Skip to main content

Prinsesa Raketera (Part 32)

 

Nobela ni KC CORDERO

(IKa-32 labas)

NATUWA si Princess nang matuklasan ang maraming bagay tungkol kay Smash sa Facebook account nito. At the same time, nakaramdam din siya ng panliliit. Hindi ordinaryong tao pala si Smash. May punto rin ang kanyang ina—hindi pa niya lubusang kilala ang binata. Pero kung may mga natuklasan man siya sa pagkatao nito, magaganda naman iyon.

Nag-enjoy siya sa pagbabasa sa mga timeline posts nito. Nagkopya siya ng isang picture nito at saka ipina-print. Sosorpresahin niya ito pag nagkita silang muli.

Naglalakad na siya pabalik sa kanilang bahay nang may marinig siyang busina mula sa likuran. Lumingon siya.

Si Mik...

Inihinto nito ang scooter sa tapat niya. “Sakay na,” yaya nito sa kanya.

Tahimik siyang sumakay. Nakakapanibago ang katahimikan ni Mik ngayon. At nahuhulaan niya kung bakit. Noong Sabado ay nakita niya ang kakaibang lungkot sa mukha nito nang makita sa kanilang bahay si Smash. For the longest time ay wala siyang pinapapasok na ibang lalaki sa kanilang bahay maliban dito. Alam niyang nakakaramdam din si Mik na baka matinding karibal nito si Smash.

“Pasok ka muna,” yaya niya rito nang makababa.

Tumingin sa relo si Mik. “Puwede ba tayong mamasyal? Maaga pa naman. Kung wala ka lang namang gagawin. Magpapalit lang ako ng damit.” Naka-polo shirt kasi ito ng kanilang company.

Gusto sana niyang tumanggi dahil plano na niyang gawin ang sorpresa kay Smash, pero ayaw niyang makahalata sa kanya nang todo si Mik.

“Sige. Itatago ko lang itong mga gamit ko. Saka magpapaalam ako kay Inay.”

Nang magpaalam siya sa ina ay nanunuri ang tingin nito. “Si Mik ba talaga ang kasama mo?”

Gusto niyang magtampo sa ina pero kinalma niya ang sarili. “Susunduin niya ako, Inay. Nagbibihis lang po siya.”

Hindi na sumagot ang matandang babae at nagpatuloy sa panonood ng TV. Nang dumating si Mik ay sumungaw lang ito sa pintuan nila para ipagpaalam siya. Sa isang popular na burger house siya isinama nito. Umorder sila ng combo ng spaghetti, hamburger sandwich, fries at large softdrinks.

Tahimik lang ang pagkain nila. Walang selfies ngayon. Parang malayo ang iniisip ni Mik.

Maya-maya ay nagtanong ang binata. “Nanliligaw ba sa ‘yo si Smash?”

Umiling siya.

“Hindi nga?” tanong pa nito.

“Hindi nga.”

“Saan mo siya nakilala?”

Gaya ng naging narrative niya sa ina ay inulit niya kay Mik ang naging pagkikilala nila ni Smash—minus of course ang mga kilig moments.

“Type ka noon,” anito.

Hindi siya kumibo.

“Patay ako nito,” si Mik pa rin. “Mukhang mauunahan pa niya ako.”

Napamulagat siya sa rebelasyong iyon. First time, not in a direct way though, ay ginawang todong obvious ni Mik ang feelings para sa kanya.

Nagpatay-malisya siya. Kunwa’y di pinansin ang sinabi nito. “Oy, bakla... anong emote ‘yan, ha?”

Yumuko si Mik. “Ngayon ko na sasabihin, Princess. Gusto kita. Gusto kitang maging syota.”

Napanganga siya. Hindi tuloy siya nakasipsip sa kanyang softdrinks.

“’Yun... nasabi ko rin sa wakas,” ani Mik. “Siguro naman ramdam mo na kung ano ang meron ako para sa iyo noon pa. Kaya nga ginagalingan ko sa trabaho para pag naging tayo, maging proud ka sa akin.”
Huminga siya nang malalim. “Lagi naman akong proud sa ‘yo, Mik. The best ka para sa akin.”

“Proud bilang kaibigan. Pero mas pa sa pagiging friend ang habol ko.”

Napabuga sa hangin si Princess.

 

SUBAYBAYAN!