Prinsesa Raketera (Part 27)
Nobela ni KC CORDERO
(Ika-27 labas)
ARAW ng Sabado. Gaya nang napag-usapan nila ng kanyang ina ay maagang kumilos si Princess para bumili ng secondhand na TV set. Gustong sumama ni Patrick pero pinatao na lang niya ito sa kanyang mga tindang accessories.
“Dito ka na lang at baka may bibili niyang paninda ko, sayang din. Saka malakas kang kumain, baka magutom ka, e, maubos mo ang pambili ng TV,” biro niya rito.
“E, kailan mo ako bibilhan ng cellphone?” maktol nito sa kanya.
“Pag graduate mo sa high school.”
“Nye, ang tagal pa!”
“Para hindi ka ma-distract sa pag-aaral mo. Hayaan mo, pinag-iipunan ko na ‘yun. Ang gusto ko, ang mabibili ko para sa ‘yo ay magagamit mo na rin sa school.”
Hindi na rin naman nagpumilit ang kapatid niya. Naglalakad na siya patungong sakayan ng dyip nang tumunog ang cellphone niya.
Si Smash. Mensahe nito: “Punta ako sa inyo.”
Nag-reply siya rito na may bibilhin siya at paalis na.
Ang text back nito: “Lapit na ako. Wait mo ako sa may vulcanizing.”
Naiiling na napangiti siya. Okey rin namang mag-text. Malapit na saka pa nagpaalam na pupuntahan siya. Nag-reply siya rito ng “OK” at dumiretso na siya sa may vulcanizing shop kung saan siya ibinaba nito noon.
Sasandali pa lang siya sa paghihintay ay dumating na si Smash dala ang kotse. Binuksan nito ang pinto. “Halika na,” yaya nito sa kanya.
Pagkasakay niya ay ito ang humatak sa pinto para isara. Ang mukha nito ay halos napadikit sa mukha niya. Napapikit siya nang muling malanghap ang pabango nito.
“Buti bago ka nakaalis ay nakapag-text ako kung hindi baka di kita inabutan. Ano’ng bibilhin mo?” anito na medyo hininaan ang stereo pero nilakasan ang air-con.
“Secondhand na TV,” aniya. “Sa Raon.”
“Secondhand...” bahagya itong nag-isip. “Bakit hindi brand new?”
“Mahal, eh.”
“Mura na ang brand new. ‘Yung hindi pa LCD ba ang bibilhin mo?”
“Oo. Kahit 14 inches lang.”
“Huwag na sa Raon,” ani Smash. “Doon tayo tumingin sa bodega ng mga appliances na alam ko. Mura roon ang brand new. Pangit ang secondhand, sirain na nga tapos wala pang warranty. Sayang lang ang pera mo.”
“E, baka nga kapos ang budget ko,” nag-aalala niyang katwiran.
“Trust me. Ang presyo sa alam kong outlet ay sobrang mura. Tiyak na makakabili ka.”
Sinabi niya rito ang agam-agam. “Baka mamaya ikaw ang magbayad, ayoko, ha? Hiyang-hiya na ako sa ‘yo, alam mo ba? Hindi na uli ako sasama sa ‘yo pag gano’n.”
Ngumiti si Smash. “Basta sasamahan kita, and you’ll get the unit you want at a very, very low price.”
“Basta ayokong ikaw ang magbabayad o magdadagdag pag di sapat ang pera ko,” giit niya. “Pag ganoon din lang ang plano mo, hindi ako bibili.”
“Opo, mahal na prinsesa...”
Hindi na siya nag-react kahit kinilig siya sa sinambit nito.
Saglit pa at nasa isang warehouse na sila ng mga electronic appliances. Napakalaki ng building. Sa gilid niyon ay may mga kainan din. Nag-park sa medyo malilim na bahagi sa labas ng establishment si Smash.
“Magmeryenda muna kaya tayo?” alok nito sa kanya.
“Busog pa ako,” tanggi niya. “Saka kailangan ko agad makabalik sa bahay. Excited na si Inay.”
Naglakad sila papasok sa loob. Nakakalula sa laki ang kabuuan ng warehouse na para ring mall ang kayarian, puro nga lang appliances and furniture ang nakatinda.
SUBAYBAYAN!