Skip to main content

Prinsesa Raketera (Part 24)

Nobela ni KC CORDERO

(Ika-24 na labas)

TUMINGIN kay Princess si Smash. Nang magsalubong ang mga mata nila, pakiramdam ng dalaga ay mas una pa siyang matutunaw kaysa sa giniling na yelo sa kanyang kape. For some fleeting moments ay parang kung saan siya gustong dalhin ng sitwasyon dahil sa titig na iyon ng binata.

Buti na lang at nagtanong na ito. “Solo ka lang ba?”

“Na anak?” ganting tanong niya.

“Oo...”

“May isa pa akong kapatid, lalaki at mas bata sa akin. Fourth year high school na.”

“Saan ka nagka-college?” ungkat ni Smash.

Malungkot ang naging ngiti ni Princess. “Stop muna.”

Natigilan si Smash. “Sayang naman. Bakit di ka na nagpatuloy?”

Yumuko si Princess. “Kailangan ko na kasing tumulong kay Inay. Wala na akong ama.”

“Nasaan na ang father mo?”

“Patay na. N-nasaksak siya habang nagtitinda ng taho...” Pagkaalala ni Princess sa ama ay agad tumulo ang kanyang luha. Naibaba niya sa mesa ang hawak na cup ng kape. Hindi niya napigilan ang tuluyang mapaiyak.

“Sorry to hear that,” nag-aalalang sambit ni Smash at inabutan ang dalaga ng tissue.

Pinahid ni Princess ang luha at pinilit ngumiti. “Okey lang. Di ko lang talaga mapigilan na umiyak pag naaalala ko ang Itay. Iyon din kasi ang dahilan kaya na-stop akong mag-aral at rumaket muna kasi wala rin namang regular work si Inay.”

Pinisil siya ni Smash sa kamay. “Huwag na muna tayong mag-usap ng sad stories, masarap ang kape. Inumin na lang natin para tumaas ang ating energy.”

Tumawa siya. Nagustuhan niya ang ginawa nitong pag-segue mula sa emotional situation.

“’Yung kid brother mo, nag-aaral?” maya-maya ay usisa ng binata.

“Oo. Di ba sabi ko nasa fourth year high school na siya? Ako na ang nagpapaaral sa kanya.”

“Ang bait-bait na ate...”

Tumawa si Princess. “Hindi ako mabait, maldita nga ako, e! Kailangan ko lang siyang pag-aralin para may mangyari naman sa buhay namin. Saka pag tumambay lang siya baka maging adik pa. Kaya nga kahit mahirap itong mga raket ko, tiyagaan na lang. Hinihigpitan ko siya sa pangaral. Pero mabait naman ang kapatid ko, nauunawaan niya ang buhay namin.”

“Good. Bihira ang ate na mabait. ‘Yung ate ko super bait din. Minsan ipakikilala kita sa kanya.”

Gustong manlaki ng mga mata ni Princess.

Ipakikilala siya ni Smash sa ate nito?

Bakit?

Anong meron?

Pinalampas na lang niya ang sinabi ni Smash.

Siya naman ang nagtanong dito. “Saan ka nagka-college?”

“Graduate na ako...”

“Ha? Ilang taon ka na ba?” gulat niyang reaksyon.

“Twenty-two na ako. Medyo maaga lang nag-aral.”

“Ano’ng tinapos mo?”

“Business. Actually ay accounting graduate ako.”

“Ang galing mo naman,” puri niya rito.

“Pasang-awa lang ako sa college,” tumawa si Smash. “Anyway, kung nag-college ka, ano sana’ng course ang kukunin mo?”

“Fine arts,” walang gatol niyang sagot.

“Sabagay, nakita ko ‘yung notebook mo ang gaganda ng doodles,” ani Smash.

Pa-cute na pinandilatan niya ito. “Pinakialaman mo ang notebook ko, ano?”

“Hindi. Medyo nag-scan lang ako ng pages to look for info kung paano ko isosoli sa ‘yo.” Biglang naging mischievous ang ngiti ni Smash. Para itong bata na nahuling nang-uumit ng candy.

Hindi niya inaalis ang pa-cute na pandidilat dito. “Talaga? Gano’n lang ang ginawa mo?”

“Promise.”

“E, ano ‘yung nakita ko na nakadikit na picture mo?”

Ang lakas ng naging tawa ni Smash. Tawang hindi matapus-tapos kaya naman napapatingin na sa kanila ang ibang nasa coffee shop.

Hawak ng binata ang tiyan nang piliting huminto sa pagtawa. “Sorry. Nakatuwaan ko lang.” Muli itong impit na tumawa.

 

SUBAYBAYAN!