nito.
Saglit pa, nasa meeting place na sila.
Sa harap iyon ng isang malaking bookstore. Isang thirty-something na babae ang client ni Princess. Binilang nito ang mga T-shirt at tiningnan ang quality ng print. Nang matiyak nito na kumpleto at maganda ang pagkakagawa ay nagbayad na ito sa dalaga.
Nang makaalis ang client ay saka parang nailang si Princess kay Smash. Hindi siya makatingin dito. Marahan silang naglalakad sa mall nang walang direksyon. Napansin niyang madalas ay may tumitingin dito na mga babae na nakakasalubong nila. Ewan pero nakakaramdam siya ng inis sa mga babaeng iyon. “Makoklondi!” bulong niya sa sarili.
“May ime-meet ka pa?” maya-maya ay tanong ni Smash nang mapansing walang direksyon ang kanilang paglalakad.
“W-wala na...” nahihiyang sagot niya. Hindi kasi malaman ni Princess kung paano magpapaalam sa binata na uuwi na siya at salamat sa abala.
“Magkape muna tayo,” yaya sa kanya ni Smash.
Na-tense na naman si Princess.
SUBAYBAYAN!