Skip to main content

Prinsesa Raketera (Part 23)

Nobela ni KC CORDERO

(Ika-23 labas)

BAGO pa nakatanggi si Princess sa yaya ni Smash na magkape muna sila ay masuyo na siyang hinawakan nito sa braso at hinila papasok sa nadaanan nilang sikat na coffee shop. Medyo matao sa loob pero may mga bakante pa naman. Nakakita ang binata ng mauupuan nila at pumuwesto muna sila roon. Inalalayan din siya nito sa pag-upo na inayos muna ang silya.

Naupo si Smash sa harap niya. “Hot or cold?” tanong nito sa kanya.

Hindi siya sanay sa lugar na iyon. First time niya at nakakaramdam ng konting pagkailang si Princess. Noon ay naiisip din niya kung ano kaya ang lasa ng timpla ng kape sa lugar na ito. Hindi niya akalaing isang bagong kakilala ang magbibigay sa kanya ng unang experience sa coffee shop na ito.

“Ako ang magbabayad, ha?” offer niya kay Smash. “Kanina ka pa nagmamagandang loob.”

Ikinumpas ni Smash ang kamay. “Wala ‘yun. O, ano... hot coffee or cold?”

“Malamig na lang,” aniya. “’Yung mura lang, ha?”

Tumayo na si Smash para mag-order. Sinundan niya ito ng tingin. May ilan pang sinusundan ito sa pag-order. Maya’t maya ay sumusulyap sa kanya. Ngumingiti.

Bumulong si Princess sa hangin. “Huwag ka na ngang ngumiti. Kanina pa ako nate-tense sa ‘yo!”

Sandali pa at nagbalik na ito sa puwesto nila dala ang dalawang tasa ng iced coffee. Iniabot nito sa kanya ang isa na mukhang sosyal ang preparasyon.

“Bestseller nila ito, tikman mo,” anito sabay abot sa kanya ng straw.

Kinuha niya ang resibo at tiningnan. Muntik nang manlaki ang mga mata niya sa nakitang presyo. Kinuha niya ang wallet at binuksan iyon. Naglabas siya ng five hundred peso bill na kasama sa ibinayad ng client niya kanina. Iniabot niya kay Smash ang pera.

“Kunin mo na ito,” nahihiyang sambit niya. “Kanina pa ako maraming atraso sa iyo. Ako na lang ang magbabayad nitong mga iinumin natin.”

Kumilos ang mga kamay ni Smash. Akala niya ay kukunin nga nito ang pera pero sa halip ay hinawakan siya sa kamay at ibinalik sa palad niya ang pera. Gamit ang mga kamay nito ay isinarado ni Smash ang kanyang kamay na may hawak sa five hundred pesos.

“Itago mo nga ‘yan,” anito sa mahinang tinig. “Pag kumakain ang babae at lalaki sa labas, laging ang guy dapat ang magbayad.”

Kinilig siya sa pagiging galante nito. Pero na-tense naman siya sa pagkakahawak nito sa kamay niya. At napansin niyang ang laki-laki pala ng kamay nito, sakop na sakop ang kamay niya.

Nahihiyang hinila niya ang kamay. “Sige na nga, bahala ka na. Mukha ka namang mayaman.”

“Mayaman sa utang,” tumawa si Smash. “Hey, inom na muna tayo.”

Nauna na itong sumipsip sa kape nito. Nagtusok na rin siya ng straw sa cup niya at sumimsim ng kape. Nang maramdaman niya sa kanyang taste bud iyon, gustong mapapikit ni Princess. Ang sarap! Pinakamasarap na kape na natikman niya sa buong buhay niya. Kaya naman pala napakamahal.

Maya-maya ay may naalala si Princess. “Bakit Smash ang pangalan mo? Nakakatakot naman. Parang sa MMA fighter.”

Ang lakas ng tawa ni Smash. “Ismael ang real name ko,” at muling sinabi nito ang apelyido—na tinandaan na ni Princess sa isip. “May pinsan kasi akong kala-kalaro noong mga bata pa kami na bulol, di niya ma-pronounce nang tama ang Ismael. ‘Ismas’ ang tawag niya sa akin na naging Smash na nga para mas cool. Ito na rin ‘yung naging nickname ko.”

“Maganda naman, e,” komento niya. “Kakaiba.”

 

SUBAYBAYAN!