Skip to main content

Prinsesa Raketera (Part 31)

Nobela ni KC CORDERO

Book IV

(Ika-31 labas)

MAPAIT na napangiti si Smash nang maalalang binigyan pa ng ina ni Princess ng emphasis ang salitang “kaibigan” nang ipahatid siya kay Patrick. Para bang idinidikta nito, gaya nang naisip niya kanina, na hanggang friendship lang dapat ang status nila ng dalaga.

Muli siyang napailing nang maalala si Mik. Mas may hitsura pala ito sa malapitan. Mukhang mabait. Sa opinyon niya ay middle class ang binata at mukhang may trabaho na batay sa pananamit. At kung hindi man ito syota ni Princess at nanliligaw pa lang, malaki ang advantage nito kumpara sa kanya dahil halos kapitbahay lang ito ng dalaga.

“Man, this ain’t right...” himutok niya.

Kinuha niya ang kanyang iPad Air at nag-Facebook muna. Nakatuwaan niyang hanapin kung may account si Princess. Naalala niya ang apelyido nito kaya hinanap niya sa pangalan. Lumabas naman.

Nag-browse siya sa timeline nito. Walang masyadong update maliban sa mga panindang accessories at T-shirts. Nagpunta siya sa mga photos nito. Mga uploaded artworks ang karamihan.

May isang album na naka-tag ito na may title na “Pizza Time”. Binuksan niya iyon. Kumirot ang puso niya sa nakita.

Ang bonding moment ng dalawa ni Mik sa isang pizza house. Tiningnan niya kung may mga caption. Wala naman. Pero maraming comment mula sa mga kaibigan siguro ng dalawa na nagtatanong kung kailan ang kasal. Walang comment si Princess. Si Mik naman ay smileys lang ang reply sa mga komento.

Inisip niya kung magse-send siya ng friend request kay Princess. Nagdesisyon siyang huwag na lang since mukhang hindi naman ito pala-Facebook.

Pumili siya ng isang photo at nag-save niyon sa kanyang desktop. Tinanggal niya si Mik sa photo at ang itinira lang ay ang mukha ni Princess. Pinalaki niya iyon sa screen. Napangiti siya sa kagandahang minamasdan. Ang prinsesa na ang kaharian ay ang kanyang puso. Matagal niyang minasdan iyon. Pagkatapos ay nag-browse uli siya ng mga photos ng dalawa ni Mik.

Kahit nagseselos siya sa mga photos na nakita, pilit niyang kinukumbinsi ang sarili na walang relasyon ang dalawa.

Sana nga, anang isip niya habang malungkot na nag-log out.

 

NANG araw na iyon ay nasa isang computer shop si Princess para tingnan kung may mga order sa kanya online. May mga customer kasi siya na mas nag-o-order online kaysa mag-text sa kanya. Matapos niyang maisulat sa kanyang notebook ang mga order, naisipan niyang mag-Facebook. Natawa siya nang makita ang mga photos nila ni Mik.

Naalala niya si Smash. Nag-type siya para i-search ang pangalan nito. Muntik na siyang mapahagalpak nang makitang ang profile picture nito ay tulad ng idinikit nito sa kanyang notebook.

Hindi restricted ang account ni Smash. Binasa niya ang mga nasa timeline nito. Maging ang mga komento ng mga friends ng binata—na mukhang puro mayayaman at sosyal. Na-hook siya sa pagbabasa—at sa mga natuklasan sa binata.

Totoong accounting graduate nga ito, pero hindi sinabi sa kanya na certified public accountant na pala. May mga nag-congrats dito nang pumasa sa board.

Ang labis na nakabigla sa kanya, commercial model pala ang binata! Nakasama na bagaman at hindi lead sa ilang commercial sa TV. Mas marami itong naging project sa print. Ang picture nito sa profile at ang idinikit sa notebook niya ay mula sa endorsement ng isang brand ng cologne na panlalaki.

May naramdaman siyang pagmamalaki para sa binata. Na ganoon pala talaga ito ka-humble at hindi put on lang.

 

SUBAYBAYAN!