Skip to main content

Prinsesa Raketera (Part 30)

Nobela ni KC CORDERO

(Ika-30 labas)

NAGPAALAM na si Smash sa ina ni Princess nang hindi nito payagan ang dalaga na sumama sa kanya na mamasyal sa mall.

“Mag-iingat ka sa pag-uwi,” ani Aling Zeny, na pakiwari tuloy ni Smash ay talagang pinaaalis na siya nito. “Patrick, ihatid mo siya sa labasan.”

“Hindi na po. May—”

Hindi na nadugtungan ni Smash ang sasabihin nang muling magsalita si Aling Zeny. “Magpahatid ka na kay Patrick, maraming sira-ulo riyan sa may labasan. Baka makursunadahan ka pa.”

Tumayo na si Patrick para ihatid si Smash. Tumingin siya kay Princess. Bumulong ang dalaga. “Ite-text na lang kita.” At muling pinisil ang binata sa braso.

Nagpasalamat kay Smash si Aling Zeny, for the nth time, at malungkot namanna lumabas na ng bahay nina Princess ang binata.

Hahabol sana ang dalaga rito pero napigilan si Princess ng nanunuring tingin ng ina. Naupo na lang siya sa tabi nito at nakipanood ng TV.

Maya-maya ay sumulpot na sa pintuan nila si Patrick. “Ang lupit ng kotse ng boyfriend mo, Ate!” palatak nito.

Sininghalan ito ni Aling Zeny. “Boyfriend ka r’yan! Tumahimik ka, Patricio!”

Bihirang mambulyaw ang kanilang ina kaya parang tutang napalo dahil nagngangatngat ng tsinelas na tahimik na nagpunta sa kanilang likuran si Patrick at nakipanood na rin.

Pansamantala silang nalibang sa panonood ng palabas sa TV at panay ang tawa nila. Somehow, naghatid uli ng halakhak sa kanilang tahanan ang idiot box na iyon.

Nagmemeryenda na sila nang muling mag-ungkat ang kanyang ina.

“Sino ang lalaking iyon, Princess?”

Ikinuwento niya sa ina ang mga nangyari. Walang labis, walang kulang. Nang mapagkamalan niyang taxi ang kotse ni Smash, ang pagsosoli ng kanyang notebook at two hundred pesos, hanggang samahan siya nitong bumili ng TV kanina.

“May gusto siya sa ‘yo, halata...” komento ni Aling Zeny. “At hindi ‘yun magpapagod para sa ‘yo kung hindi ka niya gusto.”

Hindi nag-react si Princess.

Tumingin sa kanya ang ina. “At alam mo ang ikinatatakot ko?”

“A-ano po?” nagtatakang sagot-tanong niya.

“Gusto mo rin siya...”

“Ang Inay naman—”

Bago pa niya nadugtungan ang sasabihin ay nagsalita na agad si Aling Zeny. “Dumaan din ako sa ganyan at babae rin ako, Princess. Alam ko ang mga ikinikilos ng isang babae pag gusto ang lalaki. At sa guwapong iyon ng bisita mo, imposibleng hindi habulin iyon ng mga babae. Kaya pala ilang araw ka nang laging nakatali ang buhok at nagko-cologne at nagtatagal sa salamin. At ang mga mata mo, parang ilaw sa Pasko kung makakislap kahit magkukuwaresma pa lang.”

Pinamulahan ng mukha si Princess. “Ang Inay naman. Hindi naman po...”

Uminom ng tubig si Aling Zeny at tumayo na. “Ayaw ko sa kanya, Princess. Mayaman ‘yun, lalaitin ka lang ng pamilya niyon. Saka iilang araw mo pa lang siyang nakikilala, baka kung ano pala ang pagkatao niya. Mas gusto ko pa sa kanya si Mik.” Iniwan na siya nito pagkababa ng baso sa mesa.

For the first time mula nang mamatay ang kanyang ama, matapos ang deklarasyon ni Aling Zeny ng diretsahang pag-ayaw kay Smash, nakaramdam muli ng matinding lungkot si Princess.

Kung nalulungkot si Princess ay mas matindi ang frustration ni Smash nang mga sandaling iyon. Nasa kuwarto na ito at iniisip ang mga nangyari kanina.

Okey na sana ang sitwasyon kung hindi lang parang na-off siya sa nanay ng dalaga. Obvious na hindi siya feel ng matandang babae.

Walang tigil ang buntunghininga at pagbuga ni Smash ng hangin para lumuwag ang kanyang dibdib.

Paano siya makalalapit kay Princess kung bantay-sarado ito ng ina?

 

END OF BOOK III

(To be continued...)