Prinsesa Raketera (Part 28)
Nobela ni KC CORDERO
(Ika-28 labas)
HALOS malula si Princess sa laki ng kabuuan ng warehouse na para ring mall ang kayarian, puro nga lang appliances and furniture ang nakatinda. Naglakad-lakad sila ni Smash. Namamangha siya sa ganda ng mga paninda.
Nagtanong si Smash sa guard kung saan ang mga TV sets. Nang makita nila, agad tiningnan ni Princess ang mga tag price.
Totoo ang sinabi ni Smash. Mura lang nga ang presyo at kasya ang perang dala niya.
“Ito siguro ang kunin mo,” itinuro ng binata ang isang unit. “Flat na ang screen, hindi masakit sa mata. Kasya na ba sa budget mo?”
“Puwede na. Sige...”
Tinawag ni Smash ang salesclerk. Nagtanong ng tungkol sa features ng TV. Kapagkuwa’y nagpa-demo ito para raw malaman nila kung paano i-operate.
“One year warranty, di ba?” tanong dito ni Smash.
“Opo. Basta huwag lang masisira ‘yung mga warranty seal sa likod, huwag ipagagalaw sa ibang technician at huwag mababagsak. Ingatan lang din po ang resibo,” sagot nito.
Tumingin sa kanya si Smash. “Kukunin na natin?”
Puno siya ng excitement nang sumagot. Natutuwa siya para sa ina na sobrang hilig sa TV. “Okey na ako sa unit na iyan. Maganda naman.”
“Magpapakabit ba kayo ng cable?”
Umiling siya. “Local channels lang naman ang panonoorin ni Inay.”
Itinuro ni Smash ang isang gadget na produkto ng isang TV network sa salesclerk. Iyon ang pangsagap ng mga channels. Ang mahiwagang black box kung tawagin. “Isama mo na ‘yun, ha?” Bumulong naman ito sa kanya. “Mura lang naman itong black box, ako na ang magbabayad. Mahirap sumagap ng signal pag walang ganitong gadget na ikakabit sa TV.”
Nagkibit-balikat na lang si Princess. Unti-unti niyang nakikilala si Smash. Masyado itong generous. Iniisip niya, ganito rin kaya ito sa ibang tao. Sa ibang dalaga?
Napatigil ang pagmumuni-muni niya nang dumating ang unit na kinuha ng salesclerk sa bodega. Tinesting. Siya ang nagpipindot ng remote. Emotional siya nang mga sandaling iyon. Bukod sa edukasyon ni Patrick at sa mga pagkaing naihahatid niya sa kanilang mesa, sa pamamagitan ng kanyang raket ay nakakatulong na siya sa ina sa pagbili ng tulad nito na hindi naman masasabing luho kundi kailangan din naman bilang reward sa kanilang sarili sa mga pagpapagod na ginagawa nila. Sabi nga, hindi rin naman maganda na puro trabaho lang at di na maglilibang.
Nag-thumb’s up siya kay Smash para ipaalam dito na okey ang unit. Gayunpaman ay sinilip-silip pa rin iyon ng binata. Baka raw may lines ang screen, may crack ang body, etc. Binayaran na rin nila pagkatapos. Saglit pa, karga na nila iyon sa kotse ng binata.
Iniisip ni Princess habang pabalik sila sa kanilang bahay, paano niya ie-explain sa ina ang tungkol kay Smash?
Bahala na...
**
GAYA nang inaasahan ni Princess ay nagulat si Aling Zeny nang makita si Smash. Ipinakilala niya sa ina ang binata—na magalang na yumuko at kumamay kay Aling Zeny. Kumamay rin ito kay Patrick.
Si Smash na rin ang nag-ayos ng TV matapos itanong kay Aling Zeny kung saan ipupuwesto. Ito na rin ang nagkabit ng gadget na sabi nito ay kailangan para maganda ang reception. Habang ikinakabit iyon ng binata ay seryosong hinila si Princess ng ina sa isang sulok.
“Mukhang may hindi ka naikukuwento sa akin,” matigas ang tinig ni Aling Zeny. Wala ang dapat ay excitement nito sa bagong kasangkapan.
“Kailan ko lang siya nakilala, Inay,” aniya.
“Palagay ko nga. Pero parang sobrang lapit n’yo na sa isa’t isa,” sopla nito sa kanya.
Hindi siya nakakibo. Napayuko na lang si Princess.
SUBAYBAYAN!