Prinsesa Raketera (Part 26)
Nobela ni KC CORDERO
(ka-26 na labas)
GANOON na lang ang gulat ni Princess nang makita ang laman ng plastic bag na bigay sa kanya ni Smash. Nanlaki ang kanyang mga mata at napanganga siya. Mga art books on how to draw Manga characters. Ilang piraso iyon. Sketch pads. High-grade drawing pencils. Art pens. Drawing ink and brushes. Iba’t ibang water colors. Erasers. Sharpeners. Kaya pala ang bigat!
Dahil alam niya ang klase ng mga art materials, alam niyang mamahalin ang mga iyon. Pinunit na ni Smash ang mga nakadikit na tag price sa bawat item.
Napaupo siya sa kama. Nakagat niya ang mga kuko sa daliri. Noon pa niya gustong bumili ng mga art supplies na tulad nito pero ayaw niyang mabawasan ang kanyang pera dahil baka mangailangan ng kung ano sa school si Patrick. Ngayon, because of Smash, para na tuloy siyang may art studio sa dami ng gamit.
Nag-teary-eyed si Princess. Dinampot niya ang kanyang cellphone at nag-text kay Smash. Ang message niya rito: “Ang dami nito. Baka maubos ang allowance mo. Dyahi pero super, super thank you!”
Agad nag-reply si Smash. Walang mensahe kundi smiley lang.
Nag-send din siya rito ng smiley.
Hindi na ito nag-reply.
Nagsimula siyang magbasa ng isang Manga art book. Marami agad siyang natutunan palibhasa’y medyo may alam na rin siya tungkol sa nasabing art, pero napaka-helpful ng mga nababasa niyang techniques sa librong hawak ngayon. Kumuha siya ng papel at nagsimulang magpraktis batay sa mga nababasa niya. Natuwa siya sa nagiging resulta lalo pa at high quality ang papel at iba pang materials na galing kay Smash.
Huminto lang siya sa pagdodrowing nang dumating ang kanyang ina. Ikinuwento niya rito na nasingil na niya ang kabuuang bayad sa inihatid niyang T-shirt kanina, pero hindi siya nagbanggit ng tungkol kay Smash.
“Gusto ko sana ay makabili tayo ng TV kahit secondhand,” ang kanyang ina. “Matagal na akong walang alam sa mga teleserye at balitang artista.”
“Sige po, bili tayo,” aniya. Tutal ay may naitatabi na rin naman siya na kaunting pera.
“Hati tayo,” suhestyon ng kanyang ina. “‘Yung mga tip na nakukuha ko sa mga matrona ay itinatago ko. Dagdagan mo na lang.” Mula sa wallet ay iniabot nito sa kanya ang pera. “Sana ngayong linggong ito ay makabili ka na.”
“Sa Sabado, Inay. Tamang-tama, wala akong training sa Photoshop dahil birthday ng aming instructor.”
Lumabas ang kanyang ina para bumili ng banana cue. Nang magbalik ito ay masaya silang nagmeryenda.
Nang makakain ay nagbalik na siya sa kanyang kuwarto. Minasdan niya ang sarili sa salamin. Kung anu-anong anggulo niya sinilip ang mukha. Kahit siya ay napansin niya na iba ang aura niya ngayon. Pati ngipin ay sinilip niya kung mapuputi. Pagtingin niya sa sarili nang mata sa mata ay siya mismo ang nagtanong sa kanyang repleksyon: “At kailan ka pa natutong magmaganda? Ngayon lang ba dahil inlababu ka? Ang landi-landi mo ngayon, Princess!”
Humahagikhik na ibinato niya ang sarili sa kama.
At habang nakatitig muli sa bubong, alam ni Princess na simula na ito ng mga araw na kahit para siyang biik na madaling makatulog kahit anong oras basta nakalapat ang likod sa higaan, malamig man o mainit ang panahon, hindi na siya magiging antukin. Magsisimula na siyang mangarap nang gising dahil sa isang lalaking gumugulo ngayon sa kanyang puso at isip.
Si Smash...
SUBAYBAYAN!