Skip to main content

style="display:inline-block;width:468px;height:60px"
data-ad-client="ca-pub-9362195310998077"
data-ad-slot="5538685548">

Prinsesa Raketera (Part 3)

Nobela ni KC CORDERO

(Ika-3 labas)

NINETEEN years old pa lang si Princess pero siya na ang kumakayod para sa kanilang pamilya. Patay na ang kanyang ama. Ang nanay niya ay freelance massage therapist sa ilang kakilala nitong mayayamang matrona sa kanilang lugar. May bunso siyang kapatid na lalaki, si Patrick, fourth year high school. Siya na ang nagpapaaral dito. Huminto na siya sa pag-aaral dahil kailangan na nga niyang rumaket.

Okey ang buhay nila bago namatay ang kanyang ama. Isa itong taho vendor na maraming suki. Sarili nila ang maliit na bahay at lote kaya hindi sila umuupa—pagkain, kuryente, tubig at iba pang pangangailangan lang ang kailangang matugunan, at dahil okey naman ang benta ng taho ng tatay niya, nakakaya nito.

Third year high school siya nang mamatay ang kanyang ama. Pinatay, actually. Galing ito sa pagtitinda ng taho at pauwi na nang mapagtripan ng mga adik. Inagaw ang kinita saka pinagsasaksak. Nadala pa naman ito sa ospital pero binawian din ng buhay.

Noon bahagyang nagbago ang buhay nila. Napilitang kumayod ang kanyang ina. Hirap na hirap siya para lang makatapos sa high school. Bago nag-graduation ay nanalo siya sa isang art contest at nakatanggap ng premyong P3,000. Doon siya nagsimulang maging “raketera”.

After ng graduation ay nagtayo siya ng halu-halo store sa tapat ng bahay nila gamit ang P3,000 na napanalunan. Maayos naman ang kita, nasasalo niya ang gastos nila sa maghapon pati na ang puhunan. Nang matapos na ang summer at bumagsak na uli ang ulan, nag-iba naman siya ng produkto; fishballs, kikiam, squidballs, banana cue, camote cue at kung anu-ano pang cue with matching sa-malamig na may konting sago. Okey rin ang kita, para na rin siyang namamasukan na may suweldong minimun.

Pero dahil nasa Pilipinas tayo at sa mga barangay ay walang monopolyo ng maliliit na negosyo, isang kapitbahay nila ang nakapansin na maganda ang takbo ng kanyang tindahan. Dahil mas may pera, nagpagawa ito ng magandang tindahan na may mga mesa at upuan, may free cable TV. Bukod sa mga itinitinda na ni Princess ay nagdagdag pa ito ng sandwiches gaya ng burger at hotdog.

Lumipat dito ang mga dati na niyang suki, and later on ay wala na halos bumibili sa kanya. Na-bankrupt si Princess, at isinara na niya ang kanyang business.

Back to the drawing board siya.

At hindi puwedeng hindi siya kikita. Ayaw niyang mahinto sa pag-aaral si Patrick na pangarap maging seaman. Madalas nitong sabihin, “Pag nakasakay na ako sa barko, Ate Princess, ikaw naman ang mag-aaral. Ituloy mo ang pangarap mong makapagtapos ng fine arts.”

Sa mga ganoong pagkakataon ay magyayakap silang magkapatid na parehong emosyunal at magkakaiyakan sa planong pagtupad sa kanilang mga pangarap.

Pero sa mga pagkakataong sabi nga ay napa-flat ang gulong ng kanilang buhay at napapahinto sa pag-ikot, nalalaglag ang mga luha ni Princess.

Paano niya bubuhayin ang kanyang ina at kapatid? Paano pa nila matutupad ang kanilang mga pangarap?

Sa mga sandaling emotional siya ay dumaraan siya sa simbahan kapag wala nang tao at tahimik na nagdarasal. Inilalapit niya sa Nasa Itaas ang mga kahilingan na makaka-solve sa kanyang mga problema.

At minsan ay para ngang dininig ng Diyos ang kanyang mga dasal.

Paglabas niya ng simbahan ay nakita niya ang mga bagets na nagkakagulo sa puwesto ng isang mama na may bilao sa harapan. Out of curiosity ay nakisilip siya. Mga accessories palang tinda ng mama na yari sa beads ang pinagkakaguluhan ng mga bagets.

 

SUBAYBAYAN!